TODOS los Santos pa lamang, nagtitirik na ng kandila’t nag-aalay ng bulaklak at panalangin ang mga Pilipino para sa kanilang mga mahal na yumao upang gunitain ang Araw ng mga Kaluluwa.
Bagaman malungkot ang dahilan ng pagbisita sa mga patay dahil sa masakit na pagkawala ng ating mga mahal sa buhay, nagiging masaya pa rin ang pagdiriwang ng Undas sa tuwing magkikita ang mga magkakapamilya sa puntod ng namayapang minamahal.
Hindi naman mawawala ang kumustahan, kuwentuhan at tugtugan bilang pampalipas-oras. Abala namang gumagawa ng kandilang bola ang mga kabataan samantalang naglalaro naman ng baraha ang ilan. Nagiging masaya rin ang araw na ito dahil sa mga munting salu-salo ng bawat mag-anak.
Wala man ang mga Pilipino ng kultura ng Halloween—ang gabi bago sumapit ang Araw ng mga Santo, kung saan nagbibihis-multo ang mga kabataan, naglalaro ng trick or treat at umuukit ng jack-o-lantern mula sa mga kalabasa, mayroon naman tayong kultura ng Araw ng mga Patay na namana pa natin sa mga Kastila.
Ani Fr. Jack Wintz O.F.M., dating guro ng Literatura sa Franciscan Seminary College sa lungsod ng Quezon, nang dumating ang mga Kastila sa ating bansa, nakita at natutunan ng ating mga ninuno ang paraan nila ng paglilibing sa mga yumao, mula sa burol, libing, hanggang sa paggunita sa mga ito.
Ngunit dahil sa pagbabago ng panahon at hirap ng kabuhayan, may mga nagbago na ring kaugalian. Kakaunti na lamang ang nagpapamisa sa simbahan at madalang na ang nagsasagawa ng pangangaluluwa—ang pag-awit sa mga kabahayan kapalit ng kaunting barya.
Mapapansin din na bagaman masaya ang pagdiriwang ng Halloween sa kanluranin, hindi ganito tuwing Araw ng mga Kaluluwa na idinaraos nila ng taimtim, ‘di tulad sa Pilipinas na puno ng buhay ang pagdiriwang tuwing Undas.
Matutunghayan sa araw na ito ang pagkakabuklod ng pamilyang Pilipino. Marami ang umuuwi sa probinsya at may ilan na galing pa ng ibang bansa, hindi lamang para magbakasyon, kundi upang ipanalangin ang mga kailanma’y ‘di malilimutang yumaong kapamilya.
Katatakutan, kalungkutan, pagdiriwang o kasiyahan, hindi ito ang mga diwa ng Araw ng mga Kaluluwa. Higit pa ito sa pag-aalay ng bulaklak, pagsindi ng kandila, pagdarasal at pagbisita sa puntod ng yumaong mahal sa buhay. Bagkus, maganda itong pagkakataon para pagnilayan natin ang ating tungkulin sa lupa at gampanan ito habang nabubuhay. R.U. L.