Muling paggamit ng Baybayin, dapat bang pag-ibayuhin?

0
44567

BAWAL tumawid, may namatay na rito.

Nang marinig ko sa unang pagkakataon ang mungkahing batas na ilangkap ang Baybayin sa mga babala sa kalsada, naisip ko agad ang mahabang islogan na ito. Nag-alala ako na baka masyadong malaki ang espasyong hiramin nito sa mga lansangan.

Kung isusulat sa Baybayin ang “No jaywalking,” halimbawa, daraan muna ito sa malalim na diskurso hinggil sa tunay at istandardisadong bersyon ng Baybayin sapagkat walang titik “J” sa orihinal nitong anyo. Ngunit kung nakaligtas ang maling balarila sa paalalang ito (‘rito’ dapat, hindi ‘dito’), makasasabay rin kaya ito sa mga posibleng pagbabago sa kasalukuyang sistema ng pagsulat?

Sa ilalim ng House Bill no. 4395 o National Script Act 2011 na muling inihain noong nakaraang taon, hinihikayat ang muling pagtakda sa Baybayin bilang pambansang sistema ng pagsulat sa pamamagitan ng pang-araw-araw na paggamit nito.

Nakasaad sa mungkahing batas ang paglalangkap ng Baybayin sa mga logo at islogan ng mga pribado at pampublikong organisasiyon, maging sa mga babala at paalala sa lansangan.

Kapag naipatupad ito, kailangan nang isulat sa Baybayin ang Jollibee, Mercury Drug, Social Security System at iba pang mga lokal na kompanya at tanggapan.

Bukod pa rito, inilunsad kamakailan lamang ang Baybayin Keyboard, isang libreng mobile application. Maaaring makatawag ito ng pansin ng ilang kabataan, at maging interesado rin sila na buhayin ang sinaunang sistema ng pagsusulat sa Filipinas.

Nakatawag ito ng atensiyon ng ilang kabataan, na iminungkahi rin ang muling pagbuhay sa sistema ng pagsulat na may makabuluhang ambag sa kasaysayan ng Filipinas.

Magugunita ring nagsagawa ng serye ng mga palihan ang Pambansang Museo noong nakaraang taon para sa mga nais matutong magsulat sa Baybayin.

Ngunit para kay Jose Victor Torres, Tomasinong historyador, hindi magiging madali ang pag-udyok sa masa na ibalik ito bilang pambansang sistema ng pagsulat sa Filipinas.

Ipinaliwanag ni Torres sa isang panayam sa Varsitarian na hindi magiging madaling ibalik ang Baybayin sapagkat ilang siglo na ang lumipas mula noong huli itong gamitin nang malawakan. Sa madaling salita, hindi na ito makasasabay sa daloy ng modernisasyon.

Kung pasulat na pagpapahayag ng kaalaman naman ang pag-uusapan, hindi kaya dapat ding pagtuunan ng pantay na pansin at enerhiya ang pagsulong sa Filipino bilang pangunahing wika sa bansa?

Sa gitna ng mga diskurso hinggil sa muling pagbuhay sa Baybayin, dapat alalahaning nananatili pa rin naman ito sa mga museo sa bansa bukod sa patuloy na pagtuturo nito sa klase.

Dapat ding suriin kung ang muling paggamit sa Baybayin ay tunay na pagpapahalaga sa kasaysayan ng Pilipinas o simpleng pagpapalamuti lamang. Kung gayon, kinakailangan munang aralin nang mabuti ang kasaysayan at kahulugan nito hindi lamang ng mga nangunguna sa pagsulong nito, kundi pati ng mga gagamit nito.

Ika nga ni Jerry Gracio, komisyoner para sa mga wika sa Samar-Leyte sa Komisyon sa Wikang Filipino, sa isang panayam sa Varsitarian: “’Yong pag-aaral ng Baybayin ay kailangan para malaman natin kung saan tayo nanggaling. Pero ang importante ay hindi lamang ‘yung ating pinagmulan kundi [pati] ‘yung ating kasalukuyan.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.