MATAPOS ang ilang gabing walang tulugan sa paggawa ng projects at pagre-review ng mga aralin, tila parang hanging nagdaan lang ang bakasyon ito. Akala ko’y makakabawi na ang nangangayayat kong katawan sa kawalan ng tulog at pahinga sa nakalipas na sampung buwan, ngunit hindi pala.

Dahil mainit na nga, mahirap nang makatulog. Sino ba naman ang may gusto na pinagpapawisan siya habang nakahiga lamang at humihilik?

Ayon na rin sa mga nabasa ko tungkol sa insomnia, maraming dahilan kung bakit ito nangyayari. May mga taong hindi lamang tuwing tag-init inaatake ng insomnia. Sila ang mga taong kahit anong panahon, nahihirapang makatulog o kaya nama’y gising pa rin habang nahihimbing na ang mundo dahil chronic o biglaan, o ‘di kaya’y namana nila ang insomnia ng kanilang magulang. May mga tao ring pang-habambuhay ang insomnia.

May mga ibang tao namang inaatake ng pagkawala ng antok dahil tila nasanay sila sa limitadong oras ng pagtulog. Gaya ng mga estudyante, dahil bakasyon na, iniisip nilang ayos lang ang magpuyat para manood ng telebisyon, gumimik, mag-internet, at kung anu-ano pa, dahil wala namang klaseng dapat paghandaan kinabukasan.

Siyempre, hindi nawawala ang mga taong napeperwisyo sa insomnia. Gaya ng nabasa akong kuwento tungkol sa isang ginang na kinaiinisan ng kanyang asawa. Tulog kaagad ang ginang pagkahiga sa kama habang mag-iisip pa ng kung anu-anong paraan ang lalaki para lamang makatulog.

Sa kabilang banda, ako naman ang tipong pasumpong-sumpong ang insomnia. Tuwing bakasyon, natutuwa akong nananatiling gising habang tahimik ang buong bahay. Maaari na akong magbasa, magsulat, o mag-kompyuter na walang gumagambala sa akin. Mas nakakapag-isip din ako at hindi padalos-dalos ang pagsusulat o pagbabasa. Panatag sa tahimik na bahay—isa itong malaking pagbabago mula sa nakaraang mga araw kung saan nagpupuyat ako para matapos ang mga sulatin o mga proyektong kailangang tapusin. ‘Ika nga, walang pressure.

READ
Asia's killing disease

Minsan halos buong gabi lang akong nakahiga sa kama. Nananaginip nang gising, napapangiti, at naiinis sa mga alaalang bumubulabog sa dis-oras ng gabi. Mga panahong palipat-lipat ako ng puwesto sa kama para makondisyon ang utak ko na magpahinga kahit sandali.

Ito ang panahong gusto ko nang makatulog ngunit ayaw pa ring sumuko ng katawan ko sa ilang oras na walang kamalay-malay ang bahagi ng mundo ng pagtulog.

Marami naman akong natututunan ‘pag dumarating ang mga gabing hindi ako makatulog. Nalalaman ko kung sino sa mga kasambahay ang humihilik nang malakas; natutuklasan ko ang mga nagsasalita habang tulog; kakapa ng mga palabas na hindi ko pa napapanood at kapag sinusuwerte, napapanood ko ang mga meteor shower o kaya ang magandang pagsikat ng araw.

Ito ang ilan sa mga bagay na nagbibigay-saysay sa pagiging insomniac. Ang mga bagay na hindi ko nakikita habang gising ang mundo ay napapansin at nabibigyan ko ng puna o halaga.

Marahil, maraming “mukha” ang insomnia. Maaari itong isang sakit, o isang simpleng problemang hindi kailangang palakihin. Ngunit kung sakit man ito, marahil gaya ng kahit anong sakit, matututunan ninuman na pahalagahan ang mga bagay na hindi nabibigyang-halaga habang siya ay “malusog”.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.