NAKARINIG na ba kayo ng paaralang hindi nagbibigay ng marka at walang bumabagsak?

Pinatunayan ng Tomasinong si Fr. Rogelio Alarcón, O.P. na hindi lamang sa tradisyonal na pagbibigay ng marka nasusukat ang kakayahan at talino ng isang mag-aaral nang ipakilala niya ang “sistemang non-grading” noong 1972.

Hinangad ni Alarcon na magkaroon ng panibagong sistema ng edukasyon nang bumagsak siya sa ika-anim na baitang sa Colegio de San Juan de Letran noong 1949 dahil sa mabagal niyang pag-unawa sa mga bagong paksa gayundin sa kanyang pakikisama sa mga bagong guro’t kaklase.

Ganito rin ang naging hinaing ng mga mag-aaral ukol sa mabagal nilang pag-unawa nang maging punong guro si Alarcon ng elementary department ng nasabing paaralan.

Kaya sa isang comparative study ni Alarcón sa UST Graduate School ukol sa iba’t-ibang sistema ng edukasyon, ipinakita niya ang kagandahang maidudulot ng isang sistemang non-grading sa paglinang ng kakayahan ng isang mag-aaral. Subalit hindi ito sinang-ayunan ng kanyang mga kasamahang guro.

Nang maitalaga siya bilang kauna-unahang provincial superior ng Philippine Dominican Province noong 1972, saka nakumbinsi ni Alarcon ang kanyang mga kasamahang guro na magpatayo ng isang paaralan sa Quezon City alinsunod sa sistemang non-graded at pinangalanan itong Angelicum, na halaw sa paaralang Dominiko sa Roma.

Alinsunod sa pilosopiya nitong “to do what is best for learners,” ibinabatay ng Dominikanong paaralan sa indibidwal na kakayahan ang antas ng edukasyong ibinibigay sa bawat mag-aaral nito. Kabilang sa mga programa ng paaralan ang Basic Education Program na accredited ng Philippine Accrediting Association of Schools, Colleges, and Universities; Collegiate Program; ang Home Study Program; at ang Re-entry Education Alternative for the Poor Program, na tumutuon sa one-on-one na pagtuturo.

READ
Kailangan pa bang i-memorize 'yan?

Sinusukat ng paaralan ang pag-unlad ng mga mag-aaral nito sa pagbibigay ng mga achievement tests matapos makumpleto ang lahat ng modules sa bawat asignatura.

Bagaman tuluyan nang umunlad ang paaralan batay sa populasyon at mga infrastruktura nito, bumalik si Alarcon noong 1994 bilang ikapitong direktor ng paaralan upang ipatupad ang modular approach sa pagtuturo.

Nakapagbukas na rin ng mga sangay ang Angelicum sa Jaro, Iloilo at Tehran, Iran. Subalit ipinasara ang paaralan sa Iran noong 1979 dahil sa naganap na religious war doon.

Nakapagtapos si Alarcon ng kursong Secondary Education sa Unibersidad noong 1966. Natapos din niya ang kursong Pilosopiya sa St. Albert’s Seminary sa Hongkong noong 1952, at Master of Arts in Education sa Centro Escolar University noong 1975.

Itinalaga naman si Alarcon bilang assistant to the rector for academic affairs ng Aquinas University sa Legaspi City mula 1967 hanggang 1969, national director ng Holy Name Society of the Philippines noong 1971, at vice grand chancellor ng Unibersidad mula 1972 hanggang 1978.

Dahil sa kanyang naiambag sa larangan ng edukasyon, ginawaran si Alarcon ng Most Outstanding Thomasian Achiever ng University of Santo Tomas Alumni Association noong 1982, at isa sa Ten Outstanding Young Men para sa Edukasyon noong 1972 ng Philippine Jaycees.

Tomasalitaan: piklot (pang-uri) – basang-basa

Halimbawa: Piklot ang buo kong katawan sanhi ng aking paglusong sa baha.

Sanggunian: Thomasian Who’s Who ’82 at The Angelicum Experience

Lee V. Villanueva

1 COMMENT

  1. …and since Angelicum is a sister school of UST, it is known that many “Angelicans” targets UST to be their future college.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.