MADALAS mapanood ang mga ito sa kalaliman ng gabi.

Hindi ko tinutukoy rito ang mga programang “for adults only” at sa halip ay ang mga dokyumentaryo tulad ng I-Witness, The Correspondents, at Probe.

Tinatalakay sa mga programang ito ang mga samu’t saring isyu sa bansa na may malaking impluwensiya sa lipunan o hindi kaya’y mga usaping hindi nabibigyang-pansin ng karamihan, bagaman at lubhang mahalaga sa partikular na sitwasyon kaya nangangailangan ng higit na malawak pang pagsusuri. Ilang halimbawa nito ang mga pagtatangka ng pamilyang Marcos na muling mabawi ang kani-kanilang mga ari-ariang nakumpiska ng pamahalaan at ang isyu ng katiwalian sa quarrying sa Pampanga.

Binibigyang-pansin din ng mga dokyumentaryo ang mga lumang usapin na nangangailangan ng muling pagsusuri ng mga taong interesado dito. Patunay rito ang pagpapalabas kamakailan sa isang episode ng The Correspondents na patungkol sa mga insidente ng hostage-taking sa Pilipinas. Ilan sa mga ito ang pambibihag ng isang adik sa isang bata sa Pasay noong 1998 na nauwi sa pagkakapatay ng mga pulis sa kanilang dalawa at ang hostage-taking na ginawa ng isang dating stunt man sa Taguig noong Marso.

Isa pang magandang aspeto ng pagpapalabas ng mga programang ito ang pagtampok sa mga paksang kakaiba at may human interest. Halimbawa dito ang isang episode sa I-witness tungkol sa naging problema ng mga residente ng isla ng Fuga, sa Cagayan, hinggil sa kung sino ang tunay na may-ari ng kanilang lupain.

Ngunit sa kabila ng mahuhusay at magagandang bagay na naidudulot ng mga dokyumentaryo, bakit kaya sa kalaliman na ng gabi ipinapalabas ang mga ito?

READ
The electronic professor

Sa aking pananaw, dulot ito ng hindi pagiging “mabenta” ng mga programa sa mga advertisers. Paano makahihikayat ang isang advertiser ang mga mamimili na tangkilikin ang kanilang produkto kung natapat ang pagpapatalastas nila sa isang programang tumatalakay ng isang seryosong isyu? Tulad ng, halimbawa, estado ng mga pangkat-minorya sa Pilipinas o ang suliranin ng pagkakaroon ng mga illegal na minahan ng ginto sa Mt. Diwalwal? Naturalmente, itatapat ng mga advertisers ang kanilang mga patalastas sa mga palabas na may matataas na ratings gaya ng mga Koreanovela, soap operas, at fantaserye.

Isa ring salik sa sitwasyong ito ang pagiging hindi interesante at hindi kaaya-aya ng mga paksa para sa mga manonood. Dahil sa ang karamihan ay nais aliwin ang sarili sa panonood, matapos ang isang araw ng pagbabanat ng buto, pipiliin na lamang nila ang manood ng mga teleserye kaysa sa mga dokyumentaryo.

Ngunit, hindi pa huli ang lahat.

Isang posibleng solusyon ang pagmumungkahi ng ilang manonood sa mga istasyong ito na ilagay sa higit na maagang oras ang mga dokyumentaryo. Sa ganitong paraan, higit na maraming tao ang maaaring makasubaybay sa mga pagtalakay ng mga palabas na ito sa mga usaping-panlipunan. Ipinapahiwatig din ng hakbang na ito na pinapahalagahan na ng mga manonood ang kanilang karapatang sumuri ng mga programa sa telebisyon at hindi lamang mga konsumer na hahainan na lamang ng balita. Sa madaling sabi, isa nang aktibong kalahok ang TV audience sa paglalahad ng midya ng impormasyon.

Mainam din marahil kung lalo pang ipapatalastas ng mga istasyon ang mga teaser ng mga dokyumentaryo. Ito ay upang magkaroon ng kamulatan ang mga manonood na interesado sa malalimang pagtalakay ng mga paksang-panlipunan na may mga programang makatutugon sa kanilang hiling. Bukod pa rito, magkakaroon din ng mga alternatibong programang pagpipilian ang iba pang mga manonood.

READ
God in the boob tube

Makatutulong ang higit na pagpapapahalaga ng midya at ng mga manonood sa mga dokyumentaryo upang magkaroon ng mas malalim pang pag-unawa tungkol sa masasalimuot na isyu ng bansa. Ruben Jeffrey A. Asuncion

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.