Minsan isang pasko, eksaktong pagkababa ko sa sasakyan at akmang magmamano pa lang kay tatay, bigla na lamang niyang kinuha bitbit kong parol. Isabit na raw namin at nang maramdaman na sa kabahayan ang simoy ng pasko.
Sa lahat ng mga proyektong ipinasa ko sa paaralan, ang parol na ‘yun ang higit na ipinagmamalaki ko. Bagaman halos nahirapan ako sa paggawa at nabawasan ang oras ng pagtulog ko, sulit naman dahil mataas na marka ang ibinigay ng guro ko.
Kasama ko si tatay nang ginawa ko ‘yun. Tumulong siya sa paglagay ng mga bumbilya (Baka makasunog daw ako ‘pag mali ang mga koneksyon ng kable.)
Kitang-kita ko sa mga mata niya ang kasiyahan nang makitang nakasabit sa harapan ng aming tahanan ang parol. Alam kong walang kalaban-laban ang munting parol na iyon sa mga biniling naglalakihan at nagmamahalang parol ng mga kapitbahay namin subalit katas naman ito ng pagmamahal at oras naming mag-ama.
Si tatay rin ang taga-tingin kung pantay ang pagkakasabit ko sa parol. At ‘nung nasa tamang lugar na ito, hindi na namin namalayan ang oras dahil nawili kami habang tinutunghayan ang mga bumbilyang salit-salitan sa pagsindi. Nakakabighani din pala’ng panoorin ang matingkad na berdeng dahon at mga makukulay na kampana na parang pinagtagpi-tagpi.
Hindi ko akalaing magiging ganap na obra-maestra ang gawa namin ni tatay. Kung pagmamasdan, halos magkapareho ng kulay at kislap ang munting parol ko at ang mga nabibiling parol sa San Fernando, Pampanga; ang kaibahan nga lang—mula sa pagsisikap ng mga kamay ko ito.
Ngayong magpapasko na naman, ramdam ko ang malumanay at malamig na hangin. Hindi ko mapigilang bumalik sa alaala ko ang bituing nagbigay-liwanag sa aming mag-ama minsang isang pasko. Masaya na kami sa pagtitig sa parol, ang gaan pala ng pakiramdam, tila tumitigil ang oras, walang ibang tao maliban si tatay at ako.
Sa paskong ito, mag-isa ko na lamang isasabit ang parol na pinaghirapan namin ni tatay. Magdadalawang taon na rin mula nang pumanaw siya. Naitanong ko sa sarili, napakarami namang masasamang tao sa mundo, bakit ang tatay ko pa? Gustuhin ko mang pigilan ang pagsapit ng araw na ito, hindi ko magagawa. Tiyak na mangungulila nga ako, subalit mas mahalagang isipin ang mga batang malulungkot.
Kadalasan, iniisip ng ilan na panahon ng karangyaan at kaligayahan ang dulot ng pasko. Dahil sa mga regalo’t aginaldong natatatanggap, nakakalimutan nating muling alalahanin ang mga yumaong mahal sa buhay. Ang hindi natin alam, panahon din ito ng pag-alala sa mga taong minsang nagbigay-ilaw sa ating mga buhay.
Sa bawat kindat at kislap ng mga parol, napapangiti na lamang ako dahil naaalala ko si tatay. Marahil wala nga siya rito sa tabi ko, subalit nasa kanlungan naman siya ng tunay na bituin sa langit.