TILA kasamang naglaho ang mithiin ng Tomasinong si Teodoro Benigno Jr. para sa Pilipinas sa kanyang pagpanaw noong Hunyo 3 sa edad na 81 dahil sa kumplikasyon sa kanyang atay.
Sinabi ni Mila Alora, isang manunulat at dating ka-trabaho ni Benigno sa Office of the Press Secretary sa administrasyon ni Pangulo Corazon Aquino, na pinangarap ng yumaong kolumnista na makitang sumabay ang Pilipinas sa pag-unlad ng ibang bansa sa Asya.
“Noong dekada ’50, tinitingala tayo ng mga ibang tao dahil pumapangalawa (ang bansa) sa Japan sa Asya, ani Alora. “Ngayon, ang Pilipinas ay number ewan.”
Idinagdag ni Alora na madalas kutsain ni Benigno ang mga kinauukulang umaabuso sa kanilang kapangyarihan at may mga “sobrang kayamanan.”
Nagtapos si Benigno ng kanyang kursong pre-law sa dating UST College of Liberal Arts noong Mayo 1946, isang taon matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nag-aral din siya sa Faculty of Civil Law ng taong iyon.
Unang nakilala si Benigno bilang isang sportswriter. Nang malaon, naging pulitikal na kolumnista siya ng Philippine Star. Tinawag niya ang kanyang kolumn na Here’s the Score.
“Alam niya kung paano gumamit ng mga salitang makaka-apekto sa kanyang mga mambabasa,” sabi ni Alora.
Samantala, sinabi ni Nelson Navarro, isang kolumnista sa Philippine Graphic, na tinitingala si Benigno ng ibang mga mamamahayag dahil sa kanyang integridad at propesyonalismo sa trabaho.
Madalas maging panauhin si Navarro sa dating pantelebisyong programa ni Benigno na Firing Line. Iniimbitahan siya ni Benigno para sa buwanang “slambang” kung saan magdidiskusyon sila, kasama ng iba pang mga panauhin, tungkol sa kahit anong usapin lalung-lalo na ang pulitika.
“Mataas ang inaasahan niya (Benigno) sa mga taong nagtatrabaho sa gobyerno,” ani Navarro.
Nagsimula ang karera ni Benigno sa pagsusulat bilang isang police reporter at nang lumaon, bilang manunulat pampalakasan at kolumnista sa dating Manila Chronicle.
Sumali siya Agence France Presse (AFP)-Manila Bureau noong 1950 bilang correspondent. Naging pinuno siya ng naturang kawanihan makalipas ang 12 taon.
Panandaliang nakulong si Benigno noong 1950 ng militar sa pag-aakalang miyembro siya ng Partido Komunista.
Nagkamit si Benigno ng master’s degree sa political science at nag-aral ng linguwaheng Pranses sa Institut de Sciences Politiques. Pinangaralan siya ng Gobyernong Pranses ng French Legion of Honor noong 1989.
Kasama ng ibang mga mamamahayag, itinatag ni Benigno ang Foreign Correspondents Association of the Philippines dalawang taon makalipas i-deklara ng diktador na si Ferdinand Marcos ang Batas Militar. Nilayon ng FOCAP na ipaglaban ang karapatan sa malayang pamamahayag.
Pagkatapos mag-retiro sa AFP noong 1987, sumapi siya sa gobyerno sa ilalim ng dating Pangulong Aquino bilang kalihim ng Press hanggang 1989. Edsel Van d.T. Dura at Miko L. Morelos