HINDI lamang mahusay sumulat ang mga miyembro ng Varsitarian, magaling din silang umarte.

Napatunayan ito sa pagtanghal ng pahayagan ng isang dula noong dekada 70.

Gumanap ang ilang kasapi ng pahayagan sa Mina sa Lusak…Ginto sa Putik, isang presentasyong-kultural na itinanghal noong Setyembre 19 at 20, 1974 sa Education Auditorium.

Kabilang sa mga nagsiganap sina Regina Jimenez-David, dating patnugot ng Balita at kasalukuyang kolumnista sa Philippine Daily Inquirer; at Rolf Bitong, dating katulong na patnugot ng Palakasan. Kasama ring nagtanghal ang ilang Tomasinong estudyante na nakapasa sa audition ng Varsitarian.

Tinalakay sa dula ang kuwento ni Mina, na ginampanan ng Communication Arts sophomore na si Sandra Castro. Kumukuha si Mina ng kursong Commerce at nakatira sa isang pook-maralita na tinatawag na Pugad Manok. Dahil maagang naulila ng mga magulang at kailangang matustusan ang pag-aaral nilang magkakapatid, pinasok niya ang prostitusyon. Nilait at itinakwil si Mina ng kaniyang mga kapitbahay dahil dito. Ngunit, nagsumikap pa rin siya sa pag-aaral hanggang sa makatapos sa kolehiyo at makapagtayo ng sariling negosyo.

Sa huli, umalis ang magkakapatid mula sa Pugad Manok at nanirahan sa bagong bahay na binili ni Mina. Bilang hudyat ng kaniyang pagbabagong-buhay, naging aktibo siya sa mga gawaing-Simbahan.

Sinabi ni Fr. Edgardo Lleva, dating patnugot ng Pilipino at nagsulat ng iskrip ng dula, na isinulat niya ang dula matapos niyang makita ang mga puta sa kalye ng Dapitan habang namamasyal doon isang gabi.

“Pumapasok sa prostitusyon ang ilang tao, hindi dahil hinangad nila ito, kung hindi upang makaahon sila at ang kanilang pamilya sa kahirapan,” ani Lleva, na dating scriptwriter sa palabas na O Rosemarie ng ABS-CBN, sa Varsitarian.

READ
A Waking Nightmare

Inihambing ni Lleva ang bida sa pamagat ng dula. Aniya, tulad ng pagtabon ng putik sa isang piraso ng ginto, hindi kaagad napapansin ng karamihan ang taglay na kabutihan ng mga taong tulad ni Mina na pinasok ang prostitusyon dahil sa kahirapan. Ngunit, matutuklasan ito kung bibigyan sila ng pagkakataong mapatunayan ang sariling kakayahan sa halip na maliitin sila ng mga tao.

Bagaman hindi na nasundan ang Mina sa Lusak…Ginto sa Putik ng iba pang dula, naipakita naman nito na maaaring mapanatiling buhay ang dulaan kung may hilig sa sining ng pagsulat at pag-arte ang mga Tomasino. Ruben Jeffrey A. Asuncion

Tomasalitaan:

Yanang (pangngalan)- putik

Halimbawa:

Mahirap maglakad ngayon sa daan dahil puno ito ng yanang.

Sanggunian:

The Varsitarian, Tomo 46, Blg 5, Agosto 10, 1974;

The Varsitarian, Tomo 46, Blg 6, Setyembre 10, 1974; at P. Edgardo Lleva

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.