NAGHAIN ang grupong Tanggol Wika ng motion for reconsideration sa Korte Suprema kasunod ng pagtanggal nito sa temporary restraining order sa utos ng Commission on Higher Education na alisin ang Filipino at Panitikan sa kolehiyo noong ika-26 ng Nobyembre.
Ayon kay David San Juan, convenor ng grupo, binigyang-diin sa inihaing petisiyon na magkaiba ang tatalakaying leksiyon sa kolehiyo sa tinatalakay sa mababa at mataas na paaralan.
“When Filipino in the core curriculum of basic education (senior and junior high school, in particular) is put side-by-side with Filipino in the general education curriculum at the tertiary level, it can be seen that there are matters covered in the latter which are not covered in the former,” ayon sa dokumento.
Iginiit naman ni Roberto Ampil, kasapi ng Tanggol Wika at dalubguro ng Unibersidad, na wika at kultura ang simbolo ng pagkakaisa at identidad ng mga Filipino.
“[Ang] Unibersidad ng Santo Tomas ay may katungkulan at responsibilidad sa kanyang bayan na igiit ang karapatan ng nga estudyante na magkaroon ng isang de-kalidad at makabayang edukasyon,” sabi ni Ampil.
Sinundan ang paghahain ng petisiyon ng protesta sa Plaza Salamanca na dinaluhan ng mga dalubguro at mag-aaral mula sa UST, De La Salle University, University of the Philippines-Diliman at Philippine Normal University, kasama ang Alliance of Concerned Teachers Party-list na kumakatawan sa mga guro.
Binubuo ang Tanggol Wika ng mga guro, manunulat, mag-aaral at tagapagtaguyod ng wika at kultura mula sa iba’t ibang parte ng Filipinas. Itinatag ito noong 2004.