PINUNA ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, ang kakulangan sa paghahanda sa pagtuturo ng Mother Tongue Based-Multilingual Education (MTB-MLE), sa paglulunsad ng Ortograpiyang Ilokano sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) Rehiyon I sa lungsod ng La Union noong ika-18 ng Oktubre.
“[K]ailangan kasi ang wastong paghahanda para sa ganitong gawain. Nawawala pa ‘yong contextualization na bunga ng pagmamadali. [B]igyan ng panahon ang ating mga titser at mapahusay ang kanilang kaalaman sa mother tongue na kanilang ginagamit sa pagtuturo,” giit ni Almario.
Binigyang-diin ni Almario, tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na ang pagsasagawa ng ortograpiya sa bawat wika sa Filipinas ay hindi layunin na baguhin ang nakagisnang gamit nito.
“[A]ng ginagawa lang po namin ay magkaroon ng harmonization para madaling matutong bumasa at sumulat ang ating mga bata. [K]ailangan kasi ang ganoong harmonization for national literacy para madaling matuto ang mga kabataan,” ani Almario.
Wika naman ni Purificacion Delima, kinatawan ng wikang Ilokano ng KWF, nawawala na ang kamulatan ng kabataan sa kanilang ninunong wika dahil sa kakulangan ng pagtuturo nito.
“[N]akalulungkot dahil ang kabataan natin na walang malay, mali ang natututuhan kung wala silang gabay na katulad ng ortograpiya na disenteng nakalimbag, na mapagkukuhanan ng karunungan ng mga guro,” wika ni Delima sa isang panayam sa Varsitarian.
Iginiit ni Delima na hindi uunlad ang mga wika sa Filipinas kung hindi ito isasabay sa pagbabago ng panahon.
“[H]anggang ngayon hindi nila maisip na repleksyon iyon ng colonial mindset na hindi nila mabitawan. Walang pag-unlad kapag gano’n, mahirap baguhin kaya hindi tayo umuunlad. ‘Yong pagmamahal sa ating sarili, wala,” wika ni Delima.
Dagdag pa ni Malcom Garma, direktor ng DepEd Rehiyon I, kaakibat ng paglinang ng wika ang pagmulat ng kamalayan sa kultura.
“Kung gusto natin palakasin at pagtibayin ang sariling dayalekto ng bawat rehiyon, kailangan po natin i-ugnay ito sa kultura, sa kamalayan at kamulatan,” wika ni Garma.
Ang ortograpiya ay inilimbag upang maging gabay sa pagtuturo ng mother tongue sa mga paaralan sa bansa.
Noong 2012, sinimulan ang implementasiyon ng MTB-MLE kung saan ang nakagisnang wika ng mag-aaral mula sa una hanggang ikatlong baitang ang magiging medium of instruction. with reports from Genielyn Rosario M. Soriano