MULA sa tatlong binhing kurso, ang Unibersidad ay lumago.
Ang mga kursong Theology, Arts, at Philosophy bilang unang mga kurso, binuksan ng Unibersidad noong Setyembre 1734—123 taon makalipas ang pagkakatatag ng Unibersidad—ang dalawang fakultad: ang Faculty of Canon Law at Faculty of Civil Law.
Ayon kay Fr. Angel Aparicio, O.P., prefect of libraries ng Unibersidad, ang mga nabanggit na kurso ay tiyak na mga kursong naunang inialok ng Unibersidad sa Pilipinas lamang dahil UST ang tanging unibersidad noon sa bansa.
Noong Setyembre 1871, nagsimulang ialok ng Unibersidad ang dalawa pang fakultad—ang Faculty of Medicine and Surgery at ang Faculty of Pharmacy.
Taong 1896, patuloy na lumalaki ang komunidad ng mga Tomasino sa pagkakatatag ng Faculty of Science (ngayo’y Faculty of Engineering) at Faculty of Philosophy and Letters (ngayo’y Faculty of Arts and Letters).
Sa loob ng mga taong 1916 hanggang 1920, naitalang may halos 703 na mag-aaral at 83 na propesor sa naturang pitong fakultad na binuksan ng Unibersidad.
Sa kabila ng mga matatatag na mga fakultad na ito, mayroong iilang kurso ang hindi na nasilayan ang ika-400 na taon ng Unibersidad.
Taong 1890, ang Unibersidad ay nagsimulang mag-alok ng short courses gaya ng Medical Aide, Surgery Aide, Pharmacy Aide, Title of Land Surveyor, Title of Land Assessor, at Book Keeping Expert. Lahat ay sinara noong 1914.
Taong 1904 naman ay binuksan ang School of Dentistry ngunit natigil matapos ang pitong taon. Muli itong nabuksan noong 1965, na natigil din sa sumunod na taon at hindi na muling nabuksan pa.
Ayon kay Norberto de Ramos sa aklat na I Walked with Twelve UST Rectors, ang pagbubukas, pagsasara, at patuloy na pagdami ng mga kurso sa Unibersidad ay sanhi ng public demand.
Sa kasalukuyan, ang kampus ng UST ay nagbabahay ng 20 fakultad at kolehiyo, kabilang ang dalawang paaralang sekondarya—Faculty of Civil Law, Faculty of Medicine and Surgery, Faculty of Pharmacy, Faculty of Arts and Letters, Faculty of Engineering, College of Education, College of Science, College of Architecture, College of Commerce and Business Administration, College of Nursing, College of Rehabilitation Sciences, College of Fine Arts and Design, AMV- College of Accountancy, College of Tourism and Hospitality Management, Conservatory of Music, Institute of Physical Education and Athletics, Institute of Religion, at Graduate School.
Tomasino siya
Alam n’yo bang isang Tomasino ang tagapagtatag ng isang thrift bank na nagbibigay serbisyo sa mga maliliit na negosyo sa probinsya?
Si Josephine Ty-Chua, nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Commerce Major in Banking and Finance taong 1960, ay ang tagapagtatag ng Century Savings Bank, na tumutugon sa mga pangangailangan ng small-time businessmen.
Bago naitatag ni Chua ang naturang bangko, nagsilbi muna siyang senior clerk sa Metrobank hanggang sa mahirang na kauna-unahang bise-presidente ng kompanya noong 1988.
Kasama ang kaniyang asawang si Gabriel Chua, itinatag nila ang Legaspi Import and Export Corporation, ang pinakamalaking operator sa bansa ng storage tank-farm facilities para sa industrial chemicals.
Sa kabila ng kaniyang tagumpay, likas kay Chua ang pagkakawanggawa. Si Chua ang tagapagtatag at pangulo ng Michael Ty-Chua Foundation, at direktor ng Norberto and Tytana Ty Foundation.
Kilala rin si Chua sa pagbubukas-palad sa UST Research and Endowment Foundation, Inc., UST Commerce Alumni Foundation, at iba pang scholarship programs.
Si Chua ay nagkamit ng parangal bilang Most Outstanding Alumna in Commerce noong 2010 at Quadricentennial Award for Exemplary Service to the University sa sumunod na taon.
Itinuturo ni Chua ang mabuting kalidad ng kaniyang edukasyon bilang sikreto ng kaniyang tagumpay. Jonah Mary T. Mutuc
Tomasalitaan
Linggatong (png)—agam-agam, gulo
Hal.: Kitang-kitang ang linggatong sa kaniyang mga mata habang pinagmamasdan ang mga pulubing pinaghahatian ang tira niyang pagkain.
Sanggunian:
De Ramos, N. R. (2000). I Walked With 12 Rectors. Quezon City, Metro Manila, Philippines : A.G. Ablaza and C. de Ramos Ablaza.
TOTAL The Outstanding Thomasian Alumni Awards. (31 March 2012). Josephine T. Ty-Chua, p. 12.