UNANG araw ng pasukan.

Tahimik ang lahat ng tao sa loob ng silid-aralan. Hindi pa rin nagbabago ang mga mukhang nadatnan ko. Sa loob ng dalawang buwan na hindi namin pagkikita, walang nangahas na malaman ang kalagayan ng bawat isa. Pangalawang taon na namin itong magkakasama sa isang silid subalit tila naninibago pa rin ang lahat sa isa’t isa. Sa pagbukas ko ng pinto, naghahabulan ang kanilang mga mata sa pagkilala kung sino ang pumasok. Kinumusta nila ako na sinuklian ko naman ng ngiti. Agad akong naupo. Napagod ang mga paa ko sa layo ng paglalakad kaya minabuti kong idapo ang aking paningin sa labas. Mga bulong at kaunting tawanan lang ang maririnig. Hindi tulad noong isang taon na sigawan at malalakas na halakhak ang umaalingawngaw sa paligid.

Puno ng buhay ang silid na ito noon. Bawat isa ay may kuwento. Mistulang tagapagsalita sa radyo ang iba, hindi mapigilan ang malayang pag-agos ng salita sa kanilang bibig. Ang iba naman, kuntento na sa pakikinig. Mayroon ding asal-pulitiko. Lahat nilalapitan, waring nangangampanya sa eleksiyon. Subalit biglang mapuputol ang kasiyahan sa pagpasok ng gurong masungit.

Naputol bigla ang tagpo sa alaala ko nang lapitan ako ng isa sa aking kaklase.

“Wala na siya.” bulong niya sa akin, “Hindi na makakapasok si Basura. Sayang, nakapag-enrol siya.”

Biglang nagsitayuan ang mga balahibo ko. Hindi ko inaasahang wala na siya. Bagama’t hindi kami gaanong nagkasama, naging malapit kami sa isa’t isa. Namalayan ko na lamang ang aking sarili na nagtatanong. Bakit siya pumanaw? Kagagawan ba niya ang kanyang pagkawala?

Tandang-tanda ko pa noon. Halos isang linggo na ang nakalipas pagkatapos ng pasukan. Datapwa’t lahat kaming magkaklase ay ngayon lang nagkasama, wala pa akong kakilala sa buong klase. Nakaupo lang ako sa may tapat ng pintuan, nakatingin sa labas ng silid. Bakante ang upuan sa tabi ko kaya pansin na pansin na nag-iisa ako. Ang lahat naman ay nakikipag-usap sa mga katabi. Hindi ko namalayan nang biglang may lumapit sa kinauupuan ko at nag-abot ang kamay.

“Noel nga pala,” sambit niya.

Kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang kasiyahang makipagkilala sa amin.

“Carlo, pare!” sagot ko, sabay abot sa aking nanlalamig na kamay. Hindi ako sanay na makipag-usap sa mga taong ngayon ko lang nakilala.

Iyon ang una naming pagtatagpo. Mga ilang segundo lang ang tinagal ng pag-uusap namin. Gusto daw niyang makilala ang lahat kaya magkuwentuhan na lang daw kami sa ibang araw. Napansin kong masayahin siyang tao. Laging balot ng ngiti ang kanyang mukha. Hindi tulad ko, palaging seryoso.

Lahat ng nag-iisa ay kanyang nilalapitan. Ayaw niyang makakita ng taong nag-iisa.

“Kung maaari lang na pakisamahan ko ang lahat,” sabi niya minsan, “gagawin ko, basta walang malungkot.”

Buhay na buhay ang paligid kapag nandoon si Noel. Bida siya sa aming klase. Walang nababagot pag nagsasalita na siya. Mga lugar na napuntahan, mga nakilalang tao, mga nakaaway, mga kasamahan nila sa negosyo, lahat ng mga ito ay kinukuwento niya. Minsan naibabahagi rin niya ang personal na pangyayari sa kanyang buhay, tulad ng pag-ibig at mga gulong napasukan niya. Hindi siya nahihiya dahil ayon sa kanya, wala siyang ikinahihiya sa kanyang buhay.

READ
VP says education key to peaceful society

“Nag-iisa ka na naman diyan, pwede ba akong makisabay?” tanong niya nang minsang papalabas ako sa aming klase.

“Oo naman,” tugon ko sa kanya habang pinupunasan ang aking pawis sa noo dahil sa matinding init.

Habang naglalakad kami, nasabi niya na naaalala niya ang kanyang nakalipas sa tuwing nakikita ako. Pareho daw kami noon, tahimik at nag-iisa. Napansin kong nagbago ang kanyang tono nang aminin niyang ayaw niya ang pag-uwi sa kanilang bahay. Problema lang daw ang sasalubong sa kanya.

Tinanong ko kung ano ba ang nangyayari sa kanila, subalit sa halip na sumagot, sinipa na lang niya ang isang maliit na bato sa kanyang paanan. Gusto kong tingnan ang mga mata niya para malaman ko kung ano ang ipinapahiwatig ng mga ito. Subalit nakatuon ang kanyang pansin sa mga sasakyang dumadaan sa aming harapan. Pilit itinatago ang mga mata niya sa aking nagtatanong na paningin.

