matatagpuan sa makasaysayang lungsod ng Maynila, may maipagmamalaking kasaysayan din ang munting ‘lungsod’ ng Intramuros. Sa loob ng mahabang panahon bago pa sumapit ang ika-19 siglo, ang Intramuros ang nagsilbing pintuan ng iba’t ibang kalakalang lokal at pandaigdigan.
“It is a reminder (Intramuros) of our identity. A mixture of what we are as Filipinos and what we were as colonial Filipinos,” ayon kay Jose Victor Torres, Senior Historic Sites Development Officer ng Intramuros Administration.
Ayon pa kay Torres na kilala rin bilang historyador at manunulat, masalimuot at mahabang proseso ang pagsasa-ayos ng mga napapabayaang makasaysayang lugar hindi lang sa loob ng Intramuros, maging sa buong bansa.
Sa Pilipinas, unti-unti nang napapabayaan ang mga lumang gusali at dating magagandang tanawin dahil sa tawag ng modernisasyon. Bilang halimbawa, binanggit ni Torres ang makasaysayang Jai Alai Building na malapit sa kinatatayuan ng Manila Zoo. Kamakailan, nabanggit sa dokumentaryo ni Howie Severino sa I-Witness ang pag-giba sa isa sa kauna-unahang sinehan sa Asya na matatagpuan sa Avenida.
Maliban sa pagsasaayos at pagpapanibagong anyo ng mga lumang gusali, hindi nakasaad sa Building Code of the Philippines (RA 6541) kung ano ang mga gusaling dapat pangalagaan at pagtuunan ng pansin sa kabila ng pagiging ’historikal’ ng mga ito. Hindi nasasakupan ng batas ang anumang gusaling naitayo bago pa nabuo ang mga pamantayang nakasaad sa batas noong 1977.
Ayon pa kay Torres, malaki ang gampanin ng mga gusaling ito upang umunlad ang kaalaman sa arkitektura at infrastrakturang Filipino.
“Preserving them means knowing how the colonials adjusted,” ani Torres. “Filipino din ang nagtayo ng mga ‘yan. Those structures are uniquely Filipinos, and adjusted for Asian use.”
Yaman ng kasaysayan
Mula sa mga nakaligtaang gusali at napabayaang mga tanawin, makikita ang natatagong kayamanan ng Pilipinas—ang turismo.
Naniniwala si Darylle Zamora, kumukuha ng kursong Turismo sa College of Education, na malaking gampanin para sa gobyerno ang pagpapanatili ng mga makasaysayang lugar na nabanggit.
“They have to do their best para ma-improve ang tourism industry,” diin ni Zamora.
Nitong mga nakaraang taon, sa pamumuno ni Manila Mayor Lito Atienza, maraming pagbabagong naganap sa kapitolyo ng Pilipinas. Mula sa Baywalk ng Roxas Boulevard, Plaza Miranda sa Quiapo, Plaza Carriedo sa C.M. Recto Avenue, at nitong huli, ang pamosong ‘Dangwa’ bilang ‘Bulaklakan ng Maynila,’ pina-igting ng lungsod ang programa nito bilang sentro ng turismo sa bansa.
“Manila is the doorway to the (Philippine) provinces and some countries,” pahayag ni Torres. “The city’s colorful past makes it an attraction.”
Sa Intramuros, itinatayang umaabot sa 10,000 ang mga bagong turistang bumibista taon-taon. Ayon kay Torres, dinadagsa ang lugar tuwing buwan ng Setyembre at Oktubre.
“Ito kasi ang peak season ng bakasyon ng mga dayuhan at field trips ng mga estudyante,” paliwag niya.
Sinang-ayunan naman ito ni Zamora.
“Nandu’n na kasi ang lahat. Parang na-travel mo na ang buong Pilipinas,” sabi niya.
Ayon sa Department of Tourism, tumaas ang bilang ng mga bumisitang dayuhan sa Pilipinas noong Pebrero. Umabot sa halos 500, 000 banyagang turista ang namasyal kumpara noong nakaraang taon na halos 300, 000 lamang.
“Malaki ang income sa tourism industry,” pahayag ni Torres. “If properly handled, it can become the number one source of income of the local government as well as in the national level,”
Hamon sa kasalukuyan
Ngunit may kabayaran ang lahat. Ayon kay Torres, hindi rin maiiwasan ang pagkakaroon ng problema kung hindi makontrol ang mga tao sa pagdagsa.
“The large influx of tourists can cause environmental destruction,” ani Torres. “You have to make your visitor realize how important the site is,”
Binigay ding halimbawa ang ang maling pagtatapon ng basura at kawalan ng kaalaman ng mga taong mismong nananatili sa lugar. Kung matatandaan, nagulat ang buong bansa nang mapabalitang tumaas ang coliform level sa paligid ng Boracay. Ang coliform level ang tumutukoy sa linis ng tubig at kung gaano karaming mikrobyo ang namumuhay dito.
“Isa sa greatest dangers sa isang historical o natural site ay ignorance. As we say, ignorance leads to destruction,” sabi ni Torres.
Sa kaso naman ng mga tao sa Maynila, wala daw gaanong naidulot na kaginhawaan ang ginawang pagsasaayos ng mga lugar sa Quiapo, bagkus nakasama pa ito, ayon kay Godo Rosario, isang kargardor sa Quiapo.
“Lalo lang gumulo at nagsikip ang mga daan,” aniya. “Madalas nananakawan pa ang mga trak,”
Sa kabilang banda, naniniwala si Torres na maraming hamon na bubunuin ang gobyerno kung nais nitong paigtingin ang turismo sa bansa. Aniya, marami pang lumang gusali at magagandang tanawin ang dapat pagtuunan ng pansin lalo na’t dumarami ang mga pabaya sa mga ito.
“But the culture and the preservation of it (culture) is way below the concern of the government.” pahayag ni Torres.
Aniya, mayroon pa ring ‘nationalists’ na mas gugustuhing gibain ang mga natitirang makasaysayang tanawin upang magbigay-daan sa modernisasyon.
“You can renovate the inside and retain the original façade,” paliwanag niya. “You don’t have to destroy the building itself, you can preserve the building and still use the inside, wala namang masama doon.”
Saksi raw ng maraming pagbabago ang mga lumang lugar at gusaling nakatayo sa palibot ng Pilipinas na matatag na nakatayo ang mga ito sa kabila ng mga dumaang bagyo, giyera, at lindol. Sa Intramuros, na minsang naging sentro ng kabihasnan, huwag na lang sanang mawala ang ‘saysay’ sa ‘makasaysayan’ nito lalo’t unti-unti nang nadidiskubre ang tunay na silbi ng munting lungsod. Emili Therese A. Malacapo