Dibuho ni R.I.M. Cruz

KUNG wika nga ang basehan ng pagkakilanlan, tila ‘di raw batid ng mga Filipino ang ginagawa nilang pagpatay sa kanilang sariling wika.

Sa paniniwala kasi ni Jose Dakila Espiritu, propesor ng Filipino sa College of Education, sa bawat pagbigkas ng “Taglish” at “Enggalog” ay niyuyurakan ang wikang Filipino at gayon din naman ang wikang Ingles.

Ang Taglish at Enggalog ang mga nakagawiang konsepto na bumubuo sa penomenang panglinggwistika na codeswitching, kung saan salitan ang paggamit ng dalawang magkaibang wika.

Ayon kay Espiritu, malaking problema ng mga estudyante, partikular na ng mga Tomasino, ang codeswitching.

“Nakalulungkot sabihing hindi mataas o hindi mahusay ang mga mag-aaral sa parehong wika (Ingles at Filipino),” ani Espiritu.

Ngunit ayon kay Carmelita Abdurahman, isa sa 11 komisyoner sa Komisyon sa Wikang Filipino, walang masama sa codeswitching upang magkaroon ng mas epektibong komunikasyon.

Mali rin daw na sabihing codeswitching ang Taglish at Enggalog dahil ang codeswitching daw ay ang pagpapalit ng piling salita o parirala at hindi ang paghahalo ng dalawang magkaibang lenggwahe.

“Hindi maiiwasan ang pag-codeswitch dahil kulang sa katumbas sa wikang Filipino ang [ilang] mga salita o termino,” ani Abdurahman sa isang panayam ng Varsitarian.

Ginagamit daw ang codeswitching sa silid-aralan sa mga asignaturang tulad ng science at mathematics kung saan may mga teknikal na termino na kadalasan ay walang katumbas sa wikang Filipino, paliwanag niya.

Sa halip kasi na piliting masambit ang katumbas ng isang salita sa Filipino, mas madaling magkauunawaan kung magpapahayag ng ilang mga salitang mas madaling intindihin. Halimbawa nito ay ang salitang “standard.” Imbis na ang salitang “pamantayan” ang gamitin sa pakikipag-usap, maaari pa ring gamitin ang standard lalo na kung mas naiintindihan ito ng kausap.

READ
CPT is now College of Rehabilitation and Science

Sinegundahan naman siya ni Marilu Madrunio, tagapangulo ng Department of Languages sa UST.

Aniya, hindi maiiwasan ang pagko-codeswitch dahil ito ay isang pandaigdigang penomenon na dapat tignan sa isang “macro point of view.”

“Ayon sa mga pananaliksik ukol dito, ginagamit ang codeswitching para makalikha ng magandang interaction, maliban kung mayroong hindi marunong magsalita ng Filipino sa silid-aralan,” sabi ni Madrunio. Dagdag pa niya, maging Filipino o Ingles, hindi natin maaasahang magsalita ang isang estudyante ng dire-diretso sa isang wika.

Ayon kay Abdurahman, kung titignan ang mga baitang ng wika, pasok ang codeswitching sa impormal na baitang ng salita kung saan nabibilang din ang “slang” o mga salitang balbal; colloquial (mga salitang ginagamit sa ordinaryong pakikipagusap dala na rin ng nagbabagong lipunan at modernisasyon); at provincial (mga salitang alam lamang sa partikular na lalawigan o rehiyon).

“Ang pag-codeswitch ay katanggap-tanggap sa mga diskusyon sa loob ng silid-aralan, ngunit hindi ibig sabihin nito ay ito ang magiging pangunahing paraan ng pagtuturo o medium of instruction,” ani Abdurahman.

Ayon naman kay Concepcion Luis, isa pang komisyoner, ang codeswitching ay katanggap-tanggap lamang sa mga ordinaryong pag-uusap ngunit hindi sa pang-akademikong gawain, lalo na sa pagsusulat.

