SA MGA nakalipas na araw, hindi ko na mabilang ang mga bagong buhay na dumaan sa kamay ko.

Bilang parte ng intensive nursing practicum, nadestino ako sa delivery rooms ng Tondo General and Medical Hospital at Esperanza Lying-in Clinic sa Sta. Mesa. Alinsunud sa aking mga clinical instructor, naging maingat ako sa bawat paghawak, paghimas, at pag-alalay sa mga nanganganak. Lalaki man ako, ramdam na ramdam ko ang sakit na dinaranas ng mga ina, lalo na sa puntong humihilab ang kanilang mga tiyan, kasabay ng pag-agos ng dugo sa kanilang mga paa.

Ayon kay Prof. Victoria Pusung, sa bawat panganganak, madarama ang kaligayahan ng apat na taong nakangiti; ang nanay, dalawang nurse, at ang doktor, dahil may “regalo” na bagong buhay, may panibagong simula. Tanging ang sanggol lang ang umiiyak sa loob ng delivery room, ang sentro ng kagalakan ng lahat.

Ngunit sa ilang araw ko roon, hindi mga ngiti ang sumasalubong sa akin. Isang nasisindak na ina at mga nanlilisik na mata ng masusungit na nurse at doktor ang bumati sa akin. Hindi ko alam kung makikisabay ako ng iyak sa bagong panganak na sanggol sa mga oras na iyon. Ang tanging inisip ko na lang, sana’y may bagong sistema ang ipanganak sa panahong ito.

Maging sa panganganak pala’y kulang pa rin ang serbisyong ibinabalik ng gobyerno sa mga nagbabayad ng buwis. Pagtitipid pa ba ang paggamit ng iisang syringe ng makailang beses sa isang pasyente? Pagtitipid rin ba ang kawalan ng autoclave machine para sa gloves na ginagamit nang maramihang beses?

READ
In tune with inVoce

Pagtuturo pa ba ng leksyon ang tawag sa paninigaw, paninindak, at pagpapabaya sa mga inang namimilipit na sa sakit? O dapat nga bang pabalang at pangungutya ang ibalik sa mga inang hindi man lang alam ang ispeling ng kanilang mga pangalan?

Mula noon, naging bulag na lang ako sa mga nakikita. Bilang regalo ko sa kanila, ipinagdasal ko na sana’y lumaki nang matino’t may respeto sa kapwa ang mga sanggol na dumaan sa aking mga kamay.

***

Kaugnay nito, tila muli na naman akong ipinanganak. Sa nakalipas na semestre, nakipag-buno ako sa ilang pagsubok na hindi ko aakalaing magpapabago ng buhay ko. Mula sa pangungulit at pangungumbinsi ni Ma’am Nette Cervantes, hanggang sa pagtitiwala ni Prof. Tess Macalinao, muli kong napatunayan sa sarili na hindi ako nag-iisa.

Asahan n’yong hindi ko isusuko ang inilaan n’yong espasyo para sa akin. Lalo’t higit, papatunayan kong hindi ako kahihiyan sa “ating” propesyon.

***

Inaanyayahan ko ang lahat ng mga Tomasino, nagsusulat man o hindi, na subukang sumali sa Ika-20 Gawad Ustetika. Sa pagkakataong ito, muling masusubok ang angking kagalingan ng bawat isa. Sa mga nakalipas na taon, hindi mabilang ang mga itinuring na “accidental writers” na nagsipagwagi dahil sa kanilang kapangahasan. Gaya ng apoy, ang pagsusulat ay nagsisimula sa munting ningas, at unti-unti, ito’y kumakalat, kinakain ang bawat madaraanan hanggang sa tuluyan itong magliyab at umukit ng panibagong simula sa panitik.

Sa mga ningas, huwag matakot sa mga liyab, diyan rin sila nanggaling.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.