NILUKOB ng kadiliman ang kagubatan. Tanging mga pagbulong ng mga insekto, kasabay ng harurot ng mga hayop na sa gabi‘y bukas ang mata, ang maririnig. Ang kaunting ihip ng hangin ang siyang nagpapalipad sa mga nagkalat na dahong unti-unting nalalagas sa mga nagsisilakihang sanga.

At sa kaunting liwanag na dulot ng buwan, isang nilalang ang naglalambitin sa mga sanga ng mga higanteng kahoy kahit alam niyang karamihan ng kanyang kapwa hayop ay nagpapahinga na. May nangahas na pagalitan siya subalit ang nakakarami ay walang imik na nakatingin lamang sa kanya nang malalim dahil batid nilang kahit gabundok na pangangaral ay hindi nila kayang pagsabihan siya.

Siya si Matsing. Sa kagubatan, simbolo siya ng kapilyuhan. Sa anumang kalokohang nagdudulot ng tawanan, isang hayop lamang ang tinuturing nilang may pakana ng lahat.

Subalit kahit sa kapilyuha‘y siya palagi ang bida, hindi rin maikakaila na kahit minsan, hindi siya nanakit ng kanyang kapwa-hayop. Katunayan, hinahanap siya kapag walang magawa ang mga hayop at pihadong walang pagod siyang magpapatawa. Subalit, napapagsabihan din siya sa mga oras na kailangang maghanap ng pagkain ang lahat. Para sa mga hayop, isang sagradong gawain ang paghahanap ng pagkain at hindi ito dapat dinudungisan ng anumang katuwaan at biro. Lalo na‘t padami na nang padami ang mga taong nanghihimasok sa kanilang munting paraiso.

Subalit, kakaiba ang ugali ni matsing ngayon. Nawala na ang mga ngiti sa kanyang malapad na nguso. Hindi na nakalabas ang kanyang mapuputing mga ngipin, senyales na may katatawanang namumuo na naman sa kanyang isipan.

Sa ibang mga hayop, lalo na ang mga nakatatanda, hindi na nila ito masyadong pinagtutuunan ng pansin. Bagkus, nasiyahan nga sila‘t makakahanap na rin sila ng pagkain nang maayos, na walang matunog na halakhak ng matsing sa kanilang likuran. Hindi nila alam na sa kalooban ng masayahin at palabirong matsing, isang suliranin ang nanunuot sa kanyang isipan, nagbibigay ng isang palaisipang pilit sinasagot ng kanyang munting kaalaman.

Nagsimula ito noong nakaraang linggo. Sa nakalipas na araw, bumulusok ang ulan, hudyat na tapos na ang mahabang tag-init. Subalit, nagsimula ang araw na maliwanag bagama‘t basa pa rin ang kapaligiran. Umakyat ang araw na walang ulap sa kanyang mukha. Tahimik ang hangin na siyang nagbigay-loob kay matsing na lumabas sa kagubatan at maghanap ng makakain.

Sa labas ng kagubatan, isang plantasyon ng saging ang ipinatayo ng mga tao. Malimit itong pinupuntahan ng matsing upang pumitas sa mga nagsisilakihan at matatabang saging. Hindi niya alam na pag-aari ito ng mga tao kaya walang pakundangan kung pumitas ito. Marahil, kung alam niyang hindi sa kanya ang mga ito, mag-aatubili siyang pumitas. Para sa kanya, ang mga saging ay sadyang para sa kanya.

Sa kanyang paglalakad sa sagingan, buong panghihinayang na tiningnan niya ang mga saging at mga prutas nito na walang awang ibinuwag ng mabagsik na ihip ng hangin at lakas ng ulan.

“Sayang,” sabi niya sa kanyang sarili. “Akala ko pa naman marami akong maiuuwi ngayun.”

Dahil alam niyang wala siyang makukuhang makakain na saging, dahil ang mga prutas ng mga ito‘y parang basang lupa na tinapakan ng elepante, minabuti na lamang niyang umuwi at subukan ang kanyang kapalaran sa ibang bukid. Subalit, may napansin siyang kakaiba sa isang puno ng saging sa dulong bahagi ng taniman. Tulad ng karamihan, putol ito sa kalahati at ang mga dahon niyo‘y yurak na nakahiga sa lupa. Subalit napansin niyang walang nakakalat na prutas ng saging katulad ng iba.

READ
UST prays for peace

At namalayan na lamang niya ang sariling lumalapit sa naturang putol na puno ng saging. At laking gulat na lamang niya nang nakita nito sa paanan ng naturang puno ang isang kumpol ng saging na hinog, ang dilaw ng balat nito‘y mistulang gintong kumikinang sa liwanag ng araw.

“Aba`y tingnan mo nga naman kung paano ngumiti ang kapalaran sa akin,” nasabi niyang malakas sa kanyang sarili. Halos hindi na kasya sa kanyang mukha ang lapad ng kanyang ngiti.

