SIYAM na buwan na ang nakalilipas mula nang magpuyos ang kontrobersya tungkol sa Reserve Officers Training Corps (ROTC) sa Unibersidad. At hanggang ngayon, patuloy pa rin itong lumilikha ng ingay na siyang dahilan kung bakit higit na pinag-uusapan ang ROTC ngayon. Dahil dito, binalikan ng Varsitarian ang makulay nitong kasaysayang sa Unibersidad din nagsimula, mahigit 230 taon na ang nakalilipas.

“Muy Leal”

Unang nakita ang pangangailangan para sa pagbuo at pagsasanay ng isang grupo ng mga kalalakihang magtatanggol sa bansa noong panahon ng mga Kastila.

Noong Setyembre 27, 1762, sakay ng 13 sasakyang pandigma, dumating sa Pilipinas ang isang pangkat ng mga Ingles sa pamumuno nina Admiral Samuel Cornish at General William Draper. Dahil dito, bumuo si Padre Domingo Collantes, noo’y Rektor ng Colegio de Santo Tomas, ng pangkat na binubuo ng 200 kabataang Tomasino at ilang mula sa Colegio de San Juan de Letran na may edad 20–22 taon. Sumailalim ang nasabing grupo sa mga pagsasanay sa Sto. Tomas Plaza, Intramuros, Maynila.

Kasama ang 500 Hispano-Filipino regulars o mga rehimyento ng hari, at 80 mandirigmang Filipino, nakipaglaban ang 200 Tomasino sa humigit-kumulang 7,000 sundalong Ingles.

Umabot ng halos limang araw ang labanang nagdulot ng pagkasawi at pagkasugat ng mga manananggol. Upang maiwasan ang tuluyang pagkaubos ng mga tauhan, nagpasya si Governor-Archbishop Manuel Antonio Tojo na sumuko na lamang ang puwersa sa mga Ingles. Noong Oktubre 10, 1762, napasailalim na sa pamamahala ni Lt. Gen. Dawson Drake ang Maynila.

Sa kabila ng kanilang pagkatalo, kinilala pa rin ng hari ng España ang kagitingan ng mga Tomasino. Ibinigay niya ang titulong “MuyLeal,” nangangahulugang “Very Loyal,” sa mga ito at ang titulong “Royal” para sa institusyong kanilang kinabibilangan, ang Colegio de Santo Tomas.

READ
Manunggul

Commonwealth Act No. 1

Pagkalipas ng 174 taon, muling umigting ang pangangailangan para sa puwersang pandepensa na magbibigay-seguridad sa Pilipinas mula sa panloob at panlabas na mga banta.

Noong 1936, bilang paghahanda at proteksyon laban sa pananakop ng mga Hapon, ipinasa ng kauna-unahang Pambansang Asembleya ang National Defense Act o ang Batas Komonwelt Bilang 1.

Sa nasabing batas, kinakailangang sumailalim sa pagsasanay-militar ang lahat ng mga Pilipinong kalalakihan upang magsilbing karagdagang puwersa sa panahon ng digmaan, pananakop, rebelyon, at kalamidad.

Bilang tugon sa pangangailangan ng mas malakas na puwersa, kinuha ni Pangulong Manuel Quezon ang serbisyo ni Gen. Douglas MacArthur, retiradong Chief of Staff ng United States Army noon.

Sa tulong ni Major Dwight Eisenhower, pinatatag ni MacArthur ang sistemang pandepensa ng batas sa pamamagitan ng pagbuo ng dalawang organisadong puwersa–isang “regular force” kasama ang Konstabularyo ng Pilipinas at isang “reserve force” na kinabibilangan ng mga magtatapos sa Preparatory Military Training ng mga mag-aaral sa elementarya at hayskul, at ROTC naman para sa mga nasa kolehiyo.

ROTC sa UST

Bilang pagsunod sa Batas Komonwelt Bilang 1, ginawang mandatory course sa lahat ng Unibersidad ang ROTC noong Setyembre 3, 1936 na naging dahilan ng pagkakabuo ng Golden Corps. At sa loob ng nasabing taon, itinatag ng UST ang Department of Military Science and Tactics (DMST).

Noong Setyembre 28, 1936, itinalaga bilang kauna-unahang commandant si Major Alfredo Ramirez. Sina 1st Lt. Ceferino Garcia ang kanyang naging executive officer at si 3rd Lt. Jorge Barrenengoa naman ang adjutant. Samantala, si Enrique Quema naman ang naging kauna-unahang corps commander. Sa unang taon nito, sa ilalim ng pamamahala ng noo’y Secretary General ng Unibersidad na si P. Jesus Valbuena, O.P., 700 kadete ang nagtapos ng programa ng ROTC.

READ
Words

Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1941, nahinto ang programang ROTC sa 33 kolehiyo at pamantasan, at nasubukan ang kasanayan ng mga kadete sa pakikipaglaban. Dalawang libong Tomasinong kadete ang nag-alay ng buhay upang ipagtanggol ang bayan mula sa mga mananakop na Hapon.

Pagkatapos ng matagumpay na digmaan laban sa mga Hapon, muling ibinalik ang ROTC noong Setyembre 13, 1946 sa pamamagitan ng General Order No. 528. Si Major Manuel Cabal ang naitalagang commandant at si Roberto Maravillas naman ang naging corps commander matapos ang digmaan.

Kasalukuyan

Hanggang sa ngayon, patuloy pa rin ang programa ng ROTC bilang pagpapatupad sa Artikulo II, Seksyon 4 at Artikulo XVI, Seksyon 4 ng Saligang Batas.

Naglalayon ang mga probisyong ito na magkaroon ng isang regular na puwersang magbibigay-katiyakan ng personal na serbisyo militar at sibil para sa seguridad ng estado.

Kamakailan lamang, ipinahayag ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na gagawin nang optional ang ROTC sa susunod na semestre.

Sa kabila ng lahat ng kontrobersyang pinagdadaanan ng ROTC, hindi maitatanggi ang mahalagang ginampanan nito sa kasaysayan. Marangal ang layunin ng pagtatag ng ROTC sa bansa. Layon nitong matiyak ang katatagan ng estado sa oras ng pangangailangan. At marahil, upang maayos ang lahat ng kaguluhang kinakaharap nito ngayon, kailangan lamang muling balikan at pag-aralan ang noo’y malinis nitong kasaysayan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.