FONDU (fohn-DIU) — “sink down/melt”; a term used to describe a lowering of the body made by bending the knee of the supporting leg.

***

Ang mga nasa isip ngayon ng halos lahat ng mga magtatapos (o umaasang magtatapos) sa darating na Marso:

Naisip ko na magiging madali ang buhay pagdating sa ika-apat na taon dito sa UST, makahihinga na ako nang maayo. Maayos kong nalampasan ang kalbaryo ng pagiging junior, na maaari rin akong mang-asar ng mga baguhang mayayabang, maaaring magsabi nang masungit na “excuse me” sa mga tambay sa corridor, at maaaring magtaas ng kilay, mag-tsk, at sumigaw ng “ANG INGAY!” sa mga palengkerang naka-school uniform—mga pangarap ko mula pa nang ako’y first year, kasi ginawa rin sa akin ang mga ito dati.

Hindi pala.

Kahit bumalandra pa lahat ng maiingay sa harap ko ngayon, parang hindi ko na sila napapansin sa dami ng iba pang mga inaatupag ngayong isa ako sa mga magtatapos.

Mga pampuno ng resume. Lahat na. Mula school paper, college paper, org paper, classroom newsletter, Mediartrix, Pax Romana, Thomasian Volunteers, student assistant sa mga student council, Thomasian Writers Guild, mga fraternity at sorority, Tunorg, Salinggawi, Teatro Tomasino, Scarlet, Mountaineering, Becarios, Wu Shu, at Biochemical Society, pinatulan ko. Kahit typist lang o pamparami ng dumadalo ng pulong nila, okay na sa akin. It’s all in the name, kumbaga.

Ang Color Point at D’Manila. Dapat maganda (o gwapo) ako sa grad pic ko. Iyon ang ikakalat kong larawan sa mga potential employers—o employees—ko. Kahit nakikipagkompetensya sila sa Meralco sa taas ng mga singil nila. Pero siyempre, my best feature is my graduation picture.

READ
Educate the drivers

Ang mga scholarship grants sa ibang bansa. Pero nasa proseso pa lang ako ng dahan-dahang pagsusulat ng pangalan ko sa unang pahina ng questionnaire na ipinadala nila. Mahirap na: first impressions last, eh.

Ang pamatay na thesis. Parang lahat yata gustong maging best thesis ngayong taon, pero wala pa rin akong mahanap na adviser, matatapos na ang unang semestre. (Yung iba naman, walang hangganang pagpapa-rewrite ang gustong mangyari. Yung espiritu ng pagka-best thesis niya unti-unting nag e-evaporate sa kawalan. Papunta sa langit.) Kaya paulit-ulit ko ngayong sasabihin: “Kaya ko to, kaya ko to, kaya ko to…”

Mahirap yatang pagsabayin ang pag-alala sa kinabukasan ko pagtapos ng graduation at ang pagpasa ng mga gradong makatutulong sa akin upang makamit ang kinabukasang iyon.

…Ano kaya ang magandang kulay ng graduation gown (o suit)?

***

Nakikiramay ako kay Ma’am Eggie Apostol (Philippine Daily Inquirer founder at 2004 Gawad Plaridel award recipient) at sa kanyang pamilya, sa pagyao ng kanyang maybahay na si Jose Z. Apostol noong Agosto 13; gayundin kay Rose Jabeguero, dating patnugot ng seksyon ng Varsitarian, sa pagyao ng kanyang amang si Victor Jabeguero nito ring buwan. Sigurado naman akong maligaya sila ngayon sa piling ng Diyos.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.