Hindi nagtagal, may dumaang dyip. Tumigil ito sa aming harapan. Nagpaalam ako at sinabi kong mag-ingat siya. Ngiti lang ang isinukli niya. Habang papalayo ang dyip na sinasakyan ko, tiningnan ko siyang muli. Akala ko’y babalik muli ang sigla niya subalit malungkot pa rin siya. Iba ang Noel na nakikita ko ngayon kumpara sa kanyang inaasal sa loob ng paaralan. Nag-iba ang ayos ng kanyang tindig. Nakayuko ang ulo at nakasilid sa kanyang magkabilang bulsa ang mga kamay.

Mula noon, naging malapit na kami sa isa’t isa kahit magkaiba kami sa maraming bagay. Tahimik lang ako samantalang maingay siya. Nag-aaral ako kapag wala ang guro samantalang abala naman siya sa pakikipagkuwentuhan.

Lumipas ang ilang buwan, napansin ko ang kanyang mga pagbabago. Bigla na lamang mananahimik at pagkatapos ay mag-iingay na naman. Kakaiba ang ikinikilos niya sa akin at sa iba. Pinipili ang kinakausap at nilalapitan. Minsan, seryosong pinag-uusapan namin ang kanyang mga plano sa buhay nang biglang lapitan kami ng isa sa aming mga kaklase. Biglang nagbago ang kanyang pananalita. Napalitan ng masigla at masayang boses ang kani-kanina lang na malumanay at seryosong tono.

Nang hindi siya pumasok ng ilang araw, nag-iba ang kondisyon sa loob ng silid. Hinahanap na siya ng mga kaklase namin. Naging malungkot ang klase noong nawala siya. Subalit walang naglakas loob na alamin kung ano ang nangyari. Gustuhin ko mang malaman kung ano ang kalagayan niya, hindi ko alam kung saan siya nakatira o ano ang numero ng telepono nila.

Habang tumatagal, unti-unti siyang nakalimutan ng mga kaklase namin. Doon ko nalaman na kung ang isang bagay ay nawala o nalaos na, itinatapon na lang na parang basura dahil wala na itong silbi.

Hanggang isang araw, tahimik ang buong klase sa pakikinig ng aral sa guro, biglang bumukas ang pinto ng aming silid-aralan at pumasok si Noel. Nakapinta sa kanyang mukha ang ngiti. Nagsaya ang buong klase. Muling dumating ang taong magpapasaya sa kanila matapos ang ilang araw na pagkakawala. Masaya sila sapagkat mayroon na namang magkukwento at magpapatawa sa kanila.

READ
St. Thomas Aquinas relevant as ever

Makalipas ang ilang araw, nagsimulang bumalik ang dating sigla ng klase—maiingay na bulungan, malimit na pagtayo at paglalakad sa loob ng klase, at nagliliparang papel. Iisa lang ang may pasimuno nito—si Noel. Ito ang gusto ng mga kaklase namin.

Mistulang palengke ang buong silid. Magulo, subalit masaya. Asal-bata ang lahat sa paglalaro. Nakikisabay na lang ako sa agos kahit na nag-aalala sa kalagayan ni Noel. Siguradong siya ang sisisihin ng guro sa mga kaguluhan ito, ngunit walang magtatanggol kay Noel. Matapos makibahagi sa kanyang kasiyahan, iiwan nila ito na magdusa sa anumang darating na kaparusahan.

Pagkatapos ng ilang sandaling kasiyahan, tumigil ang lahat nang bumukas ang pinto. Dali-daling umupo ang mga nakatayo. Mabilis pa sa hangin ang pagsara ng mga bibig na kanina’y naghahalakhakan. Tanging ang malakas na halakhak ni Noel na umaalingawngaw sa buong silid ang natira.

“Aba, may kasiyahan pala dito?” biglang saway ng aming guro. “Ikaw, anong tinatawa mo diyan?” sabay turo sa tumatawa pa ring Noel.

Biglang napatid ang malakas na tawa ni Noel. Napahiya marahil kaya namula ang mga pisngi. Tumahimik ang lahat at tumingin kay Noel. Tama ang hinala ko—maghuhugas-kamay lahat sila upang si Noel lamang ang mapagalitan. “Pinasasaya ko lang po ang mga kaklase ko. Wala na ba kaming karapatan para magsaya?”

Bigla akong natakot. Hindi ko inaasahang pagsabihan niya ng ganoon ang isa sa mga kinakatakutang guro sa aming paaralan. Nanlilisik ang mga mata ng aming guro. Nagkatinginan kaming lahat.

“Sino ka ba sa tingin mo?” sigaw ng guro kay Noel. “Wala pang estudyante ang nagsabi sa akin ng ganyan! Tandaan mo, estudyante ka lang. Basura sa paningin ko! Basura!”

