SA KALAGITNAAN ng Vietnam War noong dekada ’60 hanggang ’70, may isang dayuhang hindi inintindi ang panganib upang tulungan ang mga mamamayan nito, si Sor Ma. Maylinda Enriquez.

Nasa kolehiyo pa lamang si Sor Maylinda at nag-aaral ng kursong Chemical Engineering sa Unibersidad, kinakitaan na siya ng kanyang mga kaibigan at kasama sa Epsilon Sigma Gamma Sorority ng kakaibang pagmamalasakit sa kanyang kapwa.

Kaya naman nang magtapos siya noong 1962, dininig ni Sor Maylinda ang isang bokasyon at pumasok siya sa kumbento ng Franciscan Missionaries of Mary at nanatili sa Mother House nito sa Tagaytay. Higit na pinili ni Sor Maylinda ang pagmamadre kaysa sa kanyang tinapos na kursong Chemical Engineering sa naisin na higit na makatulong sa kanyang kapwa.

Naging aktibo siya sa bahay-ampunan ng Our Lady of Loreto sa Legarda.

Nag-aral siya sa Rome at France nang ilang taon at bumalik sa Pilipinas noong Hulyo 1972 upang tanggapin ang kanyang perpetual vows. Tumulak siya patungong Saigon (lungsod ng Ho Chi Minh ngayon), Vietnam matapos ang dalawang buwan upang tulungan ang mga mamamayang biktima ng giyera. Gaya ng ibang mga misyoneryong ipinapadala sa panahon ng giyera, sinikap ni Sor Maylinda na maibsan ang paghihikahos ng mga mamamayan dito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng isang relief operation kasama ang ibang mga misyonero.

Hindi pa man nagtatagal sa Saigon, namatay si Sor Maylinda noong Agosto 6, 1972, habang nasa kalagitnaan ng kanyang misyon. Bumangga ang sinasakyan niyang kotse sa isang pampasaherong bus.

Bagaman panandalian ang misyon sa Saigon, marami ang humanga sa ginawa ni Sor Maylinda dahil sa kanyang ipinakitang pagmamalasakit sa kapwa. Inihatid ng US Air Force pabalik sa Pilipinas ang kanyang labi bilang isang pagpaparangal sa ginawa niyang kabayanihan.

READ
Urban vanity

Hindi man niya kababayan ang mga taong kanyang tinulungan sa bansang Vietnam, ipinamalas ni Sor Maylinda na walang limitasyon ang pagtulong sa kapwa.

Tomasalitaan: Himbak – png. Paglundag sa ibabaw ng balakid o sagabal.

Halimbawa: Naaksidente siya sa ginawa niyang paghimbak sa nakaharang na bakod.

Sanggunian: The Varsitarian ‘72

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.