NAGSAMPA ng kasong pagnanakaw ang isang Civil Law freshman laban sa dalawang lalaki na nagtangkang agawin ang kanyang bag sa P. Noval St. noong Hunyo 23.
Ayon sa biktimang si Michelle Louella Legaspi, naglalakad siya kasama ang kanyang mga kaklase sa kahabaan ng P. Noval St. nang tinangkang hablutin ang kanyang bag ng dalawang lalaking lulan ng isang motorsiklo, dakong ika-siyam ng gabi.
Nabagok ang ulo ni Legaspi at nagtamo siya ng mga sugat sa kanang braso at balakang sa pagkadulas at pagbagsak niya sa semento sanhi ng paghatak ng bag ng mga salarin.
“Pagkatapos ng insidente, sumakay kami ng taxi at nagpasyang umuwi,” ani Legaspi. “Pero, habang binabaybay namin ang Quezon Avenue, nahilo ako at dinala ako ng aking kaklase sa pinakamalapit na ospital.”
Ayon sa mga doktor ng Nicanor Reyes Medical Foundation Medical Center sa Quezon City, nagkaroon si Legaspi ng contusion hematoma sa kanang bahagi ng ulo.
Naospital si Legaspi ng tatlong araw. Nag-file na rin siya ng leave of absence ngayong semester.
Samantala, dinakip ng mga pulis sina Reynaldo Reyes at Joselito Alabado sa magkahiwalay na kaso ng pagnanakaw, tatlong araw bago maiulat ng ama ni Legaspi ang insidente sa Western Police District Station 4 sa Sampaloc, Manila noong Hunyo 30.
Lumabas sa imbestigasyon na nagtugma ang plaka ng motorsiklo na gamit nina Reyes at Alabado sa plakang isinulat ng mga kaklase ni Legaspi na ibinigay naman nila sa ama ni Legaspi.
Nailipat na sina Reyes at Alabado sa Manila City Jail sa Sta. Cruz, Manila para sa unang kasong hinaharap nila.
Naiulat din sa nakaraang isyu ng Varsitarian ang panlolokong bumiktima sa dalawang freshmen galing sa Faculty of Pharmacy na naganap sa loob ng Unibersidad.
Ayon kay acting detachment commander Victorio Padoche, hindi maiiwasan ang ganitong mga insidente sapagkat kulang ang itinatalagang mga pulis sa labas ng Unibersidad.
“Kung may mga pulis tayo na nakabantay sa paligid ng ating Unibersidad, nawawala ang kagustuhan ng mga masasamang loob na manloko,” ani Padoche. “Mas magiging kampante rin ang mga estudyante natin kapag nandiyan ang presensiya ng ating mga pulis.”