MAHIRAP kumain nang may galit
Pagkat nadudurog ang nginunguya
Sa nagngingitngit na damdamin.
Unti-unting pinupunit
Ng mga salita ang sariling mga labi—
Hinihiwa’t pinaghihiwalay.
Di ito titikom
At hindi magniniig.
Hindi makahihigop ng sabaw
Na kumulo sa init ng ulo,
Na hindi mapalalamig sa paghahalo
Ng nagtuturuang mga daliri.
Walang mabubusog.
Walang malulunok
Sa maaksayang mga alaala.