NAGSILBING aral sa Unibersidad ang pananalanta ng mga nakalipas na bagyo na lubos na tumatak sa bawat Tomasino.

Dalawang linggo na ang nakalilipas nang magdulot ng ilang araw na pagbaha at walang tigil na pag-ulan sa Kalakhang Maynila at karatig-probinsya ang hanging habagat na maihahalintulad sa pinsala ng bagyong Ondoy noong taong 2009.

Ngunit dahil sa maagang pagdeklara ng suspensyon ng klase, hindi gaanong naramdaman sa Unibersidad ang pananalantang ito.

“The Office of the Secretary General has been very prompt to announce suspension of classes,” ani sa Varsitarian ni Evelyn Songco, assistant to the rector for student affairs.

“From the [typhoon] Ondoy, we learned that we really have to prepare and monitor the situation,” aniya. “We have been doing that, but we have to systematize our response to crises like flashfloods,” ani Songco na siya ring co-chair ng Crisis Management Office (CMO).

Ani Joseph Badinas, detachment commander ng UST, ipinatupad ngayong akademikong taon ang two-hour rule o sa tuwing pagdedeklara ng suspensyon ng klase ay kinakailangang lisanin ng mga Tomasino ang Unibersidad sa loob ng dalawang oras.

“Ine-encourage kasi naming umuwi [ang mga mag-aaral] nang maaga,” ani Badinas, na kasapi rin sa lupon ng CMO.

Sakaling hindi kaagad nakapag-abiso ng suspensyon ang mga opisyal ng Unibersidad at inabutan ng baha ang mga Tomasino, may protocol na kailangang dalhin sa Tan Yan Kee Student Center ang mga nai-stranded, aniya.

Dagdag pa ni Songco, may “standing plan” din na dapat tiyaking may nakaimbak na emergency food ang Unibersidad, ngunit hindi pa natitiyak ang paglalagakan nito.

READ
‘Amalayer’ a victim of cyber-bullying

Dalawang rubber boats at isang military truck ang nakaantabay sakaling may pagbahang maganap, aniya.

Ani Badinas, mayroon din ibinahaging two-way radio sa bawat dekano at pinuno ng mga kagawaran ng Unibersidad ngayong taon upang mapanatili ang komunikasyon sa oras ng kalamidad.

Pag-angkop sa situwasyon

Ayon kay John Joseph Fernandez, dekano ng College of Architecture, hindi na mapipigilan ang pagbaha sa Maynila dahil ito ay below sea level, kaya nagdudulot ito kaagad ng pagbaha sa paligid ng Unibersidad kahit sa simpleng pag-ulan.

Dagdag pa niya, ang pagpapataas ng mga kalsada sa paligid ng UST ay maituturing na “band-aid solutions” sapagkat hindi pangmatagalan ang solusyong idinudulot nito.

Iminungkahi rin ni Fernandez ang paglalagay ng walkway na magdudugtong sa mga gusali ng Unibersidad na may slab sa itaas upang malakaran ito sa panahon ng pagbaha.

Maaari rin maglagay ng cofferdam na halaw sa flood control ng Singapore sa paligid ng campus upang maibsan ang pagpasok ng baha sa loob ng campus, aniya.

“[They] are not solutions but a [form of] adaptation dahil wala tayong control sa baha,” ani Fernandez.

Ngunit inamin ni Fernandez na magiging mahirap ang pagpapatupad ng mga ipinanukalang solusyon sapagkat kinakailangang iangkop ang mga disenyo sa kabuuan ng landscape ng UST at isaalang-alang ang pagiging National Treasure nito.

Walang kawala

Samantala, hindi rin nakaligtas ang UST Hospital sa pinsalang iniwan ng ilang araw na pagbaha at pag-ulan.

Gayunpaman, hindi totoo ang ibinalita ng ilan sa media na umabot umano ang tubig sa ikalawang palapag ng UST Clinical Division (o UST charity hospital). Umabot lamang sa kisame ang baha sa basement ng Clinical Division—kung saan matatagpuan ang opisina ng General Services at ang morgue—samantalang hanggang tuhod naman ang naging baha sa unang palapag ng Pay Division, kung saan matatagpuan ang emergency room.

READ
Humor, violence, sexual politics, and the pure math of poetry

Dahil dito, sinabi ni Fernandez na itataas ng 5.5 metro ang service floor ng bagong extension building ng ospital at magkakaroon din ng bridgeway na mag-uugnay sa dalawang gusali nito.

Patataasan din ang palapag ng Pay Division at Clinical Division pagkatapos ng konstruksyon ng Extension Building sa susunod na taon, aniya. Nikka Lavinia G. Valenzuela at Cez Mariela Teresa G. Verzosa

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.