Kaya ng katawan ng tao na pagalingin ang sarili. Ito ang nangingibabaw na konsepto sa lahat ng uri ng alternatibong medisina, isang lumalaganap na pamamaraan ng panggagamot sa panahong patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa botika at sinasaklaw na pagpili ng mga natural na pamamaraan ng panggagamot na naiiba sa conventional o western medicine.
Ayon kay Dr. Maria Minerva Calimag ng Department of Pharmacology ng Faculty of Medicine and Surgery, kung nakatuon ang western medicine sa mga bagay-bagay na panlabas na pinagmumulan ng mga sintomas ng sakit, nakapokus naman ang alternatibong medisina sa pagbabalanse ng enerhiya – pisikal, mental, sosyal, at ispiritwal na kalusugan ng loob ng katawan.
Naisabatas noong 1997 ang Republic Act 8423 o ang “Traditional and Alternative Medicine Act” ni Senador Juan Flavier, na bumuo sa Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care (PITAHC), ang pangunahing government-owned and controlled corporation na tumutugon sa mga pangkalusugang pangangailangan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng alternative o traditional health care na mga produkto, serbisyo, at teknolohiya na napatunayang ligtas, epektibo, at abot-kaya. Kabilang dito ang herbal medicine, biomedicine, traditional chinese medicine, ayurveda, at iridology.
Herbal medicine
Inalabas ng PITAHC noong 2000 ang 10 halamang gamot na iniindorso ng Kagawaran ng Kalusugan, kasama ang: yerba buena (mint) para sa pananakit ng iba’t-ibang bahagi ng katawan; tsaang gubat para sa pananakit ng tiyan; niyug-niyogan para sa bulateng askaris; bawang para sa pagpapababa ng kolesterol; acapulco para sa fungi; bayabas para sa paglilinis ng sugat o impeksyon; lagundi para sa hika o ubo; sambong para sa manas; at pagtunaw ng bato at ulasimang bato (pansit-pansitan) para sa pagpapababa ng uric acid sa dugo. Iniinom ang nilagang dahon ng karamihan sa mga halamang nabanggit samantalang itinatapal sa apektadong bahagi ng katawan ang dinikdik na dahon ng iba.
Bilang tugon sa panawagan ng pamahalaan na paunlarin ang mga gawang Pilipino, masusing pinag-aralan ng Department of Pharmacology ng Unibersidad ang ilang halamang gamot gaya ng lagundi, pansit-pansitan at sambong. Kanilang napatunayan na mayaman sa natural na pharmacological agents ang plant kingdom.
Ayon kay Dr. Calimag, kailangan pa ring maging maingat sa pag-inom ng mga natural na gamot. Maaring maging lason ang halaman kapag sumobra o di tama ang paggamit.
Traditional Chinese Medicine (TCM)
Ang TCM ay base sa mga pamamaraang medikal ng mga Tsino may 2500 taon na ang nakararaan. Binubuo ito ng acupuncture, oriental medicine, tai chi, at qiqong. Pangunahing layunin ng TCM na makontrol ang daloy ng enerhiya ng buhay na tinatawag na qi. Sa di nakikitang jing luo o meridian dumadaloy ang qi. Mayroong 12 pangunahing meridians, anim na yin, at anim na yang na tumutukoy sa baga, bato, gall bladder, tiyan, spleen, puso, bituka, urinary bladder, sin jiao (three heater) at pericardium.
Sa acupuncture, itinutusok ang mga pinong-pinong karayom sa mga acupuncture points upang makatulong balansehin ang qi. Napatunayang epektibo ang pamamaraang ito para maibsan ang matagal nang hindi gumagaling na pananakit o chronic pains.
Isa namang modernong pagsasagawa ng acupuncture ang Automatic Reflective Diagnostic Kinetics (ARDK).
Ayon kay Dr. Delia Maceda-Patawaran ng Biomedicine Prevention and Healing Center, isang internet-based software ration machine ang ARDK na gumagamit ng sensors upang malaman ang mga organ na may mahinang enerhiya na kahit bata ay maaaring sumailalim.
Biomedicine
Ayon kay Dr. Patawaran, ang biological medicine (biomedicine) ang unang sangay ng alternatibong medisina na nakilala sa Europa. Kilala ito bilang nutritional at environmental medicine sa ibang bansa. Sa pagsasailalim sa biomedicine, naiiwasan ang pagkakaroon ng sakit na dulot ng paglanghap ng toxins mula sa kapaligiran at nutritional deficiency.