Binuhat niya ang mga hinog na saging sa kanyang balikat at masayang naglakad pabalik sa kagubatan. Dinig na dinig ang kanyang maingay na pagkanta habang pasan-pasan niya ang mga prutas. At nakihalubilo na rin ang hangin sa pagsayaw sa mga dahon ng kahoy habang ang mga ibang hayop ay pursigido sa paghanap ng kanilang sariling makakain bago sila mapansin ng matsing at bulabugin na naman sila ng mga halakhak nito.

Subalit may iba pang plano ang matsing. Dumiretso siya sa malaking puno ng akasya, kung saan ang mga sanga nito ang siyang nagsisilbing silong sa mga mas maliit na puno. At sa paanan ng puno, sa pagitan ng mga malaking ugat nito, payapang nakahiga ang isang baboy-ramo. Linapitan niya ito.

“Kaibigan,” wika niya. “Pakibantay naman itong saging at may babalikan lang ako.” Sabay lapag sa kanyang tabi ang pasan na saging.

Tumango lamang ang baboy-ramo sabay takip ulit ng kanyang mga mata. Pagod marahil, sambit ng matsing sa sarili. Baka hinabol na naman ng mga asong kasama ang mga tao. Sa taas naman ng puno, nakatayo sa isang sanga ang agila na walang imik na nanood sa dalawa. Hindi masyadong nakikisalamuha sa mga ibang hayop ang agila kaya minabuti na lamang na hindi pansinin ni matsing ang naturang ibon.

At pagkalagak ng mga saging sa paanan ng puno kung saan namamahinga ang baboy-ramo, nagbalik siya sa sagingan sa pag-asang marami pa siyang makukuhang makakain.

Subalit ang kapalaran kung minsan ay minsanan lamang magbigay ng biyaya. Halos naubos ang buong araw ng matsing sa kalilibot sa mga nasalantang puno ng saging sa pag-asang may mga puwede pang kakainin. Subalit puro sira at linalangaw ang mga binalikan niya, na kahit man siguro sa kanyang kagutuman ay ayaw niyang kainin.

At nang magsimula nang magpaalam ang araw sa langit, linisan ng matsing ang sagingan at ipinangako sa sariling babalik na siya bukas upang subukan ulit ang kanyang kapalaran.

Kahit wala siyang nakuha sa kanyang ikalawang balikan, malapad pa rin ang ngiti ng matsing sa kanyang mga mukha, matunog pa rin ang mga halakhak na numumutawi sa kanyang bibig, kumikinang ang mga ngipin sa mga huling liwanag na dulot ng araw. Wala siyang kaalam-alam na sa pagbabalik niya sa punong pinang-iwanan niya ng saging, mapapalitan ang mga ngiting iyon ng pagkamangha at kaguluhan na sa huli‘y magbibigay sa kanya ng panibagong kaisipan.

READ
Bigkis ng kabataan

Nang papasok siya sa kagubatan, palubog na ang araw kasabay ng pagtahimik ng hangin na parang hudyat ng sagradong pagdating ng kadiliman. Sa malayo, nakita niya ang malaking punong pinaglagakan niya ng kanyang saging. Subalit, sa kaunting liwanag na natitira, napansin niyang wala na doon ang nakahigang baboy-ramo.

At nang papalapit na siya, laking mangha na lamang niya nang makita niyang wala na ang saging sa pagitan ng mga ugat na alam niyang pinaglagyan niya kanina. Mabilis niyang nilibot ang buong puno subalit sa mga paanan nito, wala siyang makitang saging.

“Kaibigan, ano ba ang hinahanap mo?” isang malambing na tinig ang naulinigan niya sa kanyang likuran. Hindi niya namalayan na dumapo sa isang malaking ugat ng puno ang ibong loro, ang mga pakpak nito`y parang luntiang apoy na kumikinang sa pagdapo ng kadiliman.

“Iniwan ko kasi dito ang mga nakuha kong saging sa labas,” sagot ng matsing sabay turo sa paanan ng puno kung saan natatandaan niyang pinaglagyan niya ng mga naturang prutas.

“Nakita ko `yun kanina,” wika ng loro. “Nagtataka nga ako kung bakit iniwan na lang ito ni baboy-ramo pero dinampot ito ng agila sa kanyang mga nagsisilakihang kuko kaya akala ko sa kanya ang mga iyon.”

“Sa akin `yun,” halos walang lumabas na boses sa kanyang bibig nang unti-unting lumabas ang katotohanan sa pagkawala ng kanyang mga saging. Para sa loro habang tinitingnan ang reaksyon ng matsing, marahil nasasaktan ito dahil sa saging lang nabubuhay ang matsing at ang pagkawala nito`y isang dagok sa kanyang kabuhayan. O kaya, dahil ang kumuha nito`y ang kinatatakutang mailap na agila.

Mula noon, nagbago na si Matsing. Sa halip na malalapad na ngiti at matutunog na halakhak, mapapansin mong mailap na ang kanyang mukha, malalim ang iniisip, walang pakialam sa mga nangyayari sa kanyang paligid na para bang umukit na ng sariling mundong siya lamang ang puwedeng makapasok.

