Sa libro na A Diary of the Japanese Occupation, inilahad ng dating rektor ng Unibersidad na si Padre Juan Labrador, O.P. ang masalimuot na dinanas ng UST matapos itong lansiin ng mga Hapon.

Taong 1939 nang magsimula ang isa sa mga pinakamadugong labanan sa kasaysayan na nagbunga sa pananakop ng mga Hapon ang Filipinas.

Ayon kay Labrador, sa simula’y nagpakita diumano ang mga Hapon ng lehitimong galak at pakikipagkaibigan na taliwas sa kanilang tunay na motibo.

Bagaman hindi direktang pinuntirya ng mga dayuhan, nakaranas pa rin ng pagmamalupit at nagtamo ng pinsala ang Unibersidad.

Dahil sa pagkasira ng mga gusali ng Unibersidad, naantala ang panuruang taon noong 1942. Nalimitahan din ang kanilang mga gawain dahil kinakailangan pa na isangguni ang mga ito sa mga mananakop.

Sa mga panahong ito rin lumaganap ang sakit na malaria ngunit ayon sa salaysay ni Labrador, hindi magawang tumulong ng mga medikal na propersor ng Unibersidad dahil makapagbibigay ito ng konotasyon na kapos sa kakayahang manggamot ang mga Hapones na doktor.

Sa loob ng tatlong taong pananakop ng mga Hapon, tikom ang bibig ng mga Filipino dahil peligroso ang magsalita at magsulat tungkol sa kanilang pagmamalupit. Mahigit pitong dekadang ikinulong ang mga sentimentong ito sa talaarawan ni Labrador at muling binubuksan ngayon para sa sambayanang Filipino. Dagdag pa niya, walang laban ang mga isinulat na salita sa dahas, baril at mga balang kanilang dala.

 

Tomasino Siya

Kinilala si Felino Palafox Jr. bilang katangi-tanging Tomasino matapos ipamalas ang kaniyang husay sa larangan ng negosyo sa loob at labas ng bansa.

Nagtapos siya ng kursong architecture sa Unibersidad noong 1972. Sumunod siyang kumuha ng masterado sa environmental planning sa Unibersidad ng Pilipinas noong 2003. Nagtapos din siya ng Advanced Management Development Program for Real Estate sa Harvard University.

Nagsilbi siyang pangulo ng Philippine Institute of Environmental Planners at gobernador ng Global Peace Association-Philippines, at tagapayo ng Philippine Rural Reconstruction Movement. Noong 2009, iginawad sa kanya ang titulong People of the Year ng People Asia Magazine.

Ilan lamang sa mga gusali na kaniyang idinisenyo ay ang La Mesa Ecopark, Quezon Memorial Circle, Supreme Court Centennial Building at Qatar Embassy sa Parañaque. Naging bahagi rin siya sa pagtatayo ng ilang imprastraktura sa labas ng bansa tulad ng Philippine Embassy and Chancery sa Brunei, at SM Cina at Tzu Chi Schools sa Iran.

Kapuwa Tomasino rin ang napangasawa ni Palafox na si Wilma. Gayundin ang isa nilang  anak na nagtapos naman sa Faculty of Medicine and Surgery.

Taong 2009 nang ginawaran siya bilang The Outstanding Thomasian Alumni (TOTAL) Awardee sa kategoryang ng Business, Finance, at Accounting.

Tomasalitaan

Abay (pangngalan) – tabi, dais

Napapawi ang lungkot at pagod na dulot sa akin ng maghapon kapag ako’y namamahinga na sa abay mo.

 

Mga Sanggunian:

TOTAL Awards 2009

A Diary of the Japanese Occupation ni Padre Juan Labrador, O.P.

A History of the University of Santo Tomas (Four Centuries of Higher Education in the Philippines) ni Padre Fidel Villarroel, O.P.

Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles ni Jose Villa Panganiban

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.