BINATIKOS ng mga estudyante ng Unibersidad ang tinanghaling pagsuspindi ng klase dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan noong Agosto 13 na siyang ikalawang araw ng preliminary exams para sa karamihan ng mga kolehiyo ng Unibersidad. Alas-10:45 na ng umaga nang ideklara ng UST na suspindido ang mga klase.
Ayon sa mga estudyanteng nakapanayam ng Varsitarian, nahirapan silang pumunta sa UST dahil sa malakas na ulan.
Pagdating nila sa Unibersidad, wala na palang pasok.
“Mas maganda sana kung mas maaga nila sinabi kasi para ‘di naman na-stranded yung mga estudyante,” wika ni Erin Ong, isang estudyante ng Faculty of Pharmacy na nasa ikatlong taon.
Ayon naman sa isang estudyante mula sa Conservatory of Music na tumangging magpakilala, nakakadismaya ang nahuling pagsuspindi ng klase.
“Just imagine walking from UST to Broadway Avenue (now Rodriguez Avenue). If they suspended (the classes) earlier this could have been avoided,” dagdag pa niya.
Ngunit sinabi ni UST Secretary-General P. Winston Cabading, O.P., hindi masisisi ang Unibersidad sa nahuling pagsuspindi ng mga klase.
“Mahirap kasi magpasya sa mga ganitong bagay. Lalo na hindi naman bagyo—passing rains lang siya, mahirap matantya kung tatagal ba ang ulan o 10 minuto lang ang tagal niya,” sabi ni P. Cabading.
Idinagdag pa niya na pinag-isipan rin nilang ituloy na lamang ang mga pagsusulit dahil hindi na rin makakalabas ang mga estudyante dahil sa baha. Ngunit sinuspindi ng Unibersidad ang mga klase dahil mayroong mga estudyante na maaring binaha na sa kani-kanilang tinitirhan at hindi na rin makakapasok, ayon kay P. Cabading.
Nagbigay naman ng tulong ang Unibersidad sa mga na-stranded na estudyante.
Sa pamamagitan ng Office for Student Affairs, nagpadala ng mga 6×6 trucks na siyang naghatid sa mga estudyante sa mga pangunahing daanan tulad ng Lawton at Rotonda.
“(Hinintay namin yung) truck na sinasabi nila pero pagdating naman, pinili lang yung mga sasakay,” sabi ni Joel Zaporteza, Journalism student ng Faculty of Arts and Letters.
Mga babae umano ang inuuna ng mga naturang mga sasakyan, kahit bandang ika-anim na ng gabi nakarating ang mga ito dahil na-ipit sa trapiko.
Pinakiusapan din ng Unibersidad na manatiling bukas ang UST Cooperative canteen para sa mga estudyante.
Ngunit ayon kay Fr. Cabading, hindi ginawang libre ang mga pagkain dahil hindi pa naman gabi, kung saan mas malaki ang posibilidad na hindi na talaga makakauwi ang mga estudyante hanggang sa kinabukasan.
Sinuspindi ang mga klase bandang 10:45 ng umaga para sa mga may pagsusulit ng ika-11 ng umaga. Ngunit makalipas lamang ang ilang minuto, nagkaroon ng flash floods galing Quezon Avenue. Dahil dito, na-stranded ang karamihan sa mga estudyante at gabi nang nakauwi. Elka Krystle R. Requinta at Ma. Cristina S. Lavapie