“Hindi nakita ng mata, at hindi narinig ng tainga, at hindi sumagi sa puso ng tao ang mga bagay na inihanda ng Diyos sa mga umiibig sa Kanya.” – 1 Corinto 2:9

TILA napakadali para sa akin ang pagdudahan ang Diyos.

Kahit Katoliko ako, may pagkakataong nagdadalawang-isip ako kung totoong nariyan Siya at nakikinig sa mga panalangin ko, lalo na nang mabigo ang aking dasal na makalipat ang aming pamilya sa Canada.

Pagkatapos na pagkatapos ng aming klase, dali-dali akong umuwi ng bahay para malaman kung natanggap ang aming application sa embahada ng Canada. Habang sakay ng dyip pauwi, naramdaman ko ang pananabik na muling makita ang mga kamag-anak namin sa Canada na halos 13 taon na naming hindi nakikita. Labing-apat na taon na ako noon nang sabihin sa aming magkakapatid ng aming magulang na doon na namin itutuloy ang pag-aaral. Nangarap akong kumuha ng narsing sa Canada dahil sa hindi raw problema ang trabaho doon dahil sa kakulangan nila sa mga nars.

Naglaho ang aking mga pangarap nang salubungin ako ng namumutlang mukha ng aking mga magulang pagpasok ko ng pinto. Hindi man nagsalita, nabasa ko sa kanilang mga mata ang masamang balita. Napalitan ng ngiwi ang ngiti. Nang oras na iyon, naaalala ko ang hirap na tiniis ni mommy para asikasuhin at pagkagastusan ang mga papeles naming lahat. Hindi ko napigilang isumpa ang Diyos.

Mula noon, tiniis kong hindi magsimba sa sobrang sama ng loob. Naisip kong hindi na magsimba pa kung hindi rin lang pakikinggan ng Diyos ang mga hinaing ko.

READ
Pag-usbong ng 'indie' films

Lalo akong nawalan ng kumpiyansa sa kanya nang muli Niya akong biguin. Nais ko sanang kunin ang kursong narsing sa UST sa pag-asang makararating pa rinsa Canada. Nakatatak sa aking isipan na narsing lamang na ito ang kursong makapagpapaahon sa amin sa kahirapan.

Ngunit hindi ako nakapasa, at muli, naramdaman ko na hinayaan Niya akong mabigo. Hindi ko alam ang aking gagawin. Ni hindi ko maisip kung saan ako pupulutin dahil naging mailap para sa akin ang posibilidad ng matiwasay na hanapbuhay. Pero sa kabila ng matinding pagkamuhi ko sa Kanya, napag-isip-isip ko na hindi rin naman Niya ako pinabayaan.

Bagaman hindi praktikal para sa ilan na kunin ang kursong Journalism, naniniwala akong may kinabukasang naghihintay sa akin sa larangang ito.

Hindi man ako magiging nars na makapupunta sa iba’t ibang bansa sa pag-aasam na kumita ng malaki, magiging isa naman akong mamahayag na matagal ko nang kinahiligan.

Kahit hindi rin natuloy ang pagtira namin sa Canada, naisip kong minarapat ng Diyos na manirahan na lamang ako dito dahil dito ako tunay na nabibilang. At ngayon ngang bibilangin ko na lamang ang mga buwan bago ako magtapos sa pag-aaral, naisip kong ipinag-adya talaga ng Diyos na sa kursong ito ako tunay na naaangkop.

Mula sa lahat ng mga pinagdaanan kong pagsubok, natanto kong napakalaki ng kasalanan ko sa Diyos. Hindi ako nagtiwala sa Kanyang mga plano at agad akong nawalan ng tiwala sa Kanya. Sa halip na magpaubaya sa Kanyang karunungan, agad akong nawalan ng loob sa pag-iisip na binabalewala Niya lang ako.

READ
It's a small world after all

PANALANGIN: Panginoon, patawarin N’yo ako sa mga pagkakataong kumikitid ang aking pang-unawa. Turuan N’yo po akong magpakumbaba at magtiwala sa inyong kagustuhan at ipinangangako ko pong palalawigin ang aking pananampalataya at magsusumikap nang maintindihan ang Inyong plano para sa akin at sa aking pamilya. Amen. M. J. D.G. Palarca

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.