Tomasino siya

SA HALOS 40 taong pagsisilbi sa akademya, masasabing malaki ang impluwensiya ng Unibersidad kay Dr. Emmanuel Yap Angeles upang maitaas ang kalidad ng edukasyon sa Pampanga.

Hindi gaanong nakaririwasa ang buhay na ikinamulat ni Angeles sa piling ng kanyang pamilya. Tubong Pampanga ang mga ninuno nila at nakikitanim lang sa mga mayayamang may-ari ng lupa. Sa kabila ng kahirapan, pinapahalagahan ng kanyang pamilya ang pagkakaroon ng maayos na edukasyon.

Mula sa pagsisikap ng kanyang ina, naitatag nila ang Angeles Institute of Technology (AIT) bilang kauna-unahang private school sa buong siyudad. Sa tulong na rin ng ilang kontribusyon mula sa kanilang pamilya, nanatiling matatag ang nasabing paaralan.

Bagama’t hindi siya nagtapos ng abogasya sa Unibersidad, dito niya tinapos ang kanyang Master of Laws noong 1968 at ang Doctorate in Political Science naman noong 1972. Nakapagtapos rin siya sa Harvard University ng Educational Management noong 1981.

Sa edad na 39, siya ang pinaka-batang namuno ng isang pamantasan sa bansa nang pinalitan niya ang kanyang ina sa pamamalakad ng AIT. Labis na humanga si Angeles sa UST lalo na sa mga karangalan nito bilang institusyon. Pinagsikapan niyang maiangat ang estado ng AIT at kinilala ito bilang Angeles University Foundation (AUF), ang kauna-unahang pamantasan sa bansa na napa-ilalim sa RA 6055 o Foundation Law.

Ang AUF rin ang kauna-unahang Katolikong pamantasan na ipinalalakad ng isang layman o hindi kasapi sa anumang relihiyosong kongregasyon. At noong 1982, pinasinayaan ang AUF College of Medicine bilang kauna-unahang medical school sa buong rehiyon.

Bilang pasasalamat sa publiko itinatag noong 1990 ang AUF Medical Center, ang pinaka-modernong ospital sa buong probinsya.

READ
The unbearable lightness of a spot-less mind

Sa pagkaluklok ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, si Angeles ang napili upang pamunuan ang Clark Development Corp., Clark Special Economic Zone, at Diosdado Macapagal International Airport.

Dahil sa bigat ng kanyang responsibilidad, nagbitiw si Angeles sa AUF bilang pangulo nito at minabuting magsilbi sa bayan. At noong nakaraang taon, isa siya sa pinagpilian ng Pangulong Arroyo upang pumalit sa dating Department of Education Secretary Raul Roco.

Bukod pa sa mga ito, nakamit din niya ang prestihiyosong Noble Knighthood of the Pontifical Order of St. Sylvestre mula sa Santo Papa noong 1983. Kabilang din siya sa Ten Outstanding Young Men noong 1971 sa ipinakitang dedikasyon sa larangan ng edukasyon.

Hanggang ngayon, nananatili pa rin siyang tagapayo ng AUF at patuloy na nagsisikap upang mapaunlad ang kabuhayan sa buong Central Luzon sa tulong ng kanyang nakamit na kaalaman sa Unibersidad.

Tomasalitaan

dulingas (pang-uri)- gulo ng isip; nalilito, natataranta

Madalas madapa si Jimboy lalo na kung nadudulingas sa galit ng kanyang ina.

Sanggunian

UST Public and Alumni Affairs Office

Philippine Daily Inquirer, August 19, 2002

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.