NAIPAKITA ng Tomasinong si Arturo Tolentino ang isang magandang mukha ng pulitika sa kaniyang pagsinaya ng mga batas para sa kasarinlan at kaayusan ng bansa.

Bilang isang mambabatas, nakapapaglathala si “Ka Turing” ng higit sa 2,000 batas, kabilang na ang anti-graft law, civil service law, at law establishing the archipelago doctrine for the Philippines. Higit pa siyang nakilala sa buong mundo dahil sa ipinanukala niyang Law of the Sea, na nakatulong sa pagpapalawak ng teritoryo hindi lamang ng Pilipinas kundi ng iba pang mga bansa gaya ng Indonesia at Canada.

Bukod sa paglilingkod sa loob ng bansa, naging kinatawan ng Pilipinas din si Tolentino ng higit sa 20 pandaigdigang asembleo at kumperensiya tulad ng Inter-Parliamentary Union. Nagsilbing tagapangulo si Tolentino ng delegasyon ng Pilipinas sa una, ikalawa at ikatlong UN Conference on Law of the Sea noong 1950, 1960, at 1973; gayundin, naging delegado siya sa Guam para sa Conference on Island and Archipelago Law noong 1977.

Nakapagtapos ng Master of Laws noong 1936 at Doctorate of Civil Law noong 1938 sa Unibersidad bilang meritissimus, nanungkulan si Tolentino bilang kongresista mula 1949 hanggang 1957, at senador naman mula 1957 hanggang 1973 at muli noong 1992 hanggang 1995. Matapos ang kaniyang panunungkulan bilang senate president mula 1965 hanggang 1967, naging kasapi siya ng Batasang Pambansa noong 1978 at nagsilbing minister of state for foreign affairs mula 1984 hanggang 1985 sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Bilang tagapagtaguyod at manananggol ng batas, nakapagsulat si Tolentino ng iba’t ibang aklat-pambatas tulad ng limang bolyum ng Commentaries on Civil Code at Government of the Philippines.

READ
State of the 'V' address

Dahil sa kaniyang malaking naiambag sa larangan ng lehislatura, binigyan si Tolentino ng higit sa 150 parangal tulad ng pagkilala bilang Most Outstanding Member of the Batasang Pambansa mula 1978 hanggang 1983. Napabilang din siya sa Talaang Pandangal ng UST Alumni Association noong 1978 at naparangalan bilang “most distinguished alumnus” ng College Editors Guild noong 1969.

Dahil sa kaniyang malaking kontribusyon sa lehislatura ng bansa, itinuring si Tolentino bilang pinakamagaling na mambabatas sa bansa ng dating pangulong Diosdado Macapagal at dating senador na si Claro M. Recto.

Sa likod ng isang magulong pulitika, nagsilbing katangi-tangi si Tolentino dahil sa kaniyang pagpapakita ng larawan ng isang tunay na mambabatas at tagapaglingkod ng mamamayang Pilipino. L. V. Villanueva

Tomasalitaan:

Ruwangan (pangngalan) – pinto

Halimbawa:

Ninakawan kami kagabi dahil hindi ko naikandado ang ruwangan.

Sanggunian:

Thomasian Who’s Who 1981 (Volume 1), Manila Bulletin Online (Oktubre 7, 2004), at www.arturotolentino.com

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.