SAAN nga ba patungo ang wikang Filipino?

Tinalakay sa “Kahalagahan ng Wikang Filipino: Isang Kamustahan” noong Agosto 11 sa Rizal Auditorium, ang estado ng Wikang Filpino sa kasalukuyan. Ayon kay Prop. Reynaldo Candido ng Faculty of Arts and Letters (Artlets), kusa nang umuunlad ang pambansang wika dahil tumataas ang antas ng paggamit nito.

“Huwag problemahin ang wikang Filipino dahil umaayon ngayon ang wika sa gusto ng nakakarami,” ayon kay Candido. “Hindi lang natin napapansin, umuunlad na ito.”

Naniniwala rin sina Kathy Yamsuan, Features writer sa Inquirer Libre, at Jeffrey Espiritu, Artlets Communication Arts alumnus at host ng programang “Direct Line” sa RPN 9, na nananatiling Filipino pa rin ang mga programang balita sa telebisyon dahil ito ang gusto ng mga tao.

Sa kabilang banda, sinabi ni Prop. Eros Atalia, isa ring propesor ng Filipino sa Artlets, na politikal ang usapin ng wika at hindi nabibigyan ng halaga ang wikang ito dahil sa elitistang pag-iisip ng mga tao.

“Madalas isipin ng mga tao na kapag marunong magsalita ng Ingles ang isang tao, mayaman o magaling na siya,” paliwanag niya.

Aniya, ginagamit lamang ng mga “elitista” ang wikang Filipino kapag hindi nila makuha ang gusto nila kung Ingles ang gamit nila at sapagkat mas marami ang nakaiintindi sa pambansang wika.

Magkatulad namang inihayag nina Candido at Atalia ang kanilang pagkadismaya sa hindi paggamit ng wikang Filipino sa Unibersidad.

“Ang mga taga-La Salle, taga-Ateneo, at taga-UP, may sariling boses ang wikang Filipino. Pero sa UST, pahina nang pahina,” ani Candido na tinutukoy ang pagkawala ng sariling kagawaran ng Filipino sa Unibersidad bilang halimbawa.

READ
Writers' workshop successful

Pinangasiwaan ng UST Journalism Society at ng Artlets Student Council ang naturang talakayan.

Samantala, hinimok ng isang respetadong Pilipinong arkitekto ang mga mag-aaral ng College of Architecture (CA) na gumamit ng mga katutubong materyales bilang alternatibo sa mga mamahaling kagamitang pang-arkitektura.

Ayon kay Arch. Bobby Mañosa, managing partner ng Francisco Mañosa ang Partners architectural firm, mas makamumura ang mga gagamit ng mga katutubong materyales tulad ng kawayan, rattan, cogon, cocolumber, clay, at bato dahil sa mga makabagong teknolohiyang makaaangat ng kalidad at durability ng mga ito. Ilan sa mga makabagong teknolohiya ang pressure treatment, lamination, bonding, at non-toxic chemical treatment. Makatutulong din umano ang pagtangkilik sa mga ito sa ekonomiya ng bansa dahil mabibigyan ng maraming trabaho ang mga taong nasa lugar na umaani ng mga naturang materyales.

“By using indigenous materials with a distinct Filipino architecture and design, we allow and contribute to the evolution of the very distinctive Filipino “Bahay-Kubo” to the “Bahay na Bato” to what someday will be recognized Contemporary Filipino Architecture,” dagdag ni Mañosa.

Idinaos ng kolehiyo ang talakayan, “Designing for Indegenous Materials” noong Agosto 19 sa audio visual room ng Beato Angelico Building bilang pakikiisa nito sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. C. D. Smith, J.R.T. Cabangcalan, at Mary Elaine V. Gonda

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.