NAKATATAK na sa lahing Filipino ang maraming tradisyon at paniniwala. Tayo na yata sa buong Asya ang mayroong pinakamaraming “bakasyon.” Nasasalamin ito sa iba’t ibang kapistahan at pagdiriwang kung saan isinasantabi natin kadalasan ang mga nakagawiang gawain—isa na rito ang Pasko.
Kung papansinin, tila “araw ng pahinga” ito sa karamihan. Bukod sa summer vacation, ang panahon ng kapaskuhan ang pinaka-aantay ng marami dahil halos dalawang linggo ring pansamantalang titigil ang kanilang mga mundo.
Sa kabilang banda, batid ng karamihan na kapanganakan ni Kristo ang Pasko pero mas alam ng marami na ito’y araw ng mga regalo’t aguinaldo. Marahil pagbibigayan nga ang sinisimbulo ng Pasko, gaya ng pag-aalay ng Diyos sa kanyang sarili upang masagip tayo sa nangungumunoy na kasalanan, ngunit hindi lamang ito ang tunay na mensahe nito.
Sa mga nakalipas na linggo, maraming grupo ang nakiisa sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo. Nakatatawang isiping nagagawa lamang ito ng iba upang ipakita sa tao na “may puso at handang makiramay” ang kanilang grupo sa oras ng pangangailangan. Kaawa-awang isiping hindi man lang bukal sa kanila ang ganitong gawain, iyong tipong ginagawa nila ang isang bagay para lamang masabing nagawa nila ito.
***
Nais ko palang batiin ang mga taong kadalasang “hindi nakikita” ng mga kagaya kong “mabilis” ang mundo.
Sa mga batang Dapitan at P. Noval na saksi ang mga mata kung gaano kahirap ang mabuhay na pinagkaitan ng responsableng magulang at magrasyang kabuhayan.
Sa mga de-karitong pamilyang nananahan sa mga gilid ng Unibersidad na batid kung gaano kalamig ang gabi at kung gaano karumi ang baha tuwing babagyo.
Sa mga taong-grasang umiikot ng walang kasiguraduhan sa paligid ng UST na nananatiling mag-isa sa lahat ng panahon.
Sa mga palaboy, tambay, at kung anu ano pa, maraming salamat sa pagbibigay-inspirasyon sa akin. Kayo ang totoong pinaglaanan ng Panginoon ng Pasko.
***
Tila nagsulputan na naman ang mga “sugo.” Sa mga kapwa kong madaling mapaikot at madala ng emosyon, mag-ingat sa panahong katulad nito. Marami pa ring mga Filipino ang sinasamantala ang kahinaan ng iba, kumita lang ng salapi.
Huwag agad magpadala sa mga nagmamakaawa at nanghihingi ng tulong lalo na’t salapi ang kanilang hinihingi na mistulang negosyo ng mga mapanamantala. Nariyan ang mamimigay ng sobre, sulat, at kung anu ano pa na sinasabing para sa mga “kaawa-awa at naghihikahos.”
Kung susuriin, mas makabubuti pa ang tumulong sa ibang paraan maliban sa pagbibigay ng pera. Kung bigayan na lang ng salapi ang paraan, matututong humingi nang humingi ang mga tao at hindi na magta-trabaho pa para sa kanilang buhay.
Hindi masama ang tumulong, ngunit kailangan nating tandaan na hindi lahat ng bagay ay nadadaan sa pananalapi lamang.