MULI’Y nais naming ipauna ito: Pinasasalamatan ng Varsitarian ang dalawang patnugot ng aming edisyong Filipino, sina Prop. Michael Coroza at Prop. Reynaldo Candido. Maraming salamat po sa inyong patuloy na pagsuporta at pagtulong upang mapaunlad ang wika!

* * *

May ilang kamatayang kinakaharap ang bawat pag-iral. Ang bawat trahedya, panginorin, o mga pangyayaring lumalapag sa daigdig, maging ang mga taong nakakadaupang-palad, ang kanilang pagdako, at ang kanilang paglisan ay mitsa ng sari-saring kamatayan na dinaraanan ng sarili upang maging ganap, maging buo. Nagdadala ng ibayong katahimikan ang kamatayan. Sa tuwing dumadalaw ito, nagliliwanag ang daan patungo sa hantungan ng kamalayan. Kabalintunaan ma’y nababasag ang katahimikan, at sumasabog sa hangin ang pagkamalikhain . Masarap sungkitin ang mga tulang isinisilang sa bawat kamatayan.

* * *

Kinabukasan, matapos ang trahedya sa New York at Washington sa Estados Unidos, namangha ako sa banner photo ng Inquirer. Papaano’y nasabi kong ito ang pinakamagandang larawan na nailabas ng pahayagan mula nang una akong makakuha ng kopya nito. Isa iyong larawang kuha yata ng Associated Press o Agence France Presse sa Manhattan habang tila sulo ng Statue of Liberty ang dalawang naglalagablab na tore ng World Trade Center (WTC). Payapang-payapa ang ng larawan maliban sa WTC. Buong-buo ang mga kulay nitong nag-aanyaya ng paglubog ng araw. “Maganda,” wika ko, nang ipakita sa isang kasama. Ngunit patuloy akong binabagabag ng kanyang isinagot: “Ano naman ang maganda sa larawan ng trahedya?”

* * *

Hindi rin masasabi ng makata kung talaga ngang malungkot ang landas ng paglikha ng isang tula. Maaring sabihing depende ito sa uri ng nilalakbay ng tula habang patungo ito sa kaganapan. Sabi nga ni Danton Remoto, malungkot ang landasing tinatahak ng mga manunulat. Subalit walang ibang landas na patutunguhan kundi ang kalungkutang ito. Mahihinuha dito na ang mismong pagsusulat ay isang “malungkot na landas.” Sa kahit anong paglalakbay sa pagsulat, maari sa isang tula, kinakailangan ng makatang mapag-isa upang makapag-isip, makapagbulay-bulay. Paminsan-minsan, kinakailangan niyang humiwalay mula sa sarili, sa daigdig na ginagalawan, sa mundo kung saan siya umiiral, sapagkat umiiral at nananahan ang hiwaga ng tula sa paghihiwalay (detachment). Ang paglikha ng mga taludtod, ang pag-angkin ng mga talinghaga ay paglalakbay sa mga katalogo ng sarili sa dito-at-ngayon, sa dito-at-noon, sa dito-at-hinaharap at sa dako paroon-at-hanggang magpakailanman. At madalas, sa paghihiwalay at pagsasarili, lalo sa pananahimik nahahanap, nasisilo ang banal at kung minsa’y karnal na tula. Ang katahimikan upang makalikha ay ritwal ng kalungkutan. Pananalangin ito upang bumukal ang kaliwanagan.

READ
'Skills' save some professors from 'No MA, no teaching load' rule

* * *

Nawawaglit ang aking sarili sa tuwing lumalapit at dumarating ang pagdiriwang sa ng aking kaarawan. Sa mga panahong ganito’y mas nanaisin ko pang balikang-tanaw ang kamusmusang matagal nang iniwan. O maaring naiwan. Kung minsa’y nanunumbat ito at nagiging daan upang maligalig ako.

Sa tuwing iisipin kong hindi ko na naman ito ipagdiriwang sa aking tahanan, mas hinahanap-hanap ko ang kamusmusang nagbabalik lamang sa tuwing ako’y nananahan sa bahay na ipinundar ng aking mga magulang. Nakalulungkot na halos dalawang lingo na rin pala akong di gaanong nakauuwi sa aming bahay dahil sa patung-patong na responsibilidad na kailangang harapin, tulad ng mga proyekto at maging kamatayan. At sabi ko nga, mukhang sa daan na naman ako magdiriwang ng kaarawan (sa lakaran, bakasyon). Papaano na ngayon ang muling pagbabalik sa kamusmusan? Ang kabataan, saan ko hahanapin, bukod sa tahanang nag-uumapaw sa mga alaala? At kung makakamit mang muli ang kamusmusan, puspos pa rin ang paghahanap. Saan hihimpil ang kaluluwang ito gayong di makalikha ang gunita? Saan…Saan…Saan… Walang himig na nakangangaligkig. Walang mga lobo, walang keyk. Walang masasarap na mga pagkain. Wala akong maaninag na mga batang nagtatakbuhan. Walang umaawit ng “Happy birthday to you,” kahit pa sintonado. Payak na payak ang pagsilip sa gunita.

Kamatayan din kaya ang pagdagdag ng isa pang taon sa ating edad?

* * *

Kay Ina, salamat sa buhay na ito, kahit puno ito ng sari-saring kamatayan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.