MULI NA namang namayagpag ang Unibersidad nang makamit ang first runner-up ng lupon ng mga mag-aaral mula sa College of Commerce (Commerce) at College of Fine Arts and Design sa National Marketing Strategic Competition noong Hulyo 24 sa plenary hall ng Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay.
Nagpamalas ng angking kakayahan sa larangan ng marketing at advertising ang mga kalahok na nasa ikaapat na taon na sila: Bernard Tumaru, Agatha Santos, Leizel Fuentes, Isser Gatdula ng kursong Business Administration; Charise Romasanta ng kursong Economics; Sherlyn Antonio ng kursong Accounting; at Gail Ang at JP Dela Cruz ng kursong Advertising.
Nagkamit sila ng P30,000 at mga gift certificate mula sa Jollibee, bilang premyo. Tumanggap naman ng P5,000 ang kanilang tagapayong si Prop. Gil Garcia, na guro ng Business Administration sa Commerce.
Kasabay ang humigit kumulang 26 na unibersidad sa buong bansa, nagwagi ang kanilang konseptong “Buhay Pinoy, Jolly Pinoy” matapos bigyan ng mga tagapangasiwa ng patimpalak ang bawat pangkat ng isang case study ng Jollibee upang lapatan ng marketing plan, integrated marketing communication, analysis, external and internal data advertisement, at application, sa loob ng isang linggo.
Mula sa mga kalahok, pumili ang mga hurado ng 10 regional winners, kung saan kinuha ang anim na finalists upang idepensa ang kanilang mga lahok.
Tinanghal na kampeon ang Ateneo de Manila University at 2nd runner-up naman ang University of the Philippines sa Visayas-Iloilo. J.R.T. Cabangcalan & M.E.V. Gonda