ISANG kinikilalang institusyon sa larangan ng medisina ang University of Santo Tomas Hospital (USTH) at sa paglalayong mapabuti ang kanilang serbisyo, nangalap ang USTH ng mga makabagong aparato.

Ngunit sa kasawiang palad, nauwi sa kontrobersiya ang hakbang ng USTH nang kuwestiyunin ng ilang awtoridad ang legalidad nang nasabing pag-aangkat.

Mga aparatong inangkat

Mga makabagong kagamitan na pang-medisina ang mga inangkat ng USTH. Kinabibilangan ito ng pitong kamang de kuryente, na nagkakahalaga ng $30,600; isang Demeca Anesthesia Model na nagkakahalaga ng $14,200; isang Magnetic Resonance Model (MRI) medical instrument, na nagkakahalaga ng $ 1.4 M; at tatlumpong Durastar Hydraulic Strecther.

Sa mga kagamitang nabanggit, ang pinakakumplikado ay ang MRI. Isa itong makabagong instrumento na gumagamit ng mga magnet upang makita at matukoy ang nararamdaman ng isang may sakit.

Nagsimula nang kuwestiyunin

Nagsimulang kuwestiyunin ng mga awtoridad ang tax-exemption ng USTH nang ito ay humiling ng sertipikasyon sa Kagawaran ng Edukasyon para sa pagpasok ng MRI.

Si Atty. Jaime Jacob, ang dating undersecretary for legal affairs ng Kagawaran ng Edukasyon, ang pumuna sa tax-exemption ng USTH.

Isang sulat mula sa opisina ni Jacob ang ipinadala kay Fr. Roland Mactal, O.P., ingat-yaman ng USTH. Nilalaman sa sulat na kailangang mapatunayan na ang ospital ay pagmamay-ari ng Unibersidad.

Bilang tugon, nangako si Fr. Mactal na isusumite ang mga papeles na nagtatakda na ang ospital ay saklaw pa rin ng Unibersidad.

Noong Abril 24, isang pagpupulong ang ginanap sa tanggapan ni Jacob sa pagitan nang grupo ni Fr. Mactal at ni Abraham Olaguera, representative at chief of staff ni Jacob. Sa pagpupulong na ito, isinumite ng grupo ni Fr. Mactal ang mga papeles na nagpapatunay na napapasailalim ng Unibersidad ang ospital. Ang mga papeles na ito ay ang Articles of Incorporation na ibinigay ng Securities and Exchange Commission (SEC) noong Pebrero 14, 1987 at ang Bureau of Internal Revenue (BIR) Ruling na pinirmahan naman ni dating BIR Commissioner Jose Ong noong January 31, 1990. Isinasaad sa nasabing ruling ng BIR na ang ospital at ang Unibersidad ay parehong tax exempt.

READ
Thomasians comment on Proclamation 1017

Ngunit, isinantabi lamang ni Olaguera ang mga paliwanag ng grupo ni Fr. Mactal.

Noong araw ring na iyon, nakatanggap ang ospital ng isang liham mula kay Jacob sa pamamagitan ng facsimile na nagsasantabi sa hiling na makapagpasok ng kagamitan. Nilalaman sa sulat ang mga naging basehan ni Jacob kung bakit niya hindi pinayagan ang pagpasok ng kagamitan.

Ayon sa sulat, hindi naisumite ng ospital ang mga kinakailangang papeles upang mapatunayan ang karapatan ng Unibersidad sa ospital. Hindi rin daw naman gagamitin ang mga kagamitan sa pagtuturo at walang legal na batayan na pagmamay-ari ng Unibersidad ang ospital.

Awayan sa teknikalidad

Parehas umapela agad ang Unibersidad at ang ospital sa tanggapan ni dating Kalihim Raul Roco ng Kagawaran ng Edukasyon tungkol sa naging desisyon ni Jacob.

Isang pagpupulong ang ginanap na mismong opisina ni Roco na dinaluhan naman ng grupo ni Fr. Mactal noong Mayo 2. Habang idinadaos ang nasabing pagpupulong, ipinatawag ni Roco si Olaguera. Pinagalitan ni Roco si Olaguer sa kanyang ginawang pagsasangtabi sa tax-exemption ng ospital. Ipinaliwanag ni Roco na ang pagiging isa ng ospital at ng Unibersidad ay nasa kaalaman na ng karamihan. Binuweltahan pa ni Roco si Olaguera sa pagiging mapulitika nito.

