MATAPOS pahintulutan ni Rector P. Tamerlane Lana, O.P. na mag-enrol ang isang estudyanteng na-debar, nagbitiw sa kanyang tungkulin si Dean Luis Ferrer ng College of Architecture (CA)

Sa isang panayam ng Varsitarian, sinabi ng pangulo ng CA Faculty Council (CAFC) na si Arch. John Joseph Fernandez na pagkatapos ma-debar ang estudyante, pinalitan ng incomplete ang isang marka niya.

Nakapagtala na ng kabuuang siyam na units na bagsak bago pinalitan ang grado ng estudyante at payagan itong mag-enrol.

Ayon kay Fernandez, maanomalya ang pagpapalit ng grado. Dahil dito, hindi pinayagan ni Ferrer ang hiling ng propesor na palitan ng incomplete ang gradong 5.0.

“Nag-submit ng request for change of grade ‘yung professor (pero tinanggihan) ni Arch. Ferrer because the circumstances for the change of grade was believed to be anomalous,” wika ni Fernandez.

Sinubukang kapanayamin ng Varsitarian ang nabanggit na propesor ngunit tumanggi siyang magbigay ng pahayag.

Sinabi ni Fernandez na bumagsak ang naturang estudyante dahil hindi ito nakapagpasa ng plates noong Marso. Noong Hunyo lamang nalaman ng propesor na nagpasa pala ang estudyante kaya hindi dapat 5.0 ang marka nito.

Ayon pa rin kay Fernandez, ipinasa diumano ng estudyante ang kanyang plates sa bahay ng propesor kung saan tinanggap ito ng katulong at inilagay na lamang kung saan-saan kaya hindi ito nakita ng propesor.

Hindi makapaniwala si Fernandez na tatlong buwan ang lumipas bago natagpuan ng guro ang mga plates.

Sinabi ni Fernandez na dumulog ang mga magulang ng estudyante kay P. Rodel Aligan, O. P., Secretary General ng UST, matapos tanggihan ni Ferrer ang pagpapalit ng grado.

READ
High school grades required again to qualify for USTET

Nakakuha rin ang estudyante ng kopya ng bagong class record, kung saan binago ng guro ang naunang grado ng estudyante upang ito ay makapasa, at ipinakita ito kay P. Aligan.

Dahil dito, sinulatan ni Aligan si Ferrer at pinayagan nang mag-enrol ang estudyante.

“(Pero) hindi alam ni Fr. Aligan na mayroon palang second (class record). (Kaya) nag-usap sila ni Architect Ferrer (who showed) there was an original, that there was a change of grade. (Kaya) may sulat si P. Aligan withdrawing that letter na sinabi niyang (puwede nang mag-enrol yung estudyante),” wika ni Fernandez.

Sinabi rin ni Fernandez na kinausap din ng magulang ng estudyante si P. Lana tungkol sa problema. Pinayagan naman ni Lana na mag-enrol ang estudyante.

Dahil pinayagang mag-enrol ang estudyante, pinahayag ni Ferrer ang kanyang pagbibitiw.

Dahil sa isang buwang palugit, nakatakdang magsimula ang pagbibitiw ni Ferrer noong Agosto 28.

Nang kapanayamin ng Varsitarian ang naturang estudyante, sinabi niyang nagpasa siya ng kanyang plates. Ngunit isinumite niya ang mga ito sa bahay ng propesor kung saan ang katulong lamang nito ang nakatanggap.

Ayon sa Section 3, Article 8 of the Faculty Code, ang bawat miyembro ng fakultad, ayon sa mga patakaran at pamantayan ng fakultad, kolehiyo, o eskuwelahan, lamang ang may kapangyarihang tumukoy ng katayuang akademiko ng mga estudyanteng hinahawakan niya sa asignaturang tinuturo niya.

Nakasaad din sa Faculty Code, “The Dean, however, retains the right to require faculty members to account for reasons and bases considered in arriving at the academic standing of a student and if, in his judgment an error has been committed in such determination, he may take such action as may be appropriate in the premises.”

READ
Halamang lunas sa kanser, matatagpuan sa Unibersidad

Ayon kay Fernandez, pinalitan pa rin ng naturang propesor ang grado ng estudyante kahit hindi inindorso ni Ferrer ang pagpapalit ng grado.

Ipinaliwanag ni Fernandez na kapag pinasa ng propesor ang mga grado sa opisina ng dekano, kailangan din niyang ipasa ang orihinal na class record at dalhin ang mga class card.

“But then, (what the professor did) to change the grade of the student (was) he came again with a new class record with the grade of the student (replaced) from 5 (to) incomplete,” dagdag pa ni Fernandez.

Idinagdag ni Fernandez na kasalukuyan nang iniimbestigahan ng faculty council ang kaso. Binubuo ang naturang council ng limang miyembro––ang dekano, pangalawang dekano, rehente, at dalawang dating dekano ng kolehiyo. Ngunit, dahil hindi na kasama ang dekano sa pag-iimbestiga, kinuha ng kalihim ng kolehiyo ang puwesto niya.

Pinagawa rin ang estudyante ng isang waiver na nagsasaad na sasang-ayon siya sa magiging desisyon ng nabanggit na council. Nakasaad sa waiver na kapag napatunayang walang batayan ang pagpalit ng kanyang grado, mawawala ang kanyang katayuan bilang estudyante ng unibersidad at siya na mismo ang kusang-loob na aalis at hahanap ng ibang pamantasang malilipatan.

Sinabi rin ni Fernandez na nagpatawag ng pagpupulong si P. Lana sa pagitan niya at ng CAFC upang ipaliwanag ang kanyang desisyon.

Sa pagpupulong na ito, ipinaliwanag ni Lana na wala silang pinanghahawakang ebidensiya na magpapatunay na maanomalya nga ang pagpapalit ng grado. Dahil dito, mas makabubuti na hintayin na lamang ang resulta ng imbestigasyon bago gumawa ng desisyon. Sa ngayon, pansamantala munang hahayaang makapag-enrol ang estudyante.

READ
Guwardiya, pinatalsik dahil sa sexual harassment

Idinagdag ni Fernandez na sinulatan ni P. Lana si Ferrer upang sa kanya na isaalang-alang ang kanyang pagbibitiw. Sinagot naman ito ni Ferrer at sinabi nitong pinag-iisipan niya ang kanyang pagbibitiw.

Ayon kay Fernandez, nagpakita ng mga positibong senyales na magbabalik si Ferrer noong huli nilang pag-uusap. Ayon pa sa kanya, kahit na hindi diretsahang sinabi ni Ferrer na babalik siya, sinabi ni Ferrer na nanatili pa ring bukas ang kanyang mga opsiyon at nakadepende sa magiging desisyon ng council ang pagbabalik niya.

“We don’t want to lose a good man who has implemented a lot of positive changes since taking over as dean,” wika ni Fernandez.

Samantala, isang prayer rally ang isinagawa ng mga mag-aaral ng kolehiyo noong Agosto 24, sa pamumuno ng CA Student Council (CASC), upang ipanalangin ang pag-reconsider ni Ferrer sa kanyang pagbibitiw.

“We are not against Fr. Lana’s (decision). We just want to show our support (for Dean Ferrer) and hope we can sway (him to reconsider his resignation),” wika ni Mona Liza Lim, pangulo ng CASC.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.