HINDI pa man naipapasa sa Kongreso ang batas na magpapatupad sa plano ni Pangulong Arroyo na magkaroon ng National Identification (ID) System, marami nang kuro-kuro ang lumilitaw ukol sa maaaring maging epekto nito. Makabubuti ba ito dahil mapapadali ang pagsugpo sa krimen, o makakasama dahil maaari nitong panghimasukan ang pribadong buhay ng mga Pilipino?
Ang Legalidad ng EO 420
Kinatigan ng Korte Suprema noong ika-19 ng Abril ang konstitusyonalidad ng Executive Order No. 420 (EO 420) na nagtatakda sa lahat ng ahensya ng gobyerno at korporasyong pagmamay-ari nito na magkaroon ng unified ID system. Ang E.O. 420 ang makapagpapaalis umano ng red tape sa gobyerno gamit ang mga government-issued ID cards. Test-case ito sa panukalang pambansang ID system.
Maglalaman ang ID ng mga sumusunod na impormasyon: pangalan, tirahan, kasarian, larawan, pirma, araw at lugar ng kapanganakan, marital status, pangalan ng mga magulang, taas, bigat, dalawang marka ng hinlalaki at hintuturo o alinmang palatandaan, at Tax Identification Number (TIN).
Binasura ng Korte Suprema ang inihaing mosyon ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Bayan Muna laban sa pagpapatupad ng EO 420, sa pagsasabing nasa pangulo ang kapangyarihang magpatupad ng isahang ID sa mga kawani ng gobyerno.
Iginiit naman ng KMU at Bayan Muna na maaring mapanghimasukan ang pribadong buhay ng mga nagtatrabaho sa gobyerno kung sakaling masira ang seguridad ng database na nangangalaga sa mga impormasyon.
Sa paliwanag ni Edwin Sandoval, abogado at guro sa Political Law sa Faculty of Civil Law, “Kahit pa sabihin ng gobyerno na ang mga nabanggit lamang na mga impormasyon tungkol sa isang tao ang mapanghahawakaan, maari silang makakuha ng iba pang impormasyon sa pamamagitan ng mga transaksyon nito sa pamahalaan.”
Dagdag pa ni Sandoval, “Maaring magamit ang mga transaksyon sa gobyerno, sa mga pansariling hangarin.” Anya, kung sakali mang gagawa ang Kongreso ng batas na magpapatupad sa pambansang ID, dapat nitong sundin ang mga naunang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Ople vs. Torres na tumututol sa Administrative Order 308 (AO 308) noong panahon ng dating pangulong Fidel Ramos para sa computerized na sistema ng pambansang ID.”
Nagkakahalaga ang ID para sa mga nasa gobyerno ng P 31.6 milyon. Sariling bayarin na ng empleyado ng gobyerno ang pag-isyu ng bagong ID kung mawala man niya ang naunang ID.
Sisimulan na ngayong buwan ang ID system sa National Economic Development Athority, Philippine Health Insurance Corp. at National Statistics Office.
Ani Press Secreatary Ignacio Bunye, maaring makita sa pagpapatupad ng isahang ID system sa mga kawani ng gobyerno ang maaring maging problema kung sakaling ipapatupad ito sa lahat ng sibilyan.
Binigyan ng kapangyarihan ng Pangulo ang direktor ng National Economic Development Authority na ilipat sa isang database ang mga impormasyong kailangan.
Nabanggit sa utos ng pangulo na epektibo na ang isahang ID para sa mga kawani ng gobyerno 15 araw matapos mailathala ang naturang utos sa dalawang nangungunang pambansang pahayagan. Nilagdaan ng pangulo ang EO 420 noong Abril 13.
Inaasahang sa pagpapatupad ng nasabing isahang ID ng mga nasa gobyerno, maaari nang maipasa sa Kongreso ang batas na magbibigay tibay sa pambansang ID.
Mga epekto sa bansa
Ayon kay Senate Economic Planning office director Jean Encinas-Franco, makakatulong ang pambansang ID para magkaroon ng sistema at kaayusan sa pagbibigay ng serbisyo ng pamahalaan sa mga tao. Mas mapapadali ang pagbabawal ng pagbebenta ng mga alak, malaswang babasahin, at pelikula sa mga menor de edad.
Maari ding malunasan ang lumalalang kriminalidad kung magakakaroon ng pambansang ID dahil hindi na maaring magpanggap na ibang tao ang isang kriminal.
Sa kabila umano ng mga mabuting epekto na maaring idulot ng isahang ID, hindi pa rin ito tiyak na lunas sa mga problemang nabanggit, giit ni Rene Gorospe, abogado at guro sa Political Law sa Faculty of Civil Law.
“Kung hindi rin naman gagalaw ng naayon sa kanilang trabaho ang mga kawani ng gobyerno, wala ring silbi ang isahang ID,” aniya.
Dagadag pa niya, “Maaring matunton ang mga pinaghahanap ng batas sa pamamagitan ng pambansang ID, subalit kung aabusuhin naman ng gobyerno ang mga impormasyong hawak nito, maari itong magdulot ng higit na pasakit sa mamayang Pilipino.”
Kabilang ang Alemanya, Afghanistan, Israel, Belgium, Russia, Espanya, Indonesia at Pakistan sa mga bansang may ipinapatupad na pambansang ID. Base sa pag-aaral ng London School of Economics and Political Science (LSEP), hindi ito kasiguruhan na malulunasan ang problema sa kurapsyon, kriminalidad at terorismo sa isang bansa. Makikita sa talaan na ginawa ng LSEP na walang mahalagang diperensiya sa insidente ng krimen at kurapsyon kung may pambansang ID man o wala ang isang bansa.
Handa na ba?
Sa kabila ng mga positibo at negatibong epekto ng pambansang ID, hindi pa rin maiaalis ang tanong kung handa na nga ba ang pamahalaan dito.
Ayon kay Teddie Casiño ng Mababang Kapulungan, tinatayang aabot sa P1.6 bilyon ang kakailanganin para maipatupad ang sistema sa buong bansa.
Base sa pag-aaral ng National Computer Center, halos kalahati ng mga kompyuter ng gobyerno ang gumagamit pa rin ng dial-up connection, at 14 na porsiyento lamang ang gumagamit ng Pentium IV computers, na maari sanang magpabilis sa proseso.
Dapat gumawa muna ng mga batas na nagpoprotekta sa pampribadong buhay ng mga Pilipino bago ipatupad ang isang National ID Act, mungkahi ni Franco. Sa kasalukuyan, mayroon lamang dalawang batas na may kinalaman sa pampribadong buhay ng mga sibilyan—ang wiretapping at bank secrecy law.
Bagaman maraming positibong epekto ang pinaplanong pambansang ID, hindi pa rin malinaw kung papaano ito maisasakatuparan nang buong-buo kaalinsabay ng pangangalaga ng karapatang pampribado. Marahil malalaman lang ng taong bayan ang totoong epekto ng National ID System kapag naipatupad na ito. J. L. G. Aguilar at H. D. Homol
akala ko po ba news ito e bat po my editorialization, mali na ko, laglag na ko sa RSSPC, kinapirid ko pa naman yung akin ng parang news.. pero ayos lang po iyan, hindi dito natatapos ang lahat, kaso walang ng next huhuhuhu.. wawa aman ako…
news feature kasi yan kaya ganya…at walang word na “editorialization”…talaga ngang matatalo ka sa RSSPC