KINILALA ang isang Tomasino bilang isa sa sampung Outstanding Teachers ng Metrobank Foundation Inc. para sa kaniyang kontribusyon sa larangan ng biology.

Si Thomas Edison de la Cruz, propesor, tagapangulo ng Department of Biological Sciences ng College of Science at isang mananaliksik mula sa Research Center for Natural and Applied Sciences (RCNAS), ay isa sa mga nagwagi para sa Higher Education category, kasama si Analyn Salvador-Amores ng University of the Philippines-Baguio.

Taxonomy ang pangunahing interes ni de la Cruz na kaniyang nakuha noong nag-aaral siya sa Braunschweig University of Technology sa Alemanya para sa kaniyang doktorado noong 2006. Tumatalakay ang disiplina sa pagkilala ng mga uri at klase ng hayop at halaman.

Pinagtutuunan ng pansin ni de la Cruz ang fungal taxonomy, o ang pagkakaiba-iba ng mga fungi at paghahanap ng bagong species nito, dahil kakaunti lamang ang nagpapakadalubhasa sa larangang ito sa bansa.

“Gusto naming malaman ang mga klase ng fungi na mayroon tayo at kung maaari, maghanap ng mga bagong species nito dahil mga yaman itong dapat ingatan,” aniya.

Dedikasyon sa larangan

Binanggit ni de la Cruz na bagaman marami na siyang natanggap na parangal, ang kaniyang hilig at pagmamahal sa pananaliksik ang naghihikayat sa kanya na pagbutihin pa lalo ang trabaho bilang isang siyentipiko.

“Ito ang nag-uudyok sa akin, kapag gumagawa ako ng pananaliksik, dahil gusto ko talaga itong gawin. Ang mahalaga, gusto at mahal natin ang ginagawa natin,” ani de la Cruz.

Naniniwala ang propesor na ang pagmamahal sa gawain ang magsisilbing unang hakbang upang maging matagumpay ang sinuman sa kahit anong karera.

READ
Imahen ng Santo Niño de Cebu, bumisita sa Maynila

“Mahirap harapin ang mga pagsubok,” aniya. “Kung mahal mo talaga ang ginagawa mo, susunod na ang lahat.”

Sasama si de la Cruz sa hanay ng higit na 300 guro na binigyang parangal ng Metrobank Foundation Inc. mula 1985, matapos na mapili mula sa higit 400 na nominado.

Ayon sa Facebook PAHINA ng Metrobank Foundation Inc., tatanggap ng P500,000 ang pinanggalingang paaralan, at ang guro ng tropeo at plaque. Gaganapin ang seremonya ng pagpaparangal sa ika-3 ng Setyembre.

Nabigyang-parangal din si de la Cruz noong nakaraang taon ng National Academy of Science and Technology-The World Academy of Sciences (NAST-TWAS) Prize for Young Scientists in Biology para sa kaniyang pag-aaral ng biodiversity at ecological patterns ng mga fungus katulad ng marine at mangrove fungi, endophages, macrofungi at fruticose lichens.

Bukod pa rito, itinanghal din siyang Outstanding Young Scientist noong 2012 para sa disiplinang mycology, o ang pag-aaral ng mga fungi.

Isang advisory body ng Department of Science and Technology ang NAST na kumikilala sa mga siyentipikong Filipino at ang kanilang mga naitulong sa iba’t ibang larangan ng agham, habang layunin naman ng TWAS ang maitaguyod ang pagbabago at pag-usbong ng agham at teknolohiya sa pamamagitan ng pagpaparangal at pagkakaloob ng research grants sa mga miyembro mula sa iba’t-ibang bansa.

Iginagawad ang NAST-TWAS Prize for Young Scientists taun-taon para sa mga mananaliksik na nakapagbigay ng mga kontribusyon sa iba’t ibang larangan tulad ng biology, chemistry, mathematics at physics.

Si de la Cruz ay isang propesor sa College of Science kung saan din niya natapos ang kaniyang bachelor’s degree sa larangan ng microbiology noong 1996. Sa Unibersidad din niya nakuha ang kaniyang master’s degree noong 1999. Kimberly Joy V. Naparan at Rhenn Anthony S. Taguiam

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.