Inako ng punong barangay ng Brgy. 470 ang responsibilidad sa paglutas ng suliranin na pagtatambak ng basura sa bakod ng UST sa kalye P. Noval matapos niyang idineklara na sakop ng kanyang teritoryo ang pamantasan.

Sa isang pagpupulong na ipinatawag ng Secretary-General noong Agosto 1, tinalakay ang isyu ng seguridad at kalinisan sa labas ng Unibersidad, at nangako si Zenaida Matias na makikipag-ugnayan ang kanyang opisina sa tatlong barangay na nangangasiwa sa kahabaan ng P. Noval.

“Kakausapin ko ang mga barangay chairman sa P. Noval para matigil yung pagtatapon ng basura sa tabi ng UST, “ani Matias.

Sakop ng Bgy. 470 ang mga kalye ng Concepcion, Alfredo at Gelinos at bahagi ng A.H. Lacson Avenue.

Matagal nang nirereklamo ng mga estudyante, lalo na ng mga nag-aaral sa Beato Angelico Building, ang bundok ng basura sa likod ng gusali.

“Laging may isang tambak ng basura sa likod ng Beato Angelico Building,” ani Antonet Domingo, estudyante ng College of Fine Arts and Design. “Tumatawid na lang ako sa kabila ng daan para hindi ko na malanghap ‘yung amoy.”

Dagdag pa niya, kadalasan ang mga lagalag na basurero, na nakatira sa kariton, ang parating nag-iistambay dito.

“Ginagawa nilang banyo yung tambakan. Hindi amoy dumi ng aso yun,” ani Domingo.

Sa dako ng gymnasium matatagpuan din ang tambak ng basura na nagkukubli sa Meralco Terminal box. Nakabalandra rin dito ang mga kaha ng refrigerator, kung saan nilalagay ng mga street sweepers ang kanilang nawalis na dumi.

Mapapasin din sa barbed wires ng bakod sa tapat ng Central Seminary ang mga nakasampay na damit habang nagkalat naman sa daan ang mga Styrofoam at basyo ng bote.

READ
Sa arte at letra

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.