ANG PAGPAPAUNLAD ng seguridad sa loob at labas ng Unibersidad ang pangunahing layunin ng kauna-unahang pagpupulong ng mga punong barangay sa distrito ng Sampaloc at administrasyon ng UST noong Peb. 19 sa UST Elementary Audio-Visual Room.
Tinalakay sa pagpupulong ang mga hakbanging naisagawa na ng mga opisyal ng barangay upang makatulong sa pag-aalaga ng kapakanan ng mga mag-aaral sa UST.
Ayon kay chairman Dupont Aseron ng Barangay 470, marami nang miyembro ng “agaw-cell phone gang” sa kanilang barangay ang kanilang nadala sa pulisya. Mga dayo sa kanilang lugar ang karamihan sa mga ito.
Subalit pagkaraan ng ilang araw, muling magbabalik ang mga ito sa kanilang gawain sapagkat wala namang Tomasino ang nagsasampa ng kaso laban sa mga ito. Ginagamit na ebidensya ng mga pulis ang cell phone ng biktima kaya’t wala nang nagnanais na ituloy pa ang pagsasampa ng kaso.
Hiniling ni Aseron sa administrasyon ng UST na himukin ang mga Tomasino na magsampa ng kaso laban sa mga mang-aagaw ng cell phone upang matigil na ang nakawan.
Sinabi ni Dr. Evelyn Songco, namamahala sa Office for Student Affairs, na hindi sila nagkukulang ng pagpapaalala sa mga mag-aaral tungkol sa responsableng paggamit ng cell phone tulad ng hindi paggamit nito sa lansangan o sa mataong lugar.
Ibinalita naman ni Inspector Ayo ng University Belt Area na naging epektibo ang pagdaragdag ng mga pulis sa paligid ng kampus ng UST. Aniya, tila natakot ang mga masasamang loob na gumawa ng karahasan dito dahil sa dagdag na mga pulis.
Ayon kay Vice Rector for Finance P. Roberto Pinto, O.P., naging malaking tulong din ang pagsasaayos ng sidewalk at pagdaragdag ng poste ng ilaw sa A. H. Lacson St. Dahil sa pagsasaayos, hindi na ito tambayan ng mga call boy at masasamang loob tuwing gabi.
Kinuwestiyon naman ni P. Pinto ang legalidad ng pagpaparada ng mga PVP Liner Bus sa P. Noval. Sinabi niyang nakaiistorbo ang ingay na dulot ng mga ito sa mga klaseng ginaganap sa Beato Angelico Building.
Bilang sagot dito, sinabi ni Benjamin Kalaw, punong barangay ng Brgy. 466, na mayroong pahintulot ang kumpanya ng PVP Liner sa paggamit ng lugar bilang parking area. Idinagdag pa niya na tuwing umaga lamang pinahihintulutang pumarada ang mga bus dito. Hiniling ni P. Pinto na ipakita ang permiso sa kanila subalit wala itong maipakita sa oras na iyon.
Ipinagbigay-alam din ng mga punong barangay ang kanilang kahilingan sa City Hall ng Maynila na magtayo ng police outposts sa ibaba ng España overpass at sa silungang bayan sa A.H. Lacson malapit sa lagusan ng UST Hospital. Makatutulong ang mga ito upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa paligid ng UST. Kaugnay nito, hiniling ng mga kagawad ang suporta ng administrasyon ng UST upang mapadali ang pagpapatupad ng proyektong ito.
Samantala, wala namang magawa ang mga opisyal ng barangay sa mga batang lansangan na nagkalat sa paligid ng UST. Ayon sa kanila, ang Department of Social Welfare and Development ang siyang dapat na makialam sa isyung ito. Girard R. Carbonell