Matagal na hiniwalay ni matsing ang kanyang sarili sa iba pang hayop. Halos hindi na siya bumababa sa malaking puno na kanyang pinamamahayan. Hanggang isang araw, basa pa ang lupa dahil sa nagdaang bagyo at nag-uunahang lumabas ang mga langgam upang maghanap ng iimbaking pagkain para sa mga susunod pang pag-ulan, nagulat na lamang ang mga hayop nang bumaba ito sa tinitirhang sanga at nagpunta sa tirahan ng usa malapit sa isang lawa sa gitna ng kagubatan.

Lumabas ang usa sa kanyang tirahan, na may kaunting pangamba na baka maamoy siya ng mga aso‘t tusigin siya ng mga tao. Dahil siya ang nahirang na maging pangulo ng mga hayop ngayong tag-ulan, tungkulin niyang harapin ang alinmang hayop na nangangailangan ng kanyang tulong.

“Kaibigan,” pagsisimula nang matsing. “Gusto ko sanang hingin ang tulong mo.”

Napatigil siya sa pananalita, nag-aalangan sa mga susunod na sasabihin, subalit dahil sa naipong tapang mula sa matagal na pag-iisip sa tuktok ng malaking puno, nasabi niyang, “Gusto kong parusahan mo ang agila dahil sa pagkuha niya ng hindi sa kanya.” At ikinuwento niya ang lahat ng nangyari na nagtapos sa pagkakakita ng loro ng hayagang pagkuha ng agila sa kanyang saging kahit alam pa nitong pag-aari iyon ng matsing.

READ
Faculty wages increased

“Aba`y dahan-dahan ka ng pananalita, kaibigan,” halos pasigaw na sambit ng usa nang matapos magsalita ang matsing. “Alam mo ba ang ibig sabihin ng parusa? Naranasan mo na ba ito?”

At nang hindi umimik ang matsing, ipinagpatuloy niya.

“Alam mo bang sa buong buhay ko, wala pang napaparusahang hayop dito sa kagubatan? Alam mo ba kung saan nanggaling ang salitang parusa? Kay kabayo…” at isinalaysay niya kung paano isang araw, biglang bumalik si kabayo sa kagubatan mula noong magawi ito sa kapatagan. At ang kuwento niya, na hanggang ngayo`y alamat sa kagubatan at siyang dahilan kung bakit takot at galit pa rin ang mga hayop sa mga tao, ay sinasaktan siya ng mga tao kung hindi niya nasusunod ang mga kahilingan ng mga ito.

“Ipagpaumanhin mo kaibigan,” pagpapatuloy ng usa. “subalit kailanma`y hindi ko kayang bahiran ang aking kamay sa paglapat ng parusa sa aking kapwa hayop.”

At pagkatapos nang mahabang katahimikan, idinagdag niya na may halong galit, “hindi ako tao.”

At tinalikuran siya ni matsing. Subalit nagulat ang usa dahil napansin niyang hindi masyadong dinamdam ni matsing ang pagkabigo. Sa loob-loob ng matsing, alam niyang mahirap kumbinsihin ang mga hayop na parusahan ang kanilang kapwa at napaghandaan rin niya ang agarang pag-ayaw sa kanyang kahilingan ng pinuno ng kagubatan.

Hindi pa siya nakakalayo sa tirahan ng usa nang maulinigan niya ang magaspang at malalim na boses nito.

“Kaibigan, pakikiusapan ko na lang si agila na ibalik sa iyo ang saging…”

Huminto si matsing at hinarap niya ang usa. Tiningnan niya ito nang malalim at pagkatapos namayani ang katahimikan, nanalangin ang usang sana‘y tanggapin ng matsing ang kanyang alok nang sa gayo‘y matulungan naman niya ito, at nagsalita ang huli.

“Hindi na kailangan. Ibinalik na niya ang mga saging nang kinausap ko siya.”

“Ano? Pero bakit mo pa siya gustong parusahan?” naguguluhang tanong ng usa. Naguguluhan dahil maging siya`y balisang makipag-usap sa ibong mailap at dahil hindi niya lubos maisip kung bakit nais pang bigyan ng matsing ng kaukulang parusa ang agila.

Huminga ng malalim ang matsing, panatag ang kaloobang tiningnan ang usa at sinabi, “Ang sa akin lang nama`y pag-asang `di na ulit ito mangyayari, sa akin at sa ating mga kapwa hayop. Na sa susunod, mag-aatubili na ang sino mang hayop na umangkin sa mga bagay na `di niya pag-aari. Dahil maalala nila na may isang matsing na nangahas humingi ng parusa para sa isang agilang nang-angkin nang hindi sa kanya.”

At sa gitna ng kagubatan, malapit sa isang maliit na lawa, hindi alintana ang bagsik ng araw na agarang tumutuyo sa mga basang lupa‘t dahon, nakatayo ang dalawang hayop na tuluyang magpapabago sa buhay ng kagubatan. Ang matsing, na sa mukha‘y nagbalik ang dating ngiti, na naniniwalang nagwagi siya sa prinsipyong pinaglalaban. Ang usa, na sa kanyang balikat nakapasan ang tungkuling ipaliwanag sa lahat ang parusang ilalapat…

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.