NAGISING ako nung araw na iyon sa ingay ng mga eroplano at helikopter na lumilipad sa ibabaw ng bahay, at sa mga tanke at trak na dali-daling dumaraan sa kalsada. Isang pader lang ang naghihiwalay sa aming tahanan at Logistics Command ng Armed Forces of the Philippines.
Nagpapalipas ako ng oras sa panonood ng telebisyon at paglalaro. Hilig ko ang paggawa ng mga bahay at gusali gamit ang Lego set, at sisirain ko ito gamit si He-Man na sakay ng kanyang kabayo.
Hindi ko kinuha ang paborito kong laruan na He-Man. Sa halip, mga laruang sundalo at mga sasakyang pang-giyera ang nilaro ko nung araw na iyon. Wala akong malay sa mga nangyayari sa labas ng bahay.
Hindi maalis ang takot kay mama nung araw na iyon. Nakikinig sila ng aking tiyahin sa radyo habang naglalaba. Kakatapos lang ako pakainin ng tiyahin ko ng merienda at naglalaro na lang ako sa sala.
Gamit ang mga piyesa ng Lego, gumawa ako ng mga bagay na nagmistulang gusali. Kunwari, sinusugod ng mga sundalo ang gusali. Dahil ayaw bumigay ng gusali, napilitang humingi ng tulong ang mga sundalo sa mga kawal panghimpapawid.
Sumaklolo ang mga bomber at nagiba ang gusali. Nanalo ang mga laruang sundalo laban sa may-ari ng gusali.
“Anak, tama na iyan, kakain na tayo,” ani mama.
Pagkatapos ng tanghalian, umakyat na kami ni mama sa kuwarto para mag-siesta. Bagaman gusto ko pang maglaro, pilit akong pinatulog ni mama. Ngunit lumala lang ang ingay ng mga eroplano at helikopter sa labas, kaya nagising din ako.
“Anak, lilipat muna tayo kay Ma,” sabi ni Mama sa akin. Nakatira si Ma, ang ina ni papa, sa Pasig. Magpapalipas muna raw kami roon ng ilang araw.
Kaunting gamit lang ang dinala namin papunta sa bahay ni lola. Habang nagliligpit sina mama at tita ng gamit, May malakas na pagsabog kaming narinig mula sa labas. Nakaramdam na rin ako ng takot.
Itinago ni mama ang mga mahahalagang gamit at dokumento sa kanyang aparador. Natakot siya; baka pasukin ang bahay ng mga sundalo o ng mga magkakanakaw habang wala kami. Natakot din ako nung narinig ko iyon kay mama, kaya itinago ko rin ang mga “mahahalagang bagay” sa aparador ko. Siniksik ko ang mga laruan ko sa kasuluk-sulukan ng aparador. Wala sanang mangyari sa bahay, ang panalangin ko.
Ika-lima na ng hapon nang dumating si papa mula sa trabaho. Nakahanda na ang mga gamit namin at ikinarga na iyon sa sasakyan. Isinakay ako sa likod ng sasakyan at umalis na kami sa bahay. Tanging radyo na lang ang pinagkukunan namin ng impormasyon tungkol sa mga nangyayaring kaguluhan.
Habang binabaybay namin ang Katipunan Avenue, nakakita ako ng mga tangke at mga trak na puno ng mga sundalo. Natuwa ako dahil halos ganun ‘yung nilalaro ko noong umaga. Ngunit totoo na ang nangyayari sa paligid—mga nasusunog na bahay ang aming nadaanan at may hinala kaming pinasabog ng mga tanke iyon.
Kumalma ang lahat nang dumating kami kina lola. Nakikinig din siya sa radyo noon. Marami na raw ang tao sa Edsa na humaharang sa mga tangke ng Sandatahang Lakas. Tutugisin daw ang mga kumakalaban sa gobyerno ni Marcos. Kasaysayan na ang magtutuloy ng kwento ko.
Sariwa pa rin ang 1986 People Power Revolution sa aking alala. Hindi man ako naging parte noon, nilalasap ko pa rin ang bunga ng tapang ng mga taong nagpunta roon. M. L. Morelos