PAGLIHIS lang ba ng atensyon ang pagbubuo ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng Truth Commission upang imbestigahan ang mga paratang na pandaraya sa nakaraang eleksyon?

Magiging isa itong malaking kalokohan kung may mga koneksyon din sa Pangulo ang mga taong bubuo sa komiteng ito. Kinakailangang mga taong hiwalay sa sistemang pulitikal ng bansa ang dapat mamuno nito upang hindi ito maging katawa-tawa.

Dapat din na walang pinapanigan ang magiging mga miyembro ng komite na mag-iimbestiga sapagkat magiging daan sila sa maaaring pagpapatalsik o pananatili ng Pangulo sa puwesto. Maaaring mga obispo o taga-akademya, basta’t may kakayahan—at integridad—ang kunin para magsagawa ng masusi at kapani-paniwalang imbestigasyon sa kaso.

Sa Senado, iminungkahi ni Majority Leader Francis Pangilinan na magretiro na si Chief Justice Hilario Davide, Jr., upang pamunuan ang Truth Commission. Dapat nga naman na may taong magmumula sa judicial na sangay ng pamahalaan ang mga kasapi nito.

Subalit maraming abogado at pulitiko ang nagsasabi na labag sa Konstitusyon ang pagbubuo ng Truth Commission. Hindi raw malinaw ang mga kakayahan nito. Ngunit malinaw naman na magsisilbi lang ito bilang isang fact-finding committee tulad ng Feliciano Commission na binuo upang imbestigahin ang mga hinaing ng mga nagsagawa ng kudeta sa Oakwood.

Maaari ring gamitin ang mga ebidensya na makakalap ng Truth Commission sa pag-impeach sa Pangulo.

At kahit patuloy pa ring kinakastiga ng oposisyon ang pagbuo ng komite, karapat-dapat lang din na makonsulta ito upang magrekomenda ng mga taong lalahok sa imbestigasyon.

Mahalaga ang tamang pagpili sa mga bubuo ng Truth Commission dahil kung hindi, lubhang makokompromisa ang mga institusyon ng demokrasya pati na rin ang tiwala ng mga Pilipino sa pamahalaan.

READ
The other 'rectorables'

Kailangang magkaroon ng isang malinaw at makatotoong imbestigasyon upang maibalik ang tiwala ng mga mamamayan sa gobyerno at pati na rin ang demokrasya.

Inamin din naman ng Pangulo na hindi dapat baliwalain ang mga pagtawag sa kanya na bumaba sa puwesto. Kung talagang nagkasala siya, hindi rin siya dapat tantanan ng batas lalo na kung ang mga institusyon ng demokrasya ang nakasalalay.

Ang Truth Commission ang tutukoy ng katotohanan ng “Gloriagate” scandal, ngunit ito rin ang tutukoy sa tunay na kalagayan at kakayahan ng demokrasya ng ating bansa.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.