BILANG isang respetadong pamantasan sa Filipinas, ang Unibersidad ay nagkaroon dati ng pribilehiyo na makapagpadala ng mga Tomasino para makapag-aral nang libre sa ibang bansa.

Ayon sa isang isyu ng Varsitarian noong 1934, nakatanggap ng sulat mula sa gobyerno ng Espanya si Padre Juan Labrador, O.P., dating secretary general ng UST, na nag-aanyaya sa mga Tomasino at mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas na maging “pensyonado,” o mga mag-aaral na libreng makapag-aaral sa mga kilalang unibersidad sa Espanya.

Layon ng programang ito na panatilihin ang matibay na relasyon ng Filipinas at ng Espanya.

Ang mga napiling pensyonado ay maaari kumuha ng mga piling kurso at makapag-aaral sa Espanya sa loob ng isang taon, ngunit puwedeng mapahaba ang pananatili ng isang pensyonado sa ibang bansa depende sa magiging desisyon ng isang “special committee” na nakabase sa Madrid.

Ang mga mag-aaral ay makatatanggap ng 2,000 pesetas para sa kanilang transportasyon patungong Madrid at 4,000 pesetas naman para sa kanilang magiging allowance.

Isa sa mga unibersidad na pinasukan ng mga Tomasino na pensyonado sa Espanya ang Universidad Central de Madrid.

Noong 1939, ipinanukala ni Padre Silvestre Sancho, O.P., dating rektor ng UST, ang pagkakaroon ng international exchange student program sa Unibersidad at sa Espanya.

Sa parehas na taon ay kinuha ng Vienna, Austria si Perfecto Mendoza, isang doktor at naging pensyonadong Tomasino, upang magtrabaho sa kanilang bansa at mag-aral pa upang lubusang maging dalubhasa sa larangan ng medisina.

Tomasino siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino ang isa sa mga tinitingala sa larangan ng Biochemistry sa bansa?

READ
A festival of Pinoy operas

Si Gloria de Castro-Bernas, nagtapos ng kursong BS Chemistry at ng kaniyang Master’s Degree sa UST, ay naging tagapangulo ng Department of Chemistry sa College of Science noong 1994 at kalauna’y naging dekana ng naturang kolehiyo noong 1996.

Sa ilalim ng kaniyang pamamahala unang ipinakilala sa kolehiyo ang mga kursong Applied Physics, Information Management, Computer Science at Information Technology.

Nagiging kilala siya sa kaniyang mga saliksik tungkol sa paghahanap ng molecular roots ng kanser at sa pagtuklas mga halamang gamot laban sa hypertension at kanser. Karamihan sa kaniyang mga saliksik ay nalathala sa iba’t ibang journal at conference sa loob at labas ng bansa.

Maliban sa pagiging propesor sa College of Science, Faculty of Medicine and Surgery at Graduate School, si Bernas ay naging Assistant to the Rector for Research and Development noong 2002.

Sa ilalim ng kaniyang pamamahala ay pormal na inilunsad ang research centers sa Unibersidad sa larangan ng Movement Science, Cultural Heritage, Applied Ethics, at Conceptualized Theology.

Noong 2003 hanggang 2005, siya ay naging presidente ng Philippine Society for Biochemistry and Molecular Biology at aktibong miyembro ng Organic Chemistry Teachers’ Association.

Si Bernas ay pumanaw noong 2006.

Tomasalitaan

Banggak (PNR)—nahihirapan o matagal umunawa

Hal.: Naniniwala si Gena na hindi banggak maituturing ang isang mag-aaral na patuloy na nagsusumikap intindihin ang kaniyang mga aralin.

Mga Sanggunian:

The Varsitarian: Tomo VIII, Blg. 14, Agosto 25, 1934

The Varsitarian: Tomo VIII, Blg. 15, Setyembre 8, 1934

The Varsitarian: Tomo XII, Blg. 2, Pebrero 10, 1939

The Varsitarian: Tomo XII, Blg. 15, Nobyembre 25, 1939

READ
Thomasians lead efforts to rebuild Bohol churches

Ysrael, Mafel at Sevilla, Fortunato III. Nakuha Oktubre 30, 2013 mula sa http://wwww. Psmb.org/archives/2006/InMemoriamBernas.html

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.