BILANG pangunahing paaralang-pangmedisina sa Pilipinas, naging bahagi ang Unibersidad sa mga naganap na pagbabago sa larangang ito. Kabilang na rito ang kauna-unahang open-heart surgery sa bansa.

Noong Abril 9, 1959, isinagawa ang isang open mitral commissurotomy sa UST Hospital (USTH). Pinangunahan ni Dr. Denton Cooley, isang siruhano mula sa Baylor University sa Estados Unidos, ang operasyon. Tinulungan naman siya ng isang pangkat ng mga doktor mula sa USTH sa pamumuno ni Dr. Benjamin Belmonte, isang cardiologist at propesor sa Faculty of Medicine and Surgery.

Isinagawa ang operasyon sa ikalawang araw ng pagdalaw ni Cooley sa Unibersidad bilang tagapagsalita sa 68th Luis Guerrero Lecture. Tinalakay sa panayam na ito kung paano isinasagawa ang isang open-heart operation. Aniya, isa itong uri ng pagtitistis na kung saan pansamantalang tinatanggal ng mga doktor ang puso ng pasyente at pinapalitan ng artipisyal na bersyong idinidikit sa baga habang tinatahi nila ang butas na nasa totoong puso.

Si Tomas Mario, isang 24 na taong gulang na binata mula sa Batangas, ang napiling maging pasyente mula sa anim na taong mayroong sakit sa puso na naitala sa ospital. Napag-alaman ng mga doktor, matapos ang isang diagnosis noong 1958, na mayroon siyang interatrial septal defect o butas sa puso, at kailangan niyang sumailalim sa isang operasyon. Subalit hindi ito naisagawa sa taong iyon dahil napagpasiyahan ng mga doktor na hindi pa sila handa sa ganoong uri ng operasyon. Natuloy lamang ito nang dumalaw si Cooley sa Unibersidad sa sumunod na taon.

Matagumpay na naisagawa ng mga doktor ang operasyon gamit ang extra-corporeal heart pump machine na pansamantalang nagpadaloy ng dugo sa loob ng katawan ni Mario. Nakalabas naman sa ospital ang pasyente tatlong linggo matapos ang operasyon.

READ
Lubiana Lagto

Sa pamamagitan ng operasyong ito, naipamalas ang kakayahan ng mga Tomasinong manggagamot na gamitin ang mga makabagong kaalaman at teknolohiya upang bigyan ng mas malusog na puso ang mga Pilipino.

Tomasalitaan:

Busbos (pandiwa) – magsagawa ng operasyong medikal.

Halimbawa: Itinahi na ng duktor ang tiyan ng bata matapos itong busbusin sa isang appendectomy.

Sanggunian: Dr. Avelino Aventura, Dr. Alfredo Belmonte, The Varsitarian, Tomo 30, Blg. 12 Abril-Mayo 1959, at Sto. Tomas Journal of Medicine, Marso-Abril 1959

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.