Tumawa lang si Noel. Binulungan ko na lumabas muna siya at baka lumala pa ang pangyayari. Kinuha niya ang kanyang bag at lumabas sa silid. Iniwan niya ang gurong patuloy pa ring sumisigaw. Pinawisan ang mga tao sa loob. Hindi ko alam kung magagalit ako sa mga kaklase naming hindi man lang siya ipinagtanggol o sa guro naming hindi man lang pinakinggan ang katuwiran ng aking kaibigan. Hindi ko sila masisisi. Lahat ay walang nagawa para kay Noel.

Pagkatapos ng klase, hinanap ko siya. Ngunit hindi ko siya nakita kaya umuwi na lang ako. May nakasalubong akong isang lalaking naglalakad. Pamilyar ang kanyang tindig. Nakayuko at nakasilid sa magkabilang bulsa ang mga kamay. Biglang sumagi sa aking isipan si Noel. Inakala kong siya ang lalaking nakasalubong ko. Kailangan ko siyang makausap at humingi ng paumanhin. Tiningnan kong muli ang lalaki subalit sa bilis ng aking lakad, malayo na ang pagitan naming dalawa. Tinawag ko siya ngunit hindi siya lumingon.

Kinabukasan, siya pa rin ang sentro ng usapan ng buong klase. Gaya ng inaasahan ko, nagpapatawa na naman siya. Hindi ko maintindihan kung bakit nakuha pa niyang pagtawanan ang nangyari sa kanya. Basura na lang daw ang itawag namin sa kanya. Tutal ayon sa guro, basura lang naman daw siya.

READ
CSC to launch new projects

Patapos na ang unang taon namin nang yayain ako ni Noel ng inuman. Ayon sa kanya, isa daw ako sa mga taong nakakaintindi sa kanya. Kung alam lang niya na siya lamang ang makakaintindi sa kanyang sarili.

Dinala ko siya sa bahay. Maraming tao daw sa kanila kaya hindi siya makapag-isa. Natawa ako. Pinaalala ko sa kanya ang mga naunang sinabi niya sa akin noon—ang ayaw niyang makakita ng taong nag-iisa. Tumawa lang siya. “Hindi naman ako nag-iisa,” sagot niya. “Kasama kita.”

Naging mabilis ang mga pangyayari. Ilang bote na ang bumagsak sa lupa at tila kaming dalawa na lang ang buhay sa oras na iyon. Waring lumilipad sa hangin ang aming mga problema at hinanakit habang nilalagok namin ang mga inuming nasa mesa.

Kapag nahihilo na ako, kakalampagin niya ang mesa para magising ako. Mga hinaing at pagsisisi lang ang naaalala kong binabanggit niya. Ibinubunton niya lahat ang kanyang mga hinaing sa alak. Bumagsak daw ang negosyo nila na naging sanhi ng paghihiwalay ng mga magulang niya. Nabuntis at iniwan ng kasintahan ang ate niya. Nagkagulo sa paaralang pinapasukan ng isa niyang kapatid na humantong sa pagkakasaksak nito.

Pilit niyang tinatakasan ang mga problema niya sa buhay sa pagpapakalasing. Barkada, droga, paglalayas—ilan lamang iyon sa mga naikuwento niya sa akin. “Aaminin kong naging masama ako, subalit hindi ko ito pinagsisisihan,” sambit niya.

Tiningnan ko siya sa mata. Namumula marahil sa magkahalong ngitngit at kalasingan. Subalit nagulat na lang ako nang biglang pumatak ang luha niya habang kinakausap ako.

Siya ang unang lalaking umiyak sa harapan ko. At sa tulong ng mga luhang iyon, nakilala ko ang totoong Noel. Hindi ang basurang Noel na nakikita ko sa loob ng silid. Matapos ang ilang sandali, nagpaalam na siya at nagpasalamat. Iyon daw ang kahuli-hulihang pag-iyak niya. Tinapik ko ang kanyang balikat at nginitian.

“Sa susunod, ako naman ang iiyak,” biro ko.

Matagal siyang nagtago sa katotohanan. Pilit tinutumbasan ng ngiti ang bawat pasakit na kanyang dinaranas. Hindi na kami muling nagkita mula noon. Sinubukan ko siyang hanapin subalit bigla na lamang siyang naglaho.

Magkaklase sana kami ulit ngayong taon. Isang masayang taon na naman sana ang pagsasaluhan namin.

Maraming haka-haka ang kumakalat sa pagpanaw niya. Sabi nila, nawala siya sa sarili at nagpakamatay. Naniniwala naman ang iba na may nagalit sa kanya at pinatay siya. Nang makausap ko ang kanyang kapatid, sinabi niya na mula pa pagkabata ay may dinaramdam na si Noel. Sakit daw sa puso ang dahilan ng kanyang pagpanaw. Marahil hindi niya nakayanan ang mga sama ng loob at paghihirap sa kanyang puso..

Ayaw ko nang malaman ang tunay na dahilan ng pagkawala niya. Ang mahalaga ay nakakasiguro akong masaya siya sa kanyang kinaroroonan. Hindi ko alam na magkakatotoo pala ang sinabi ko—na sa susunod, ako naman ang iiyak. Nanghihinayang sa basurang itinapon ng tadhana.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.