Katulad sa acupuncture, naniniwala ang biomedicine na mayroong meridian o energy channel sa katawan ng tao na maaring masukat upang malaman kung may abnormalidad. Sinusukat ang energy level ng pasyente gamit ang isang energy-based machine at sinusuri ang mga bahaging may mataas o mababang enerhiya. Iwawasto ang mga imbalance na ito sa pamamagitan ng pag-inom ng mga detoxifying natural products at immune boosters. Nakatutulong ang mga nasabing natural food supplements na sinang-ayunan ng Bureau of Food and Drugs.
Isa pang pamamaraan sa biomedicine ang live blood analysis. Ito naman ang pag-aaral ng kondisyon ng mga red blood cells upang malaman ang estado ng buong katawan mula sa isang patak ng dugo. Ayon sa mga live blood analysis practitioners, natutukoy ng pagsusuring ito ang mga kakulangan sa bitamina at mineral, toxicity, posibilidad ng allergy, excess fat circulation, kondisyon ng atay, at arteriosclerosis o ang pamumuo ng taba sa daluyan ng dugo. Ang mga resulta ang siyang ginagawang basehan sa pagrerekomenda ng mga nutrional supplements.
Ayurveda
Marahil isa sa pinakamatandang sistema ng medisina sa mundo ang ayurveda. Ibinabahagi nito na nagmumula ang tamang kalusugan sa isang balanseng isip, katawan at espiritu. Kapag may sakit, nirerekomenda ang kombinasyon ng halamang gamot, mga pagbabago sa diyeta, meditasyon, detoksipikasyon, yoga, at dasal.
Ayon sa mga tagapagtaguyod ng ayurveda, nagtataglay ang tao ng limang elemento: lupa, hangin, apoy, tubig, at kalawakan. Ang kombinasyon ng ilan sa mga elementong ito ang bumubuo sa tatlong dosha. Binubuo ng apoy ang pitta, na nauugnay sa mga prosesong metaboliko katulad ng pagtunaw ng pagkain. Binubuo naman ng lupa at hangin ang vata, na tumutukoy sa galaw, samantalang binubuo ng lupa at tubig ang kapha, na nauugnay sa istraktura ng katawan.
May paniniwala sa konseptong ito na dulot ng imbalance sa isa o higit pang dosha ang pagkakasakit. Sanhi raw ito ng akumulasyon ng toxins sa katawan at isip. Nalalaman ang imbalance sa pamamagitan ng mga pulsong tumutukoy sa iba’t ibang internal organs. Mayroon nang mga pag-aaral na magpapatunay na may mas mababang posibilidad na magkaroon ng mataas na presyon, mataas na kolesterol, stress, at iba pang sakit ng mga taong sumasailalim sa ayurvedic therapy.
Iridology
Batay sa konseptong ito, salamin ang mata hindi lamang sa katauhan bagkus sakop na rin ang kalusugan ng tao. Isa ang iridology sa mga pinakaaktibong pamamaraan ng alternatibong medisina sa bansa, dulot na rin ng komersyalisasyon. Sinusuri nito ang iris na nag-uugnay umano sa lahat ng bahagi ng katawan upang malaman ang mga mahihinang bahagi nito na may potensyal na magdulot ng malubhang sakit. Natutukoy rin umano ang mga namamanang sakit at subconscious tensions ng isang tao.
Kinukunan ng iridologist ng ritrato ang iris gamit ang isang espesyal na kamera para mahanap ang anumang marka sa iris na magpapakita ng namumuong sakit o sintomas ng toxin build-up sa katawan.
Upang maagapan ang sakit bago ito lumala, ipinapayo ng mga iridologist ang pag-inom ng mga natural na gamot, bitamina, at mineral.
Sa pagdaan ng mga taon, may 20 bersyon ng iridology eye chart na ang nagpasalin-salin. Inulan ng mga tanong ang iridology ng mga mediko sa kadahilanang nabuo ito sa Europa kung saan asul ang mata ng mga tao at maaring hindi akma sa mga lahing may ibang kulay na mga mata.
Ayon sa Asian Community AIDS Service, isang organisasyong tumutulong sa mga Asyanong may HIV/AIDS na nakabase sa Canada, hindi pamalit ang alternatibong medisina sa conventional o western medicine. Hindi pa rin mapapantayan ang kahalagahan ng conventional medicine lalo na sa mga emergency cases na nangangailangan ng komprehensibo at malalim na gamutan. Kung sasangguni sa western medicine care providers, mahalagang malaman nila ang tungkol sa alternatibong medisina na ginagamit ng pasyente, upang lubos na mapalawak ang pakinabang ng panggagamot, at upang maiwasan ang anumang drug interactions at contraindications.