Nalalapit na ang itinakdang araw.
Sa loob ng dalawang linggo, siguradong magbabago ang takbo ng buhay ng mga kagaya kong magtatapos na. Sa kabila ng pananabik at kasiyahan, naroon ang takot at hiwagang bumabalot sa mga damdamin ng mga nagtatapos tuwing sasapit ang Marso.
Halos mabaliw ako tuwing iisiping unti-unti nang lumuluwag ang kapit ko sa Unibersidad dahil malaking pagbabago at maraming pagkakataon ang inilatag ng institusyong ito para sa akin. Maaga pa man, nais kong pasalamatan ang mga taong nagtiwala at nagsilbing gabay ko sa nilalandas na bukas.
Kay Fr. Isidro Abano, O.P. at Prof. Giovanna Fontanilla ng Secretary General’s Office, salamat po sa mga impormasyon at imbitasyon. Iilan lamang kayo sa mga nagturo sa akin kung gaano kasaya at kapana-panabik ang buhay-Tomasino.
Kay Dean Glenda Vargas, Prof. Susan Maravilla, at Prof. Ricarte Origenes ng College of Nursing, salamat po sa mga unawa’t “second chances.” Hindi ko inaasahang mapapalagpas n’yo ang katulad ko.
Kay Prof. Tina Cabral at Ms. Annie ng Public and Alumni Affairs, salamat sa walang-kapagurang pagbabalita sa akin. Hindi mabubuo ang ilang istorya sa pahayagang ito kung wala kayo sa aming tabi.
Kay Tita Eva Adalia at Tita Vicky, salamat sa mga masasarap na pagkain at pagpapabaon sa amin tuwing may handaan.
Kay Mr. Clemente Dingayan at sa mga guards sa Main Building at sa buong Unibersidad, salamat at naiintindihan n’yo ang “Varsi po,” tuwing makikiraan kami.
Iilan lamang kayo sa mga nakasalamuha ko sa loob ng apat na taong pakikibaka. Marahil kung isusulat ko pa ang mga pangalan ng iba, mauubos ang papel ng isyung ito. Muli, salamat.
***
“Pasaway… peace, walang away. Kumaway… lahat ng pasaway”—ito ang linyang natatak sa utak ko nang minsang naglakad sa may Dapitan habang nagka-klase ang mga kasama sa loob ng UST.
Bago pa man sa kolehiyo, naramdaman ko na ang potensiyal ko bilang propesyunal na pasaway. Sinang-ayunan naman ito makalipas ang ilang taon nang masabihan ako ng iba’t ibang tao tungkol sa pagiging pasaway ko sa klase o maging sa regular duty hours.
Para sa mga pasaway, sanayan ang laban tuwing liliban sa klase lalo na’t may natatagong mahalagang dahilan. Dahil iilan lamang ang ganito sa aming kolehiyo, hindi maiiwasang magkantiyawan kami tuwing magkita-kita. Mula sa pahabaan ng make-up duty hanggang sa paramihan ng kakulangan, magtatapos na lamang ang usapan sa kaunting tawanan at pagkaway.
Hindi man malinaw, may nag-iisang pising nagbubuklod sa amin—ang ipaglaban ang presensiya ng aming kolehiyo sa tawag ng lipunan. Marahil sa dami ng kailangang pag-aralan at basahin, kaunti lang ang naglalakas-loob sa College of Nursing para lumabas at ipamalas ang natatagong talento sa anumang larangan.
Sa lahat ng pasaway, isang karangalan ang mapabilang sa inyo.