ANG TAO ay isang manlalakbay. Nais niyang talikuran ang mga pasakit na bumabalot sa kanyang kapaligiran. Nais niyang layuan ang mga hinagpis na pumupunit sa kanyang puso. Nais niyang takbuhan ang kawalan ng pag-asang namamayani sa kanyang pagkatao.

Gusto ng isang nilalalang na maglakbay papuntang Eden. Nais niyang paliguan ang kanyang balat sa init ng araw. Gusto niyang makinig sa mga bulungan at harutan ng hangin at ibon. Gusto niyang uminom sa mga batis, makipaglaro sa kapwa niya nilalang, at mahiga sa mga damo at dahon.

Sawa na siya sa kanyang mundo. Unti-unti na itong nagiging isang lubid na pilit sinasakal ang kanyang katauhan. Hindi na niya alam ang kahulugan ng pagiging malaya. Nabubuhay siya sa pangambang maaari siyang sumunod sa mahabang listahan ng mga sawi at di pinagpala.

Batid niyang nabiyayaan siya ng angking katalinuhan. Namuhay siya sa pagnanais na makamit ang sagot sa lahat ng mga katanungan. Nabigyan siya ng kakayahang magnilay-nilay sa mga pangyayaring bumabalot sa kanyang kapaligiran. Ang buhay para sa kanya ay hindi lamang tungkol sa paghahanap ng makakain at masisilungan kung hindi ang pagbibigay-kahulugan na rin sa kanyang katauhan at kapaligiran.

At dahil sa kanyang angking katalinuhan, nakaya niyang iangat ang antas ng kanyang pamumuhay. Ang tinatamasa niyang kariwasaan ay dulot ng kanyang malawak na imahinasyon at kahandang lagpasan ang lahat ng mga balakid makamit lamang ang mga minimithi. Dito niya napatutunayan na kayang abutin ng ninuman ang mundo ng panaginip.

Subalit mailap pa rin sa kanya ang kasiyahan. Nakikita pa rin niya ang kanyang mga kauring lumulunok ng mga pagkaing kahit aso ay ayaw tikman. Naririnig pa rin niya ang mga hinagpis ng mga batang nawalan ng mga magulang. Nadarama pa rin niya ang matinding kawalan sa kanyang puso dahil sa mga mabuting gawa na hindi man lang binigyang-halaga.

READ
Cueto: ROTC, mahalaga

Saan ba siya nagkulang? Bakit hinayaan niyang gawin siyang alipin ng kanyang sariling katalinuhan? Bakit pinili niya ang mga bagay na nagbibigay ng panandaliang kaligayahan at sa huli ay nagdulot din ng matinding kahirapan?

Sa pagnanais na maabot ang paraiso, bakit siya nilalayuan nito? Lahat ng kabiguan at kahirapan ay kanyang iniwasan sa pag-aakalang ang buhay ay puno ng sarap at katiwasayan. Pinilit niyang mamuhay nang marangya. Pinilit niyang abutin ang lahat ng kanyang mga pangarap kahit marami siyang nasasagasaan. Minadali niya ang lahat, naging madali na rin ang kanyang kabiguan. Ngayon, isa na siyang sawi na gustong takasan ang mundo at magtago sa paraiso.

Hindi niya inakalang sa kanyang malaya at malawak na pag-iisip ay makagagawa siya ng mga makinang handang kumitil ng maraming buhay sa isang kalabit lamang. Hindi niya namalayang ang tinatawag niyang kaunlaran ay isa ring panibagong salot sa mga mahihina at kaaba-aba.

Namalayan na lamang niya ang kanyang sarili na nagtatanong kung saan siya nagkulang. Ngunit bakit kailangan pa niyang lisanin ang mundong ito na kahit papaano ay humubog sa kanya?

At ano kaya ang madadatnan niya sa paraiso? Malinis pa ang mga ilog, sariwa pa ang nalalanghap na hangin. Maamo ang mga hayop, mapagmahal at mapagbigay ang iba pang nilalang. Walang suliranin—isang habangbuhay na kasiyahan at nag-uumapaw na pag-iibigan.

At pagdating niya roon, nalutas na kaya niya ang kanyang mga suliranin? Naituwid na ba niya lahat ang mga maling nagawa sa kanyang totoong mundo? May naiambag ba siya sa pagpapabuti ng lipunan para sa susunod na salinlahi?

READ
Students cry foul over music tribunal verdict

Hindi nalulutas ang isang bagay kung ito ay tinatalikuran. Ang mundo na kanyang kinamumuhian ay ang mundong tumanggap sa kanya noong kailangan niya ito, bumati noong nagtagumpay siya, nakidalamhati noong nabigo siya. At sa mga kakulanganng nararamdaman niya, walang ibang sisisihin kung hindi ang kanyang sarili. Hinayaan niyang angkinin ng kasakiman ang kanyang katauhan, na siyang nagbugso sa kanya upang gawin ang mga karumal-dumal sa kanyang kapwa at sa kapaligiran.

Hangga’t umiikot pa ito ng tamang landas sa araw, ang mundo ay may pag-asa pang bumangon mula sa kanyang kinasasadlakan. Ang tao ay hindi likas na mapanira. Madali para sa kanya na ibangong muli ang mundo kung ang sandata niya ay sapat na determinasyon, pag-asa at pagmamalasakit.

Gagamitin niya ang kanyang angking talino sa pagsakop ng mga bagong agham na hindi nagdudulot ng pinsala sa kanyang kapwa at mundong ginagalawan. Gagamitin niya ang kanyang imahinasyon sa pagtawid sa lahat ng mga pagsubok na walang inaapakan.

Mahirap mang ituwid ang lahat, ang mahalaga ay nagampanan niya ang kanyang tungkulin bilang isang nararapat na nilalang sa mundo. Ang mahalaga ay isa siyang buhay na halimbawa sa iba—handang talikuran ang mga panandaliang sarap sa pagnanais na maisalba ang mundo mula sa moral at pisikal na pagkakalugmok nito. Ang mahalaga ay sinimulan niya ang unang hakbang na siyang mag-uudyok sa iba na tapusin ang paglalakbay. Paglalakbay hindi mula sa paraiso ng kanyang mga unang magulang, kung hindi paglalakbay patungo sa isang pagbabago.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.