KABILANG si Tomasinong Isabelo de los Reyes, historyador ng rebolusyon at tagapagtanggol ng mga manggagawang Pilipino, sa linya ng mga kilalang manunulat na sina Jose Rizal at Marcelo del Pilar na umukit ng pangalan sa kasaysayan ng bansa at nagbigay-daan sa kalayaan gamit ang pamamahayag.

Nakilala sa kanyang mga panunuligsa, binansagang “Ama ng Philippine Folklore” si Delos Reyes o “Don Belong” na nagtapos ng kursong abugasya at paleography sa UST.

Noong 1889, itinatag niya ang kauna-unahang bernakular na pahayagan sa Pilipinas—ang El llocano. Maliban dito, gumawa siya ng malalim na pananaliksik tungkol sa kasaysayan at kultura ng bansa. Nakalathala ang mga ito sa kanyang mga aklat tulad ng Las Islas Visayas en la Epoca de la Conquista (1887), La Expedicion de Li-Mahong contra Filipinas en 1574 (1888), Prehistoria de Filipinas (1889), EI Folklore Filipino (1889), at Historia de Ilocos (1890).

Dahil laban sa mga Kastila ang iba niyang sinulat, nakulong si de los Reyes sa Bilibid. Ngunit ang pagkakakulong na ito ang naging daan upang makausap ang ilang mga katipunerong nagsalaysay sa kanya ng kasaysayan ng Katipunan. Sa aklat na Sensacional Memoria Sobre La Revolucion Filipina, nakalathala ang kanyang mga nakalap na impormasyon at naging isa ito sa mga pinakamahalagang sanggunian ng kasaysayan ng rebolusyon sa bansa.

Nang pinalitan ni Fernando Primo de Rivera ang malupit na si Camilo de Polavieja bilang gobernador heneral, nailigtas si de los Reyes sa nakatakda niyang bitay. Sa kagustuhang mapatahimik siya at patigilin sa pagtuya sa mga Kastila, ginawaran siya ng posisyong konsehal ng kolonya. Ngunit sa kabila ng kanyang posisyon sa gobyerno, nanatili siyang tapat sa kanyang bayan at sa mga Filipino.

READ
Mga mukha ng Diyos sa pinilakang tabing sa pagdaan ng taon

Noong 1899, inilathala niya ang aklat na isinulat sa Bilibid na naging kontrobersyal dahil ibinunyag nito ang mga kasamaan ng pamahalaang Kastila. Si Don Miguel Morayta, isang Kastilang historyador at propesor, kaibigan din ni Rizal, ang nagsulat ng pambungad nito.

Noong 1901, kinausap ni Don Belong ang mga kakilala niyang pinuno ng manggagawa sa bansa at hinimok silang magkaisa upang ipaglaban ang karapatan laban sa mga mapang-abusong mamumuhunan. Ipinaliwanag niya sa mga manggagawa ang kanilang karapatang magsagawa ng collective bargaining at magkaroon ng mga benepisyo. Kasunod nito, itinatag niya noong February 2, 1902 ang unang unyon ng mga manggagawa sa bansa, ang Union Obrera Democratica Filipina.

Bukod dito, mula sa pangalan ng mga Kastila, ipinangalan niya sa mga bayaning Filipino ang mga kalsada sa Maynila.

Dahil sa kanyang pagiging sikat at kilalang makabayan, natalo niya si Elpidio Quirino sa unang distrito ng senado, na binubuo ng mga bayan sa Ilocos.

Nang matapos and kanyang termino sa senado, iniwanan na ni Don Belong ang pilitika, at itinuon na lang ang pansin sa relihiyong Aglipayan. Bilang unang obispo ng relihiyon, sumulat siya ng maraming doktrina at mga bibliya na ginagamit hanggang ngayon ng mga Aglipayan.

Noong Enero ng 1929, naging paralitiko si Don Belong, na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Sa kabila ng kanyang pagkawala, nanatili siyang buhay na katotohanan ng kabayanihan ng mga Filipinong nabuhay upang ipaglaban ang kultura, kasaysayan, at kalayaan ng bayan. Gayundin, nananatili siyang larawan ng isang Tomasinong bayaning naniniwala sa kakayahan ng bawat Filipino.

Tomasalitaan: Bakho—png., dalamhati

READ
Artlets prop, bagong junior writing associate

Halimbawa: Bakho lang ang idinulot ng kanyang pagpupunyaging makatapos sa pag-aaral dahil bumagsak siya sa pagiging basurero.

Mga Sanggunian:

www.senate.gov.ph

www.manilatimes.net

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.