KATATAWANAN.

Sa gitna ng pambubulabog ni Kadaffi Janjalani sa Kamindanawan, pagsisimula ng kasong “The People vs Joseph Ejercito Estrada” (aba, pelikulang epic proportion ang dating, ha.), at nakasusuyang tonong monotone ng Pangulong Macapagal sa telebisyon at radyo, mayroon at mayroon talagang “suwang” na mga isyu na biglang magiging usap-usapan.

Kagaya na lang marahil ng kahindik-hindik na reaksyon ng konseho ng Lungsod ng General Santos, Timog Cotabato, sa katawa-tawang TV ad ng Joy bathroom tissue.

Nagpakita ang commercial ng isang babaeng bumaba ng bus upang tugunan ang tawag ng kalikasan, sa saliw ng isang awiting may mga linyang “sa bukid walang papel, ikiskis mo sa pilapil.” Parang masakit, ngunit nanikit ito sa isipan ng mga manonood.

Galit na galit ang mga taga-Gen San.

Sa isang ulat mula sa Inquirer, nagsampa ng petisyon ang konseho upang pigilin ang pagpapalabas ng commercial na ito. Anila, ito’y “offensive, insulting and degrading to Filipino women.” Hiniling din nila ang pagpipigil sa paglalako ng tissue.

Sinagot naman ang kanilang mga paratang ng isang pangkat mulsa sa malayong Baguio. Ang siste umano: natatabunan ng mga reaksyong ito ang mga tunay na mga isyung totoong bumabagabag sa mga kababaihang Pilipino, tulad ng panggagahasa, prostitusyon, at maling mga paniniwala ukol sa kalahi ni Eba.

* * *

Tumpak. Kataka-takang di napansin ng mga konsehal ang iba pang mga commercial na totoong nagbibigay ng mga maling impresyon, at nagiging daan ng eksploytasyon ng mga kababaihan. Hunuhubdan sila upang ipakita kung papaanong magiging makintab ang buhok sa mga bagong labas na shampoo. May mga nagpapakita rin ng mga kababaihan sa anyong alipin ng sensualidad, habang nakikipaglampungan sa kanyang kasuyo sa isang hagdan (ang kataka-taka, ipinakikita lamang na lumambot ang buhok nila).

READ
Easier Net access assured

* * *

“Lahat ng panahon ay hindi panahon ng mga takot at pagtitimpi, lahat ng panahon ay panahon ng pagpapasya.” —Lualhati Bautista sa Bata, bata…Pa’no ka ginawa?

* * *

May mga panahong tinatapos ng manlalakbay ang ilang paglalayag. Sa kanyang pagtalunton sa iba’t ibang hapila ng paglalakbay, nakatatawag pansin ang mga sarikulay sa paligid. Tinatawag ng mga sarikulay ang manlalakbay patungo sa kung saan may ginintuang liwanag. Ang bawat paghakbang ay sagisag ng bawat pagpapasya. Wala nang pagtitimpi, pag-aalinlangan. Ngayon na ang panahon. Ngayon. Ngayon na ang pagbabalik-sarili.

* * *

Sa salita, sa wika. Mas malaki ang kasalanan ko sa dalawang ito. Papaano’y muntikan ko nang iniwan ang bawat salita at bawat hininga ng wikang halos naging bahagi ng panulat sa halos dalawa at kalahating taon. Ang siyang salita, siyang wika na di nagtaksil kailanman sa malikhaing paglalakbay na ito.

Ngunit heto na akong nagbabalik, sa mga sarikulay ng mga pagbabago. Mukhang wala munang signing off sa pagsusulat sa Filipino. Mabuti ngang sundin ang mga paham. Kakaunti na nga lang naman ang nagsusulat sa Filipino. Wala nang dahilan para lumisan sapagkat ngayon ako mas kailangan.

***

Ipinagpapaumanhin ng Varsitarian ang ilang pagkakamali sa saling tula ni “kapatid” Raymund Magno Garlitos (Pag-ibig sa Guatemala, p. 22, ika-11 isyu ng Varsitarian). Personal kaming sinadya ng premyado ng Gawad Palanca upang idulog ang kanyang kaso. Ayon umano sa mga nakabasa, nagmukha raw text message ang ilang bahagi ng tula. Hindi tulad ng iba, madaling nakaunawa si Randy sa paliwanag. Muli, ang aming pagpapapumanhin.

* * *

Inaanyayahan ang lahat na lumahok sa Ika-17 Taunang Gawad Ustetika para sa Panitikan. Maaring sumali ang mga Tomasinong manunulat sa mga kategoryang Katha, Kathang Pambata, Tula, Sanaysay at Dulang may-iisang yugto, sa Filipino at Ingles. Ang huling araw ng pagpapasa ng mga lahok ay sa Oktubre 15. Para sa iba pang impormasyon at entry form, magsadya lamang sa opisina ng Varsitarian. Huwag nang mahuli, o magpapahuli.

READ
GMA cites importance of skilled professionals

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.