MATATAGPUAN sa Colayco Park at Botanical garden ang isang halaman na napag-alamang may potensyal na pigilin ang pagkalat ng cancer cells.

Nakita ang kakayahan ng bunga ng Barringtonia asiatica(Linn) Kurz o Botong na pigilin ang metastasis o pagkalat ng tumor.

Ayon sa unang pananaliksik na isinagawa ni Hannah Vergara, alumna ng College of Science, kasama ang tagapayong si Dr. Gloria de Castro-Bernas, ginagamit ang Botong sa Iloilo bilang gamot sa mga bukol. Pinaniniwalaang nakakatulong ang pagpahid ng extract ng bunga nito upang mawala ang bukol.

Sa mas pinaigting na pag-aaral, “A Preliminary Investigation on Barringtonia Asiatica (Linn) kurz as a Potential Anti-Tumor Agent,” napatunayan nina Vergara at Bernas na may kakayahang pigilin ng extract ang angiogenesis o pagkalat ng cancer cells, matapos itong subukan sa mga daga.

Pinaiigting nina Vergara at Bernas sa second phase ng pag-aaral ang pagsasaliksik ukol sa Botong at sa kakayahan nitong magbigay lunas sa kanser.

Kinilala ng Philippine Council for Health and Research Development-Gruppo Medica Award for Outstanding-Research in Herbal Medicine bilang finalist ang pag-aaral nina Vergara kasama ang research ng dalawang Science alumni na sina Erickson Pagas at Florie Tadla at ang tagapayo nilang si Allan Patrick Macabeo. Napabilang ding finalist si Prancyne Quiobilag, isang estudyante ng Faculty of Pharmacy, kasama ang kanyang tagapayong si Mafel Ysrael.

Samantala, dadalhin ni Bernas ang research sa Seoul, South Korea sa susunod na buwan upang maipakita ito sa iba pang manananaliksik.

Kapag naging matagumpay ang pag-aaral, nakikipag-ugnayan sina Bernas sa isang kompanya ng gamot upang makalikha ng isang anti-tumor agent.

READ
Damong ligaw

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.