“ASTIG” — yan ang natatak sa mga nakapanood sa talentong ipinamalas ni Lourd Ernest De Veyra sa kanyang kakaibang recital na “Auratorio”. Napuno ng tao at indayog ang UST Center for Creative Writing and Studies (CCWS) sa nakaraang pagtatanghal ng frontman kasama ang kanyang punk-jazz combo Radioactive Sago Project.
Ayon kay De Veyra, paglilikom ito lahat ng malikhaing impresyon para makabuo ng panibagong paraan ng pagtula sa modernong panahon. Ipinakita niya sa “Auratorio” ang iba’t ibang mukha at dimensyon ng panitikan nang basahin niya ang kanyang mga tula sa saliw ng saxophone, drums, at gitara habang may video-play sa background.
Binigyan din niya ng bagong interpretasyon ang mga obrang “Ang Itlog at ang Demonyo” ni Cirilo F. Bautista at “Lahat ng Hindi Ko Kailangan Malaman, Natutunan Ko sa Pelikulang for Adults Only” ni Jose Lacaba na ikinatuwa ng mga manonood.
Tawag ng panulat
Nagtapos si De Veyra ng kursong Journalism sa Faculty of Arts and Letters. Naging miyembro siya ng Thomasian Writers Guild, patnugot ng “The Flame”, ang opisyal na pahayagan ng AB, at kalaunan naging manunulat sa Literary Section ng Varsitarian. Aniya, magandang institusyon ang UST para sa mga taong nais sumabak sa media, lalo na sa mga gustong magsulat.
Dalawang aklat na ng tula ang kanyang nailalabas, ang “Subterranean Thought Parade” (Anvil Publishing, 1998) at “Shadowboxing in Headphones” (UST Publishing House, 2001) na nagkaroon ng nominasyon sa 2002 National Book Awards for Poetry. Natampok na rin siya sa mga magasin at antolohiya tulad ng “Likhaan Book of Poetry and Fiction” ng 2001 at 2002.
Mas pinatunayan ni De Veyra ang husay bilang manunulat at musikero sa edad na 29 sa pamamagitan ng dami ng gantimpalang natanggap. Noong nakaraang taon, nakamit niya ang ikalawang parangal sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature – Essay Division para sa sanaysay na “Videoke Blues”. Nakamit din niya ang grand prize sa kategoryang tula ng unang NCAA Writers Prize noong 2001.
Ganoon pa man, hindi naniniwala si De Veyra na sukatan ng galing at talento ng isang tao ang parangal. Aniya, “writing is always a personal matter—the true writer toils without concern for an immediate audience or accolade”. Bilang junior associate ng CCWS, abala siya sa pagbibigay ng pag-aaral at pagsasanay, pagiging patnugot ng mga publikasyon, at coordinator ng opisyal na website ng center.
Himig ng tula
Dahil sa kanyang mga kontribusyon sa mundo ng sining, nakikilala na si De Veyra sa naturang larangan. Ngunit ayon sa kanya, hindi ang pagbabasa ng milyun-milyong libro o pagsama sa mga workshops at lectures ang tanging paraan para makapagsulat nang may kabuluhan. Sa mga nagnanais na maging mahusay na manunulat, pinaaalala ni De Veyra na ang pagsusulat mismo ang nag-iisang paraan para matutong sumulat.
Samantala, nasa dugo ni De Veyra ang paghilig sa musika. Piyanista ang kanyang ina, na kapatid naman ng beteranong musikero na si Mike Hanopol, at ang kanyang mga kapatid din ay mahusay rin tumugtog ng mga instrumento.
Nag-aral siya ng classical guitar at naging miyembro rin ng ibang banda tulad ng “Dead Ends.” Tungkol sa beats ang thesis niya sa kolehiyo.
Naging matunog ang pangalan ni De Veyra nang sumikat ang “Gusto Ko ng Baboy” kasama ang Radioactive Sago Project, na naghakot ng mga nominasyon mula sa Urian, NU Rock Awards, at MTV Philippines.
Isang patunay ang “Auratorio” sa pagsasanib ng dalawang pag-ibig ni De Veyra: ang musika at salita. Tunay na makabagong manunula siya ngayon dahil naiakyat niya sa mas mataas na antas ang sining at panitilk. Ma. Charise Lauren C. Adonay at Glaiza Marie A. Seguia