Noong araw ding iyon, tinanggal ni Roco mula sa opisina ni Jacob ang kapangyarihan na maglabas ng tax exemptions. Binaligtad din ni Roco ang naunang desisyon ni Jacob tungkol sa isyu at inutusan si Atty. Percival Lopez na gumawa ng isang sulat na nagbibigay sa hospital na maipasok ang mga kagamitang inangkat.

Hindi nagpadaig si Jacob sa ginawang pagbaligtad ni Roco sa kanyang desisyon. Iniakyat ni Jacob ang kaso sa Kagawaran ng Pananalapi.

READ
Ed-Tech Center holds seminars

Isang sulat ang ipinadala ni Jacob kay Atty. Fidel Conrada, pinuno ng Mabuhay Lane division ng Kagawaran ng Pananalapi. Itinanong ni Jacob kay Conrada kung may basehan ang pagkilala sa USTH na isang pagmamay-ari at pinatatakbo ng Unibersidad.

Mga paglilinaw

Sa isang sulat kay Roco, nilinaw ni Atty. Arnold Cacho, chief legal aid ng Unibersidad, ang mga isyung binanggit ni Jacob.

Ayon kay Cacho, isinumite ng ospital ang hinihiling na Articles of Incorporation sapagkat ang mga papeles na ito ay iniabot nila mismo kay Olaguera nang sila ay magpulong.

Nakalagay sa Articles of Incorporation ang mga pangalan ng mga direktor ng ospital. Ang mga ito ay sina Fr. Norberto Castillo, Fr. Jose Tinoko, Fr. Manuel Roux, Dr. Gregorio Moral at Sis. Marie Paulina Geaga.

Tungkol naman sa pangalawang isyu, hindi totoong gagamitin lamang sa pagpapatakbo ng ospital ang mga kagamitan. Nakalahad sa Articles of Incorporation na isa sa mga layunin ng ospital ay ang pagsanay at pagturo sa mga estudyanteng kumukuha ng Medisina at iba pang kaalyadong kurso.

Dahil dito, napapatotoo ang ruling ng BIR noong 1990 na tax-exempt ang Unibersidad at ang ospital.

Sa paglalayong mapabuti ang kanilang serbisyo at kagamitan, pumasok sa isang kontrata ang USTH kasama ang Summit Ventures Marketing and Management Group, Inc. (SVMMGI) noong Setyember 21, 2001. Si Fr. Tamerlane Lana ang pumirma para sa USTH habang si Pilar Almira ang pumirma para sa SVMMGI. Ang pagpirma ni Fr. Lana ay nagpapatunay lamang na ang USTH ay pagmamay-ari at pinangangasiwaan ng Unibersidad.

Muling hinarang

Isa na namang ahensya ng pamahalaan ang humarang sa kagamitang inangkat ng USTH. Sa pagkakataong ito, hinarang naman ang pagpasok ng tatlumpong Durastar Hydraulic Strechers.

READ
The psychology of fear among Filipino 'thrill-seekers'

Sa isang sulat ni Dr. Edna Garcia, chief tax specialist ng Bureau of Customs (BoC), isinaad niya na hindi napapailalim ang ospital sa Unibersidad at hindi ito nakarehistro sa SEC. Dagdag pa ni Garcia, bago makapag-transact sa publiko ang ospital, kailangang kumuha pa muna ito magparehistro sa SEC.

Agad humakbang ang USTH sa isyung ito. Isang sulat ang ipinadala ni Cacho kay Conrada.

Inilahad ni Cacho sa sulat na nagkamali si Garcia. Ayon sa kanya, ang isyung pinalalabas ni Garcia ay naisaayos na sa opisina ni Roco nang sila ay pinulong nito. Sa pagpupulong na ito, isinumite ang Articles of Incorporation ng Santo Tomas Hospital Incorporated na may petsang Pebrero 14, 1987. Ang mga papeles na ito at mismong inisyu ng SEC.

Dumagdag pa ang senado

Hindi nagpahuli ang senado sa isyu. Agad iminungkahi ni Senadora Teresa Aquino-Oreta ang isang lehislatibong pagsisiyasat tungkol sa nasabing isyu.

Ayon kay Oreta, ang tax-exemption ay iginagawad lamang sa mga institusyon na tanging edukasyon ang pakay. Sa kaso ng USTH, ang mga instrumentong pang-medisina ay gagamitin para sa operasyon ng ospital lamang.

Idininagdag pa niya na ginagamit ng USTH ang estado ng paaralan para mapakita na ito ay sakop ng tax-exemption. Kasama si John Carlo B. Bautista

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.