Tulad ng panahon, nag-iiba ang daloy
ng pag-iisip ng sangkatauhan.
Halimbawa,
ang unti-unting pag-ubos ng tinta
ng isipan sa paggawa
ng isang tula upang mapunan lamang
ang blankong papel sa pagbaha ng mga salitang
dapat sana’y kanina pa nabanggit.
Hanggang hindi na namamalayan na
ang mga salitang idinidikta ng
pag-iisip ay kung ano ang maaring
ihambing sa nararamdamang pananabik
sa muli nating pagkikita
at pag-asang maaari sanang nagpatigil
sa inyong pag-alis.
*Mula sa koleksiyong “Huling Araw” na nagwagi ng unang gantimpala para sa Tula sa Gawad Ustetika Taunang Parangal Pampanitikan noong nakaraang taon. Si Santos ay itinanghal na Makata ng Taon noong 2010 at nagkamit ng ikatlong gantimpala para sa Sanaysay noong 2009.