MALA-HARVARD ang pagsalubong ng Unibersidad sa bago nitong mga mag-aaral sa ginanap na Thomasian Welcome Walk noong Hulyo 21 sa Plaza Benavidez.
Ginanap ang masiglang pagtawid sa Arch of the Centuries ng mga mag-aaral dala ang kani-kanilang mga lobo at hand-held props na taglay ang opisyal na kulay ng kanilang kolehiyo. Ginawa ang engrandeng pagsalubong sa pangunguna ng Office of the Secretary General at ng Public Affairs and Alumni Office.
Sa isang seremonya na ginaya mula sa Harvard University, pumili ng kinatawan ang mga kolehiyo mula sa mga grupo ng freshmen na kakatok sa pinto ng Main Bldg. at tatanungin ng “what do you seek?” Sumagot ang mga mag-aaral ng “knowledge” at pinapasok sa pinto. Pagkatapos nito, isa-isang lumabas ang mga kinatawan ng bawat kolehiyo at iwinagayway ang kanilang bandilang pang-kolehiyo.
Huling lumabas sa entourage ng mga kolehiyo si Acting Rector Fr. Juan Ponce, O.P., bitbit ang isang sulo na nagsindi sa four tounges of fire na opisyal na simbulo ng Unibersidad para sa 400-taong selebrasyon ng pagkakatatag nito noong 1611.
“Dream, believe, survive,” ang pangunahing mensahe ni Ponce sa kanyang sermon sa mga bagong Tomasino. Ito raw ang tanging paraan para mapagtagumpayan ng mga estudyante ang kanilang buhay pag-aaral sa pinakamatandang unibersidad sa Asya.
“Kabilang na kayo sa pamilyang Tomasino,” ani Ponce. “Mga Tomasino na kayo, ngayon at magpakailanman.”
Sabi ni Prof. Giovanna Fontanilla, executive secretary ng Secretary General, espesyal ang taon na ito para sa mga College of Rehabilitaion Sciences, College of Architecture at Faculty of Engineering dahil nakatakdang magtapos ang mga freshmen ng mga kolehiyo na ito kasabay ng quadricentennial ng UST sa 2011. Dagdag pa rito ang pagpapakilala sa mga bagong kolehiyo ng Alfredo M. Velayo College of Accountancy at ng Institute for Tourism and Hospitality Management.
Nasiyahan naman ang mga Tomasino na dumalo sa welcome rites.
“Nakakapag-bigay inspirasyon sa mag-aral at nakakapagpalakas ng loob na malamang may espesyal kaming gampanin sa UST 2011,” ani Jenzen Zapanta, freshman sa Architecture, sa Varsitarian.
Natapos ang selebrasyon sa isang masiglang concert na hinandog ng Central Student Council (CSC) board.
Noong 2004, pinangunahan ng CSC ang Fresh!, isang student-initiated event na ipinalit sa rite of passage, kung saan naglakad papasok ng Arch of the Centuries ang mga mag-aaral, matapos ipatigil ni Secretary General Fr. Isidro Abaño, O.P. ang taunang seremonya. Sinabi ni Abaño na ginagawa lamang dapat sa mga nagtatapos na Tomasino ang rite of passage at hindi para sa mga nag-uumpisa pa lamang. Binalik din naman ang tradisyon ngayong taon.
Sa taong 2005 naman, ginawa na lamang ang welcome rite na simpleng walk tour upang ipakilala sa mga estudyante ang bawat gusali at lugar sa loob ng Unibersidad. P. B. A. Casin at Marc Laurenze C. Celis