Dito pumapasok ang mga pormal na salitang “national” at “literary.” National o wikang pambansa ang ginagamit sa mga pang-akademikong gawain habang literary o salitang pampanitikan ang tawag sa mga salitang may malalim na kahulugan at ginagamit ng mga makata.

Sinabi pa niya na natural na mga linggwistiko ang mga Filipino, kaya madali para sa atin ang maki-ayon sa mga dayuhang salita kaya naman nabuhay ang konsepto ng codeswitching.

READ
Thomasian Freshmen Walk, umusad na

Subalit naniniwala si Espiritu na hindi nakatutulong ang codeswitching sa pagpapaunlad ng wika.

“Hindi nabibigyang-hustisya ang wika sa tuwing nagko-codeswitch,” aniya.

Hindi rin naiwasang ikumpara ni Espiritu ang kasalukuyang kalagayan ng UST sa estado ng ibang unibersidad. Ayon sa kanya, kung wikang Filipino ang pag-uusapan, ordinaryo ang pagtanggap ng mga Tomasino rito, hindi gaya sa University of the Philippines kung saan pinahahalagahan ito.

Kung susuriin din daw kasi ang kalagayan ng wikang Ingles at Filipino sa ibang pang unibersidad— ang Ateneo de Manila University ay mayaman sa pananaliksik sa wikang Ingles at may tinatawag na Atenean English. Ang De La Salle University naman ay nakabuo na ng sariling ortograpiya. Samantala, ang UST ay wala ni isa man sa mga nabanggit.

“Hindi maganda ang kasalukuyang estado ng Filipino at Ingles sa UST. Hindi naman bumababa ang kalidad ng mga ito bagkus ‘wala lang sa tono’,” ayon kay Espiritu.

Hindi naman sang-ayon si Madrunio dito, at nagsabing halos lahat ng unibersidad ay mayroong problema sa proficiency sa parehong wika, hindi lamang UST.

Nag-ugat daw ito sa pagpapatupad ng iba’t ibang patakaran ng mga pangulong naupo ukol sa medium ng pagtuturo sa Pilipinas

“Dumating ang panahon na Ingles ang madalas na wikang ginagamit sa pagtuturo, hanggang sa naging Filipino. Sa bawat palit ng pangulo, binabago rin ang medium. Ginawa itong bilingual at multi-lingual na sa kasalukuyan,” ani Madrunio.

Diumano’y walang lideratong malakas ang loob na buhayin ang wikang Filipino.

“Kahit ‘first language’ natin ito (Filipino), kailangang maunawaan ng nakararami ang mga isyung nakakabit dito, gaya ng ortograpiya o tamang pagbaybay, lexicography o tamang pagpili ng mga salita,” paliwanag ni Madrunio.

READ
For 3rd year, UST tops Med board

Iminungkahi nina Espiritu at Madrunio na dapat magkaroon ng mga kumperensiya ang mga guro ukol sa pagtuturo gamit ang wikang Ingles at Filipino upang maiwasan ang pagko-codeswitch sa harap ng klase at upang mahasa ang proficiency nila pati na ang mga mag-aaral sa parehong wika.

“Ngayong buwan ng wika, naniniwala ako na dapat magtulung-tulungan ang lahat para mapayaman ang wikang Filipino. Laganap na ito, kailangan na lamang pagyamanin. Hindi sana mangyaring Tomasino mismo ang magsisimulang magbaba nito,” ani Espiritu.

Naniniwala ang dalawa na may pagkakataon pang kuminang at maging intelektwalisado sa wikang ito ang mga Tomasino.

“Gusto nating ipalaganap ng lubos ang pagmamahal ng mga mag-aaral sa wikang Filipino na sariling atin. Ang pagkatuto ng vernacular na wika ay magdudulot ng mas madaling pagkatuto sa iba pang lenggwahe,” ani Madrunio. May ulat mula kay Ma. Karla Lenina Comanda

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.